Friday, July 5, 2013

Pagtatanim ng puno isinagawa sa pagdiriwang ng Arbor Day

By Sally A. Atento

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hulyo 5 (PIA) -- Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources sa rehiyong ito ang malawakang pagtatanim ng puno katuwang ang mga stakeholders sa iba’t-ibang sektor kaugnay sa pagdiriwang ng Arbor Day nitong Hunyo.

Ayon kay Gilbert Gonzales, DENR Bicol regional director, mahigit sa 400 kalahok ang nagtulong-tulong itanim ang halos 2,000 mga binhi sa gilid ng sapa sa Barangay Bonga ng lungsod na ito.

Binigyang diin ni Gonzales na ipinapakita ng nasabing kaganapan ang pagnanais ng mga mamamayan na makiisa sa inisyatiba ng DENR na muling palaguin ang mga kakahuyan sa lungsod.

Ipinahayag niya na ang nasabing lugar ay naging bahagi ng mga sityo na sakop ng National Greening Program (NGP) na may layuning makapagtanim ng 1.5 bilyon na kahoy sa 1.5 milyon na ektarya ng lupa sa bansa.

Kaugnay nito, ipinaalala ni Gonzales na ang Arbor Day ay isang okasyon na pangkalikasan na may layunin na bigyang diin ang halaga ng mga puno at pagtatanim nito ng mga mamamayan sa mga komunidad. (SAA/DENR/PIA5, Albay)

No comments:

Post a Comment