Thursday, September 12, 2013

Kooperatiba ng kuryente sa Albay naghahanda sa referendum

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LUNGSOD NG LEGAZPI, Set. 12 (PIA) -- Private Sector Partnership (PSP) o Cooperative to Cooperative (C2C)?

Magpapasya ang mga Albayanos sa pamamagitan ng isang referendum sa Sabado, Setyembre  14 kung alin ang pinakamainam na pagpipilian upang sagipin ang bankaroteng Albay Electric Cooperative (ALECO) sa hindi maayos na pagpapatupad ng palisiya sa pangongolekta, mataas na systems loss, at kabiguang makakuha ng pangmatagalang kontrata sa serbisyo sa kuryente

“Inaasahan naming kahit 25% ng lampas 180,000 na kasaping-konsumidor o 20,000 ay lalabas upang bumoto,” sabi ni ALECO Officer-In-Charge for Institutional and Administrative Services Department (IASD) at itinalagang tagapagsalita Hezel Morallos sa Philippine Information Agency (PIA) sa isang eksklusibong panayam.

Ang tinatayang mga botante na lalahok ay lampas sa 5,000 na karaniwang dami ng mga lumalahok sa anumang pinasimunuang halalan ng ALECO para sa mga kasapi sa lupon, at mas mataas pa sa pinakamataas na dami ng lumalahok sa karaniwang pangkalahatang pagpupulong ng mga kasaping-konsumidor na lumalampas lamang sa sanlibo, dagdag ni Morallos.

“Maliban sa aming serye ng kampanya sa impormasyon at edukasyon (IEC) sa mga munisipalidad, ginamit din namin ang halos lahat ng maaring gamiting pamamaraan ng pakikipagtalastasan gaya ng anunsiyo sa mga radyo at telebisyon, sulat sa mga alkalde at media at mobile PA (public address) system na umiikot sa mga barangay upang maikalat ang impomasyon na may kaugnayan sa referendum,” sabi ni Morallos sa PIA.

 Ang IEC ay inirekomenda ng Department of Energy (DOE) pakatapos na makipagpulong ang mga kinatawan ng grupong multi-sectoral na pumapabor sa C2C kay DOE Secretary Carlos Jericho Petilla upang mabigyan sil ng pagkakataon na maipahayag sa mga Albayanos ang kanilang paninindigan.

Ang IEC ay isinagawa sa 1,677 residente mula Setyembre 2 hanggang 6 sa 17 munisipyo ng Albay kasama ang Legazpi City. “Ang ibang alkalde tulad sa munisipyo ng Libon, Polangui at Guinobatan ay personal na dumalo ng mga IEC kasama ang mga pinuno ng kanilang mga barangay,”  sabi ni Morallos.

Ang Libon ay nakapagtala ng 223 dumalo, Polangui 105 at Guinobatan na may 160 lumahok sa IEC ay kasama sa mga nangungunang mga pook na may mataas na dumalo sa IECs na pinangunahan ng Lungsod ng Legazpi na may 330 at Manito na may 200 dumalo. Ang Camalig ay nagkaroon lamang ng isang dumalo at walang dumalo sa Tabaco City na naging sanhi upang kanselahin ang pagtitipon. “Nakatanggap kami ng ulat na inakala ng mga kasaping-konsumidor sa Libon na ang naunang pagpupulong ng mga pabor sa C2C ay iyon na rin ang itinakdang pagpupulong ng DOE, habang wala kaming alam sa dahilan ng nag-iisang dumalo sa Camalig,” sabi ni Morallos.

Ang grupong panig sa C2C ay binubuo ng multi-sectoral groups na pinangungunahan ng abogadong si Burt Rayco at suportado ng ALECO Employees Organization (ALEO). Ang grupong panig sa PSP ay binubuo ng ALECO board at unyon ng mga pinuno, ang ALECO Labor Supervisors Organization (ALELO), sabi ni Morallos. Nauna nang nagpahayag ng suporta si Albay Governor Joey Salceda sa  PSP. (MAL/JJJPerez-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment