VIRAC, Catanduanes, Set. 10 (PIA)- Nagbigay ng babala ang tanggapan ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan kaugnay ng pag-atake umano ng “Budol-budol” gang.
Ayon kay Police Senior Superintendent Eduardo G. Chavez, mahigit limang (5) kaso na kaugnay ng pambibiktima ng naturang grupo ang naitala sa tanggapan ng PNP.
Sinabi ni Chavez na modus umano ng grupo ang tumawag sa cellphone para humingi ng load at nagpapanggap na kakilala ang tinatawagan at kailangan umano na mapadalhan ng load dahil nasa alanganing lugar o mayroong emergency gamit ang mga kilalang opisyal at personalidad sa lalawigan kabilang na ang mga empleyado ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Chavez, gumagamit umano ng pang-‘hypnotize’ ang mga myembro ng budol-budol upang makuha ang loob ng kausap.
Patuloy din umano silang magbabantay sa iba’t ibang lugar sa lalawigan sa pamamagitan ng checkpoints at pagpapaigting sa police visibility upang mapanatili ang seguridad ng mga mamamayan lalo na sa panahon ng barangay at SK election.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Governor Araceli B. Wong ang publiko na maging maingat sa pakikitungo sa mga hindi kakilala at patuloy na makipag-ugnayan sa kapulisan upang mahuli ang sangkot sa panloloko.
Ayon sa kanya, ang matibay na relasyon ng kapulisan at mamamayan ay makakatulong ng malaki upang mahuli ang mga nanloloko at nananamantala. (EAB-PIA5/Catanduanes)
- See more at: http://r05.pia.gov.ph/index.php?article=841378736766#sthash.UBXC5zcV.dpuf
No comments:
Post a Comment