Friday, March 20, 2015

Mga Naguenos, makikiisa sa Earth Hour Observance sa Marso 28

Ni: Danilo Abad

LUNGSOD NG NAGA, Marso 20 (PIA) --- Gaya ng taon-taon ng nakaugalian, inaasahan ang malawakang suporta na ibibigay ng mga Naguenos sa darating na Sabado, Marso 28 para sa pagdiriwang ng Earth Hour dito.

Kaugnay nito ay hinikayat din ng pamunuan ng Lungsod ng Naga ang iba pa na sumali sa malaking aktibidad na magaganap sa buong mundo simula alas 8:30 hanggang alas 9:30 ng gabi  sa huling Sabado ng kasalukuyang buwan.

Sa loob ng isang oras, inaasahan ang pag didilim ng kapaligiran dahil na rin sa panghihikayat sa mga mamamayan na pansamantalang huwag gumamit ng kuryente kaugnay ng Earth Hour observance. Layunin nito na ipakita ang mga pamamaraan upang mapangalagaan ang ating Inang Kalikasan.

Ayon kay Alkalde John G. Bongat, ang makahulugang pamamaraan na ito ay naglalayong hikayatin ang mga indibidwal, mga negosyante at pamahalaan sa buong mundo na magsagawa ng pananagutan para sa kanilang mga ecological footprints.

Ayon naman kay Naga City First Lady at Earth Hour 2015 Chairperson Farah R. Bongat, inaasahan na magiging doble ang bilang ng mga lalahok ngayong taon na pagdiriwang ng Earth Hour dahil sa paraan ng pagpapataas ng antas ng kaalaman ng mga tao at sa pamamagitan ng mga social networking sites.

Ang Lungsod ng Naga ay naging aktibo sa paglahok ng Earth Hour simula pa noong 2007 ng ilunsad ito sa pamamagitan ng simpleng kampanya sa pag patay ng ilaw ng sabay sabay sa loob ng isang oras.

Magkakaroon din ng ibat-ibang aktibidad dito sa lungsod kasama na ang advocacy walk at pagbibiseklita. Dadaan ang mga kalahok sa BUSINESS districts ng lungsod upang mas maiparating sa mga mamamayan ang kanilang adhikain. Ang unang bahagi ng programa ay sisimulan bandang 5:30 ng hapon hanggang alas 8:15 ng gabi sa Plaza Quezon.

Ang pangalawang bahagi ay ang pormal na programa ng Earth Hour na gaganapin sa parking area ng SM City Naga kung saan magkakaroon ng video presentation. Sa ganap na 8:29:50 ng gabi masasaksihan ng publiko ang ceremonial switching off ng ilaw sa pamamagitan ng mga bisita at representante ng SM City Naga.

Pagkatapos ng sampung segundong countdown ay susundan naman ng pag-ilaw ng kandila na bubuo ng “60+” sign na palatandaan ng isang oras at isang minutong naka-off ang mga electric lights.

Kaugnay nito, ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman o DENR ay nagbigay din ng paanyaya sa mga Pilipino sa magaganap na Earth Hour.   (LSM, dabad,PIA-V/Camarines Sur)

 - See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/851426822501/mga-naguenos-makikiisa-sa-earth-hour-observance-sa-marso-28#sthash.fse16Dxy.dpuf

Kampanyan laban sa rabis, paiigtingin sa lalawigan ng Camarines Norte

By: Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Marso 20 (PIA) -- Paiigtingin sa lalawigan ng Camarines Norte ang kampanya laban sa rabis upang mabawasan ang bilang nito at maging Rabies Free ang lalawigan sa taong 2016. Ang naturang kampanya inihayag sa sinagawang “Rabies Forum” kahapon, Marso 19sa Paseo de Bienvenidas sa barangay Mantagbac, dito.

Pinangunahan ito ng Provincial Veterinary Office (ProVet) ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang mga tanggapan ng Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), local govement units (LGUs) at academe.

