Friday, July 5, 2013

'Transition team' mangangasiwa sa paglilipat ng tungkulin sa mga bagong halal na opisyal

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Hulyo 5 (PIA) -- Binuo sa lalawigan ng Camarines Norte ang Local Governance Transition Team upang masiguro ang maayos na paglilipat ng tungkulin sa mga bagong halal na opisyal ng pamahalaang panlalawigan at masiguro din ang paghahatid ng serbisyo-publiko.

Ito ay ayon sa bisa ng Executive Order no. 2013-16 na binuo kamakailan ni Gobernador Edgardo A. Tallado.

Bagamat walang literal na pagsasalin ng tungkulin sa mga bagong opisyal sapagkat kapwa nailuklok na muli sina Gobernador Tallado, Bise Gobernador Jonah Pimentel, at limang miyembro ng sangguniang panlalawigan, ay tumalima si Tallado sa Memorandum Circular no. 2013-33 na ipinalabas ni Kalihim Mar A. Roxas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang Transition Team ay pamumunuan ng gobernador kabilang ang mga miyembro nito at ang lahat na hepe ng mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan gayundin ang DILG provincial office, Commission on Audit, at Kiwanis Club of Daet bilang kinatawan ng pribadong sektor.

Nagsagawa na ng pagpupulong ang naturang grupo at sinimulan ang imbertaryo sa lahat na ari-ariang di-natitinag ng pamahalaang panlalawigan katulad ng lupain, mga gusali, imprastraktura, machineries, facilities at improvements ganundin ang mga ari-ariang natitinag kabilang ang sasakyan, office equipment, furnitures, fixtures, at supply stocks.

Kasama sa mga mahahalagang dokumento na dapat ihanda upang susugan ng pagpaplano ng bagong pamunuan ng mga opisyales ay ang 2013 Annual Investment Plan pati na ang iba pang mga development plans tulad ng Comprehensive Development Plan, Comprehensive Land Use or Physical Framework Plan, Local Capability Development Agenda, at Organizational Structure ng kapitolyo kalakip ang Inventory of Personnel by Nature of Appointment.

Ang mga naipalabas na Executive Orders ng nakaraang termino ay kailangan ding magsama-sama upang maging basehan ng mga magiging aksiyon ng kahahalal na ehekutibo.

Ilang dokumento sa taong 2012 ay kailangan ding isumite katulad ng 2012 State of Local Governance Performance Report at 2012 State of Local Development Report.

Upang mailatag ang kalagayang pananalapi ng pamahalaang panlalawigan sa pagsisimula ng pamunuan ng 2013-2016, inihahanda na rin ng Local Governance Team ang sumusunod na dokumento ang 2013 Annual Budget and Supplemental Budget; CY 2013 Special Education Fund (SEF) Income and Expenditure Estimates; 2013 Annual Procurement Plan pati na rin ang ulat ukol sa nagagastos ng pondo sa unang kwarter sa ilalim ng SEF; 20 percent Component of the IRA at Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF).

Kabilang pa rin ang ilang dokumento sa taong 2012 ay kailangang isumite tulad ng 2012 Financial Performance Report, 2012 COA Report, CY 2012 Statement of Debt Service, at CY 2012 Statement of Receipts and Expenditures at 2012 Annual Gender and Development (GAD) Accomplishment Report.

Bilang pagtalima pa rin sa “Full Disclosure Policy” ng pamahalaang nasyunal, inihahanda rin ng transition team ang 1st quarter of 2013 reports ukol sa Quarterly Statement of Cash Flow; Items to Bid; Bid Results on Civil Works, Goods and Services, Abstract of Bids as Calculated pati na ang mga Contracts and Loan Agreements ng pamahalaang panlalawigan. (MAL/ROV/PIA5, Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment