Tuesday, November 12, 2013

Lampas 145 libo na pamilya sa Bicol apektado ng bagyong ‘Yolanda’ – OCD Bicol

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LUNGSOD NG LEGAZPI, Nob. 12 (PIA) – Umabot sa 145,059 na pamilya sa rehiyon Bicol ang apektado ng super typhoon Yolanda habang sinasalanta nito ang mga karatig probinsiya sa Kabisayaan umaga ng Biyernes at Sabado ng nakaraang linggo.

Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) – Bicol na 708,464 katao ang inilikas, karamihan nito ay nasa Albay na umabot sa 533,673 katao o katumbas ng 145,825 pamilya.

Ang probinsiya ng Sorsogon ay nagtala ng 23,551 pamilya o 95,691 katao sa evacuation centers habang ang Camarines Sur ray nagkaroon ng 9,177 pamilya o 42,956 katao.

Ang Masbate ay nagtala ng 20,521 katao o 4,501 pamilya ang naapektuhan o dili kaya’y nawalan ng tirahan dahil sa bagyong  Yolanda. Ang probinsiya ng Catanduanes ay nag-ulat ng 390 pamilya o 2,563 katao na apektado ng bagyo.

Ang Camarines Norte ay naglikas ng 2,317 pamilya o  11,341 katao. Samantala sa Lungsod ng Naga, 298 pamilya o 1,719 katao ang inilikas sa evacuation centers.

Sa pinakahuling ulat ng OCD-Bicol, mayroon pang 667 pamilyang evacuees o 21,319 katao sa islang probinsya ng Masbate alas otso ng umaga noong Nobyembre 11.

Nakaranas din ng storm surges ang mga bayan ng Presentacion, Sagñay at San Jose, lahat sa probinsiya ng Camarines Sur. Kinumpirma din ng OCD–Bicol na 120 kabahayan sa Precentacion ay nawasak at 109 ang nagkaroon ng sira. Sa Sangay, 40 kabahayan ang nagkaroon ng sira at 10 bahay sa San Jose ang nagkaroon ng sira o partially damaged.

Naiulat din ang isang ipo-ipo sa Sitio Busaing ng Barangay Homestead sa bayan ng Siruma sa Camarines Sur na nagwasak sa apat na bahay.
Iniulat ng OCD Bicol na nagkaroon ang rehiyon Bikol ng kabuuang 215 kabahayan ang nawasak at 227 naman ang nagkaroon ng sira sanhi ng bagyong Yolanda.

Naiulat din ang pagguho ng lupa sa pagitan ng mga bayan ng Lagonoy at Presentacion sa Camarines Sur sanhi ng malalakas na ulan.

Ayon sa pinakahuling ulat ng OCD-Bicol, nagtala ng limang nasawi sa bagyo ang rehiyon, apat nito ay sa Masbate at isa ay taga Camarines Norte. Ang mga nasugatan ay umabot sa 21 katao, sampu nito ay sa Camarines Sur, anim sa  Sorsogon at lima sa Masbate.

Noong alas-diyes ng umaga ng Nobyembre 11, tinatayang umabot sa halagang P174,762,666.99 ang nasira sa agrikultura at 4,005 magsasaka ang apektado ng bagyo, ayon sa ulat ng OCD-Bicol. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment