Friday, July 5, 2013

'Scouts international jamboree' gaganapin sa Albay

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hulyo 5 (PIA) -- Itutuon muli ng buong mundo ang atensyon sa probinsiya ng Albay kung saan gaganapin ang international jamboree ng mga boy scouts sa ikatlong linggo ng Agosto sa taong ito.

“Ang Bicol University, Boy Scouts of the Philippines (BSP) Mayon (Albay) Council, Pamahalaang Panlalawigan ng Albay at ng Pamahalaang Panlungsod ng Ligao ang nag-organisa ng Scouts for Environment International Jamboree sa August 21 hanggang 25 sa Kawa-Kawa Natural Park sa Tuburan Ligao City na may paksang Help Save Mother Earth,” sabi ni BSP Mayon Council Scout Executive Bienvenido Canlapan.

Sa isang joint government agency memorandum na ipinalabas ng apat na organisasyon, ang aktibidad ay naglalayon na ibahagi sa mga delegado galing sa ibang bansa at lalawigan ang karanasan ng Albay sa climate change adaptation and mitigation practices, disaster preparedness, at risk reduction management.

Layon din ng apat na organisasyon na magkaroon ng kamalayan tungkol sa estado ng ekolohiya ng Pilipinas at ang kaugnayan sa pagitan ng kapaligiran at kalusugan ng tao at kung paano ito nakakaapekto sa uri ng buhay ngayon sa gitna ng maraming imbalanse sa kapaligiran na nagresulta sa problema at isyu sa kalusugan na may kaugnayan sa kapaligiran.

Inaasahan din na ang jamboree ay magpapa-unlad ng positibong tugon sa mga estudyante at mga guro sa isyung pangkapaligiran na nakakaapekto sa kalusugan at magkaroon ng pagpapahalaga ang bawat kalahok na sumali sa mga programa at proyekto para sa kapaligiran, ayon sa mga organizers.

Ang mga scouts at scouters galing sa international colleges at universities, mga kalahok galing sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) councils of teachers, mga kalahok na nasyonal at lokal na delegado ay inaasahang dumagsa sa Albay sa pandaigdigang aktibidad na ito, ayon kay Canlapan.

“Magkakaroon ng press conference sa Hulyo 8, 2 p.m. sa Airport Hotel sa Legaspi City upang magbigay impormasyon sa media kung paano patatakbuhin ang aktibidad kasama ang mga layunin nito,” dagdag ni Canlapan. (MAL/JJJP-PIA5, Albay)

No comments:

Post a Comment