Ayon kay Regional Rabies Coordinator Dr. Rona P. Bernales, ang kampanya laban sa rabis ay sa pamamagitan ng Stop Trans-boundary Animal Disease and Zoonoses (STANDZ) Rabies Project Philippines ng World Organization for Animal Health and Australian Aide sa pangunguna ng Bureau of Animal Industry at ng DA.

Kasama sa naturang proyekto ang apat na lalawigan sa rehiyon na may mga kaso ng namatay sa rabis simula taong 2012 hanggang 2014.  Kabilang dito ang Camarines Sur, Camarines Norte, Masbate at Albay.

Ayon pa rin kay Bernales, layunin din ng naturang kampanya na palakasin ang partisipasyon ng mga dog owners sa pagbabakuna ng kanilang mga alagang aso. Target ngayong taon na mabakunahan ang 70 hanggang 80 porsyentog populasyon ng aso.

Hiniling rin nito sa mga -ari ng aso at opisyal ng barangay na isumite ang kanilang dog population upang malaman kung gaano karami ang babakunahang aso para mabigyan ng tamang ng alokasyon sa bakuna. Nakatakda kasi itong gawin ngayong buwan ng Marso hanggang sa darating na  Mayo.

Ang pagbabakuna sa aso ay libre mula sa naturang pribadong organisasyon.

Hinihikayat niya rin ang mga namumunong opisyal ng bawat barangay at pamahalaang lokal na suportahan ang programa ng Stands Rabies Project Philippines sa pamamagitan ng pagtutulungan sa pagbabakuna ng ating mga alagang aso.

Batay sa talaan ng Department of Agriculture, 16 ang namatay sa rabis sa Rehiyon Bikol sa nakaraang taon ng 2014 at 22 naman ang naitalang bilang sa taong 2013.

Ang rehiyong bikol ay mayroong kabuuang 329,516 na populasyon ng aso at 193,028 ang nabakunahan sa taong 2014.

Maliban pa dito ay tinalakay din ang rabies control council ng lokal na pamahalaan at barangay at ang rabies eradication program ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Enhance Government Action Towards Year 2016 (EGAY 2016) at ang Rabies-Free Camarines Norte.

Binigyang diin din sa talakayan ang sitwasyon ng canine rabies sa lalawigan kung saan tatlo ang naitalang bilang ng namatay sa taong 2013 at dalawa sa taong 2014 at sa unang kwarter ngayong taon ay isa ang namatay sa kagat ng aso dulot ng rabis ayon na rin kay Acting Provincial Veterinarian Dr. Ronaldo U. Diezmo ng ProVet ng pamahalaang panlalawigan.

Samantala, gagawin naman sa ika-24 ng Marso ngayong taon ang spay and neuter activities sa bayan ng Daet at sa Marso 25 naman sa bayan ng Capalonga para sa mga aso at pusa na magpapa-ligate.

 Ang naturang aktibidad ay kaugnay sa “Rabies Awareness Month” ngayong buwan ng Marso sa temang “Aso’t Pusang Bakunado sa Rabies Protektado”. (LSM, ReyJun Villamonte/ROV-PIA5/CamNorte)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/881426820849/kampanyan-laban-sa-rabis-paiigtingin-sa-lalawigan-ng-camarines-norte#sthash.ujVgoZ1D.dpuf

Tuesday, March 17, 2015

Most Outstanding Women sa bayan ng Daet gagawaran ng parangal

By: Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Marso 17 (PIA) -- Gagawaran ng parangal at pagkilala ang mga kababaihan na naging matagumpay sa kanilang larangan, nagsilbing inspirasyon sa mga kapwa kababaihan at nagpakita ng lakas at kakayahan bilang isang babae.

 Ito ay kaugnay sa pagdiriwang ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso na may temang “Juana, desisyon mo ay mahalaga sa kinabukasan ng bawat isa, ikaw na!”

