Friday, July 5, 2013

Seminar sa produksiyon ng hayop isinagawa sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Hulyo 5 (PIA) -- Isinagawa kamakailan dito ang isang seminar sa pagpapaunlad sa pag-aalaga ng mga hayop sa pamamagitan ng "Investment Forum on Organic Agriculture."

Ito ay upang mapaunlad at magkaroon ng mga pamamaraan upang malaman ang kahalagahan ng organikong agrikultura sa produksiyon ng mga hayop.

Pinangunahan ito ng Regional Field Unit 5 ng Department of Agriculture (DA-RFU 5) sa pakikipagtulungan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan.

Pangunahing tagapagtalakay dito sina College Instructor Dr. Jose S. Sabater ng Central Bicol State University of Agriculture at si organic advocate/entrepreneur Norita M. Badong ng pribadong sektor mula sa Camarines Sur.

Ipinaliwanag ni Sabater ang Benefits and Advantage of Advocating & Utilizing Organic Products ganundin ang pagpapaunlad ng organikong produkto.

Ayon kay Sabater, ito ay isang bagong sistema ng pag-aalaga ng manok na kung saan ay hindi gumagamit ng mga kemikal sa ipinapakain sa hayop.

Aniya, ito rin ay mga pagkain na nasa kapaligiran ng tahanan at madaling maabot o makuha ng mga alagang manok.

Dagdag pa ni Sabater, sa tulong ng kanilang ginawang talakayan ay nakakuha ng mga alituntunin at mga pag-aaral ang mga dumalo upang mahikayat sila na pumasok sa bagong sistema sa produksiyon ng pagmamanukan.

Ayon naman kay organic advocate/entrepreneur Badong, matuturuan din ang mga magsasaka at magkakaroon sila ng kaalaman sa ibinibigay na benepisyo sa paggamit ng organikong produkto sa kalusugan ng tao at kapaligiran.

Ayon pa rin kay Badong na hinihikayat ng pamahalaan na gumamit ng organikong agrikultura ang mga magsasaka sa tulong ng Department of Agriculture.

Ibinahagi rin sa talakayan ang tamang pamamaraan ng pag-aalaga ng manok upang mapadami ang produksiyon nito ganundin ang tamang pangangalaga sa kalusugan ng mga alagang hayop.

Tinalakay rin ang epekto ng mga kemikal na ginagamit lalo na sa pagsasaka at pagpapakain sa hayop dahil ito ay nakakasira sa kalusugan ng tao at sa ating kapaligiran.

Ang naturang talakayan ay dinaluhan mula sa samahan ng mga magsasaka, mga pribadong paaralan sa kolehiyo, president ng Rural Improvement Club, mga manager ng restaurant, market administrator at non-government organizations. (MAL/ROV/PIA5, Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment