Wednesday, October 23, 2013

Kapulisan, PSO handa na sa eleksyon, Undas

LUNGSOD NG NAGA, Okt. 23 (PIA) --- Handa na ang Naga City Police Office (NCPO) at Public Safety Office (PSO) dito upang mabigyan ng seguridad ang mga lalahok sa darating na barangay elections sa Oktubre 28 at mga pauwi sa Undas sa Nobyembre 1.

Sa ulat ni PSInsp. Reneo P. Andalis Jr., hepe ng Operations and Plans Section ng NCPO ay ibinahagi nito ang mga security preparations sa magaganap na halalan sa Oktubre 28 at Undas mula Nobyembre 1 hanggang 2.

Sinabi ni Andalis na 493 ang kasalukuyang miyembro ng pulisya ng NCPO mula sa dating 393 pulis na organic personnel at karagdagang 100 na pulis bilang augmentation force mula sa Regional Command ng PNP. Iniutos nito ang 24/7 na pagbabantay ng pulisya para matiyak ang seguridad ng mga mamamayan at katahimikan ng lugar.

Kaugnay nito, pipirmahan din ang Peace Covenant kabilang ang PNP, mga sektor ng komunidad at mga kumakandidato sa 27 barangay ng lungsod mamayang alas singko ng hapon sa Plaza Quezon dito.

Umaabot sa 70 kandidato sa punong-barangay at 658 na kandidato sa barangay kagawad ang naitala dito lamang sa lungsod.

Samantala, sa pag-uulat naman ni PSO executive officer Lito Del Rosario, sinabi nito na inihanda na nila ang re-routing plan sa panagon ng Undas kung saan tatlong araw bago ang okasyon ay ilalatag na nila ang information traffic board na magtuturo sa mga motorista para maiwasan ang trapiko lalo na sa lugar na may sementeryo.

Ang lungsod ng Naga ay may 6 na sementeryo, tatlo ang pribado at 3 naman ang pampublikong libingan.

Hiniling din ng NCPO at PSO na sa pamamagitan ng media sector na maipalam sa publiko ang mga pagbabago sa trapiko lalo na sa panahon ng undas na mayroon panguhaning kalsada na gagawin one-way lalo na sa bahagi ng Balatas Road na may dalawang malalaking sementeryo.

Maliban sa seguridad at paghahanda sa trapiko ang NCPO at PSO ay maglalagay din ng Assistance Help Desk sa mga sementeryo at mataaong lugar. Magiging katulong ang mga tauhan ng BFP, DOH-BMC, City Health Office, Disaster Risk Management Office at mga barangay tanod sa pagbibigay serbisyo. (MAL/LSM/DCA-PIA5/Camarines Sur)

No comments:

Post a Comment