Ang screening ay nagsimula na noong Lunes. Ang mga mapipiling indibidwal bilang Outstanding Women ay paparangalan sa ika-30 ng Marso ngayong taon.

Ang naturang aktibidad ay papangunahan ng pamahalaang bayan ng Daet sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) katuwang ang Sangguniang Bayan (SB), Committee on Women and Children, Municipal Council for Women of Daet at ang ibat-ibang tanggapan ng pamahalaan ganundin ang partisipasyon ng Gays and Lesbians Community dito.

Kaugnay nito, nagkaroon din ng blood letting activity na may temang “Babae: Dugo mo, Buhay ko!.

Tampok rin ng pagdiriwang ngayon buwan ang Women’s Congress na gaganapin sa Marso 24 sa Heritage Center ng naturang bayan.

Maliban pa sa mga naturang aktibidad ay nauna ng isinagawa ang oryentasyon para sa mga kababaihang nagtatrabaho sa gabi o mga Entertainment Establishment Workers (EEW).

 Layunin nito na maipaabot ang mga programa ng pamahalaang lokal hinggil sa kanilang kalusugan at edukasyon, partikular ang mga usapin na may kaugnayan sa sexually transmitted disease (STD) ganundin ang mga karapatan at kaligtasan ng mga EEWs. (LSM,ROV-PIA5/CamNorte)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/881426224828/most-outstanding-women-sa-bayan-ng-daet-gagawaran-ng-parangal#sthash.M5vWluD8.dpuf

Monday, March 16, 2015

Bagong tanggapan ng DPWH 1st District Engineering Office, opisyal na binuksan sa publiko

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 16 (PIA)-- Opisyal nang binuksan sa publiko ang bagong tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa barangay Guinlajon dito sa lungsod noong Marso 13.

Ayon kay DPWH District Office chief Engr. Ignacio Odiaman ang pondo ng dalawang palapag  na tanggapan at makabagong edipisyo ay nagkakahalaga ng  P 28, 792.000.00 at nagmula sa General Appropriations Act  2014.

Matatandaang noong biyernes pangunahing bisitang pandangal sa inagurasyon sina Senador Francis Chiz Escudero at Congresswoman Evelina Escudero at opisyal na  nagputol ng ribbon at naghawi ng kurtina ng building marker.

Ayon sa naging mensahe ni Kongresista Escudero, panatilihin diumano ang maayos na pamamahala at tanggapin ang sinuman ito man ay mahirap o mayaman na walang sinisino at kinikilingan.

Ang  desenyo aniya nito ay maihahalintulad sa salamin  bilang patunay na walang  anumang itinatago.

Nararapat din aniyang ipagmalaki ito nang mga mangagawa at mga Sorsoganon  sapagkat ito ang kauna-unahang edipisyong nalikha sa lalawigan ng Sorsogon.

Mensahe naman ni Senador Chiz Escudero,sana ay mapangalagaan,magamit nang maayos at tama ang bagong gusali.

Hindi lamang upang maging komportable ang kanilang pagtatrabaho bagkus ay maibalik ang magandang serbisyo publiko sa mamamayan na siya nating pinaglilingkuran.

Pagtatapos na mensahe ng Senador naway magpatuloy ang mas magandang nasimulan ng ahensya. (MAL/FBT-PIA5/Sorsogon)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/2581426476767/bagong-tanggapan-ng-dpwh-1st-district-engineering-office-opisyal-na-binuksan-sa-publiko#sthash.efy5KeWc.dpuf

Adbokasiya para malabanan ang nakamamatay na rabis , magkatuwang na inilunsad ng GARC, PVO at DepEd sa lalawigan

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 16, 2015 ( PIA) May kasabihan ang aso ang itinuturing na pinakamatalik na kaibigan ng isang tao subalit mananatili pa rin silang mga hayop at malaking banta sa atin at sa mga mahal sa buhay sa oras na ito ay nakakagat.

