Monday, November 25, 2013

Red tide warning, inalis na sa Masbate


LUNGSOD NG MASBATE, Nob. 25 (PIA) – Ligtas na mula sa red tide toxin ang mga lamang dagat sa bayan ng Milagros sa Masbate kaya pwede na itong kainin.

Sa huling shellfish bulletin na inilabas kamakailan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), negatibo na sa paralytic shellfish poison o red tide toxin ang baybaying dagat na sakop ng Milagros.

Ayon sa ahensya, ligtas nang kainin at maari ng ibenta sa mga pamilihan ang mga lamang dagat kagaya ng alamang at talaba na makukuha sa baybaying dagat ng Milagros.

Itinaas ang red tide alert sa Milagros sa pamamagitan ng shellfish bulletin No. 19 na inilabas ng BFAR noong Agosto 5.

Dagok ang sumunod na mahigit tatlong buwan na shellfish ban sa fisherfolk ng Milagros na nagluluwas ng lamang dagat sa pamilihan bayan ng lungsod ng Masbate at mga pangunahing lungsod sa Bicol mainland at Metro Manila.

Sa shellfish bulletin No. 27 na inilabas nung Nob. 19 ng BFAR iniulat ni BFAR Director Asis Perez na kabilang ang Milagros sa mga lugar na bumaba na ang red tide toxin.

Kasabay nito, nagpaalala naman ang lokal na tanggapan ng BFAR sa mga lokal na pamahalaan na ugaliin ang pag-inspect sa mga dinadalang lamang dagat sa mga pamilihan sa bawat bayan. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)

No comments:

Post a Comment