Wednesday, September 18, 2013

DOLE, OWWA kaisa ng PDEA sa kampanya laban sa illegal na droga sa Bicol

BY: SALLY A. ATENTO

LUNGSOD NG LEGAZPI, Set. 17 (PIA) -Pumirma ng kasunduan ang tatlong ahensiya ng pamahalaan sa pagpapaigting ng pagbaka laban sa pagkalat ng illegal na droga sa rehiyon ng Bicol.

Pinangunahan nina regional directors Nataniel Lacambra ng Department of Labor and Employment (DOLE), Jocelyn O. Hapal ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) at Archie A. Grande ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagpirma ng memorandum of agreement o MOA Biyernes noong nakaraang lingo alinsunod sa probisyon, tungkulin at responsibilidad ng bawat ahensiya.

Sa ilalim ng kasunduan, ang tatlong ahensiya ay magsasagawa ng Kapit-Bisig for a Drug Free Bicolandia program.

Ayon kay Grande ang pangunahing tungkulin ng PDEA na nakasaad sa kasunduan ay magbigay ng teknikal na tulong sa pagsulong ng impormasyon at adbokasiya at pagkilos sa mga suliranin ng OWWA at DOLE sa rehiyon na may kinalaman sa illegal na droga.

Ang PDEA, dagdag ni Grande, ay makikipagugnayan din sa mga rehabilitation centers sa rehiyon sa pagendorso ng mga makikinabang sa DOLE livelihood packages.

Samantalang si Lacambra ay naninidigan na ang DOLE at OWWA ay magsisikap at tutulong sa pagsulong ng anti-illegal drug abuse program sa mga ahensiya kasama ang mga pribadong kompanya at kliyente sa buong rehiyon.

Ang DOLE ay magbibigay ng livelihood packages sa mga nararapat na mamamayan na nagnanais maibalik sa pamayanan matapos ang rehabilitasyon.

Ayon kay Hapad hihimukin ng OWWA ang mga kliyente at stakeholders nito na dumalo sa mga anti-illegal drug information and education campaigns upang masiguro na ang mga manggagawa ay malaya sa ilegal na droga.

Dagdag ni Grande ang mga kasunduan ay pambungad na inisyatibo para sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Kanya ring pinaalala ang Civil Service Commission Memorandum Circular No. 13 Series 2010 na pinamagatang “Guidelines for A Drug Free Workplace in the Bureaucracy” na naghihimok sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na magkaroon ng mga kampanya at proyekto laban sa droga upang malaya sa droga sa mga lugar ng trabaho gayundin ang mga kliyenteng kanilang pinagsisilbihan. (MAL/SAA-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment