Monday, July 8, 2013

Mga mambabatas ng Bikol paiigtingin ang ‘transparency’ sa pamahalaan

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hulyo 5 (PIA) -- Nagpasa ng panukalang batas sina Senador Francis Joseph “Chiz” Escudero ng Sorsogon at Congresswoman Maria Leonor “Leni” Gerona Robredo ng ikatlong distrito ng Camarines Sur para sa pagpapaigting ng "transparency" sa pamahalaan.

Kabilang sa mga maagang nagpasa sa mababa at mataas na kapulungan, ipinasa ni Senador Escudero ang Senate Bill (SB) 16 bilang una niyang panukala para sa 16th Congress at ni Congresswoman Robredo ang House Bill (HB) 19 ngayong linggo bago magbukas ang opisyal na sesyon ng parehas na kapulungan ngayong buwan.

Ang SB 16 ni Escudero o ang "Submission of Waiver of Bank Deposits Bill," magbibigay sa publiko ng pagkakataon upang alamin ang mga dokumentong pinansyal ng mga opisyal ng pamahalaan at mga nais magkaroon ng puwesto sa gobyerno na maglagda ng waiver sa pagiging sikreto ng kanilang deposito sa bangko kasabay ng kanilang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Samantala, ang "Full Disclosure Bill" ni Robredo ay naglalayong ipahayag ng buo ang lahat ng impormasyon ng fiscal management ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan at mga tanggapan nito, lokal na pamahalaan, government-owned and controlled corporations at subsidiaries.

“Itong transparency na aking isinulong noong mga nakaraang taon ay aking itutuloy sa pagkakaroon ng panibagong mandato na ibinigay sa akin ng mamamayan,” sabi ni Escudero. Ang pagsampa muli ng panukala ay patunay ng pakikipaglaban sa katiwalian at kurapsyon na ipinangako noong kampanya, dagdag ni Escudero.

Ayon sa SB 16, lahat na opisyal ng pamahalaan at mga kawani pwera ng nagsisilbi na "honorary" ay kailangang magsumite sa Ombudsman ng nakasulat na waiver na nagpapahintulot sa Ombudsman na busisiin ang lahat ng deposito sa bangko o banking institutions sa loob at labas ng Pilipinas sa anumang uri kasama ang investment bonds galing sa pamahalaan ng Pilipinas.

Nauna nang ipinasa ni Escudero ang panukala noong 2010 upang ipag-utos ang paglagda ng bank waivers bilang resulta ng kontrobersiya noon na kinasangkutan ng iligal na paggamit ng pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang nakaraang kontrobersiya sa hudikatura ay nagresulta rin na malaman ang kahalagahan ng makatotohanang impormasyon sa SALN na maisasakatuparan kung magkaroon ng waiver sa bank secrecy.

Samantala, ang Full Disclosure Bill ni Robredo ay mag-uutos sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan at mga opisina nito na seguruhin na nakahanda ang impormasyon sa kanilang badyet at transaksiyong pinansiyal kahit na walang opisyal na hiling ng publiko. Ang panukala ay magbibigay sa publiko na makita ang datos kahit anong oras na walang hadlang na teknikalidad at bureaucratic red tape.

Ang panukalang batas ay nagmula sa DILG Memorandum Circular No. 2010-83 na ipinalabas noong Agosto 2010 na nag-uutos sa mga lokal na pamahalaan at mga opisinang pang-rehiyon ng DILG regional na mag-ulat ng kanilang pondo kasama ng bids at public offerings.

Ang mga naunang bersyon ng panukala ay ipinasa nina Senador Franklin Drilon at dating mambabatas Joseph Emilio Abaya noong Enero 2011 at Agosto 2012.

“Ang pondo (ng pamahalaan) ay pinaghirapang kita ng taumbayan na dapat gastahin ng mahusay at sa kapakanan ng lahat,” sabi ni Robredo. Ipinagdiinan din niya ang kahalagahan ng kamalayan ng publiko kung paano pinamamahalaan, inilalabas at ginagamit ang pondo ng pamahalaan.

Samantala, hinikayat ni Escudero ang kapwa niya mambabatas na manguna sa pagsulong ng transparency sa pagsasabatas ng panukala. Bilang halimbawa, nilagdaan ni Escudero ang isang waiver noong Abril 25 kasabay sa pagpasa niya ng kanyang SALN sa Senate Secretary.

“Ang paninilbihan sa pamahalaan ay isang prebilihiyo hindi isang karapatan, kung kaya’t ang lahat na nagsisilbi at nagnanais magtrabaho sa pamahalaan ay dapat buksan ang kanilang ari-arian sa audit,” sabi ni Escudero.

“Ang (paghahayag pinansiyal) ay karagdagan sa pagsisikap ng ating taumbayan na magkaroon ng transparent at accountable na pamahalaan,” sabi ni Robredo. (MAL/JJJPerez/PIA5, Albay)

No comments:

Post a Comment