Thursday, August 29, 2013

Karagdang insentibo sa magsasaka sa pagbebenta ng palay sa NFA

BY: ROSALITA B. MANLANGIT

DAET, Camarines Norte, Agosto 29 (PIA) -- Mayroong karagdagang insentibo sa bawat kilo ng palay ang matatanggap ng mga magsasaka sa Camarines Norte sa mga magbebenta at magdadala nito sa tanggapan ng National Food Authority (NFA), ayon sa isang opisyal ng tanggapang panlalawigan ng ahensiya.

Ito ang naging pahayag ni senior grains operator Felisa Pobre, Industry Services ng naturang tanggapan kaugnay sa isinagawang pagpupulong kamakailan ng Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) sa Audio Visual Production Center ng kapitolyo probinsiya.

Ayon kay Pobre, mayroong karagdagang insentibo na 20 sentimo sa tuyong palay at 20 sentimo sa magdadala sa kanilang tanggapan at 30 sentimo naman sa Cooperative Development Incentive Fund (CDIF) sa kabuuang P17.70 bawat kilo.

Ang naturang insentibo ay para lamang sa mga magsasaka na mayroong samahan o grupo sa kanilang lugar.

Ang CDIF ay pondong naiipon sa tanggapan ng NFA at maaari nila itong kunin upang gamitin sa pagbili ng abono, bigas at pagsasaayos ng kanilang makinaryang pangsakahan at iba pang pangangailangan.

Ayon pa rin kay Pobre, mayroong insentibo rin ang mga indibidwal na magsasaka na 20 sentimo sa tuyong palay at 20 sentimo rin na dadalhin sa kanilang tanggapan o kabuuang P17.40 sa bawat kilo at kailangan rin na 14 hanggang 18 porsiyento ang moisture content ng palay.

Dagdag pa ni Pobre, may iba pang insentibo ang mga magsasaka sa pagdadala ng palay sa kanilang tanggapan mula sa sampung kilometro pababa ay 20 sentimo o Equivalent Net Weight (ENW) sa kabuuang P10 sa bawat bag ng palay.

Mula sa 10 hanggang 20 kilometro ay 30 sentimo/ENW o P15 ang karagdagan sa bawat bag at 20-30 kilometro naman ay 40 sentimo/ENW o P20/bag samantalang 50 sentimo/ENW o P25 sa bawat bag ng palay ang mula sa 30 kilometro.

Namimili naman ang NFA ng halagang P17 bawat kilo ng palay at karagdagang insentibo sa makakapagbenta ng tuyo nito at pagdadala sa naturang tanggapan.

Samantala, kabilang pa rin sa isinagawang pagpupulong ng PAFC ang pagtalakay sa mga lugar sa Camarines Norte na maaaring tamaan ng sakuna at kalamidad sa mga matataas at mababang lugar dito.

Tinalakay din ang paggawa ng resolusyon sa mga mayroong moroso sa National Irrigation Administration (NIA) upang mabawasan ang bayarin ng mga magsasaka sa patubig o irigasyon.

Ang PAFC ay gagawa rin ng resolusyon para sa kahilingan sa Department of Agriculture na farm equipment machineries upang hindi na magbigay ng kabahagi (equity) na 15 porsiyento. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://r05.pia.gov.ph/index.php?article=871377751015#sthash.pwAy7z7J.dpuf

No comments:

Post a Comment