Ang higit na nakakapangamba dito kung ito ay kontaminado o may taglay na sakit na rabis  na maaaring maisalin sa kaninumang tao.

Upang higit pang mapalawak ang kaalaman ng mamamayan ukol sa panganib na dala ng kagat ng aso ay inilunsad ng Global Alliance For Rabies Control (GARC) ang kauna-unahang Rabies Corner noong Marso 6, 2015 sa  Pilar II Central Elementary School sa Putiao, Pilar Sorsogon.

Nakipag-ugnayan din ang GARC  sa kagawaran ng Edukasyon  (DepEd), Provincial Veterinary Office (PVO) na nasa ilalim ng Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon at Lokal na Pamahalaang Bayan ng Pilar Sorsogon.

Sinabi sa panayam ni Dr. Joseph Garay,Medical Officer ng Sorsogon School District, kadalasan aniya ang mga bata ay malapit sa mga aso at kadalasan din sila ang biktima ng pagkakakagat ng mga ito.

Sa pamamagitan aniya ng estratehikong paglalatag ng mga Rabies Corner sa mga paaralan upang magturo sa mga mag-aaral kasama ang mga personahe kung paano sila mapangalagaan pati na rin kanilang mga alagang hayop.

Ang Rabies Corner aniya ay  sagana sa impormasyon tulad ng first aid manuals, babasahin ukol sa pagiging responsableng may-ari ng aso, pangangalaga sa hayop na  positibo sa rabis at marami pang iba.

Lima namang opisyal ng paaralan kasama ang kanilang mga tauhan at mag-aaral ang naimbitahan na masuri at mapakinggan ang mga ipinapaliwanag ng sa gayon ay makopya rin ito sa iba pang mga paaralan.

Bawat paaralan ay nabigyan din ng kit upang makapagsimula sa kanilang nasasakupang paaralan.

Ayon kay Dr. Garay, malaki ang maiaambag at matututunan nila sa tamang pag-uugali pagdating sa kalusugan na maaring maka-impluwensya sa mga kabataan hanggang sa paglaki ng mga ito.

Nakasaad diumano sa talaan ng World Health Organization (WHO)na umaabot sa 40 porsyento ng mga tao partikular na ang mga batang may edad 15 taong gulang ang nakakagat nang pinaghihinalaang carrier ng sakit na rabies .

Matatandaang ang WHO ay isang espesyalistang ahensya ng nagkakaisang bansa , sila ay nakaalalay upang tumugon sa pangangailang tulad ng kalusugan, sigalot at kagutuman.

Ayon sa doktor, nakakahawa ang kamandag ng rabis at 100 porsyento ang namamatay na tao at hayop sa sakit na ito na walang kalaban laban.

Daan-daan ding mga Pilipino ang pinapatay nito bawat taon ayon sa  2014 istatistika ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH. (MAL/FBT-PIA5/Sorsogon)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/2581426495496/adbokasiya-para-malabanan-ang-nakamamatay-na-rabis-magkatuwang-na-inilunsad-ng-garc-pvo-at-deped-sa-lalawigan#sthash.FtwffafN.dpuf

Friday, March 13, 2015

PROVET-Camarines Norte, namahagi ng alagaing hayop sa mga magsasaka

By: Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Marso 13 (PIA) -- Mahigit 4,000 na alagaing hayop ang naipamahagi ng Provincial Veterinary Office (PROVET) ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte sa mga magsasakito dito nitong nakaraang taon.

Sa naturang bilang, umaabot sa kabuuang 4,805 na kalabaw, baka, kambing at iba pang hayop ang tinanggap ng mga naturang benepisyaryo sa ilalim ng Animal Dispersal Program ng PROVET.

Kaugnay ng animal dispersal ay nagkaroon din ng artificial insemination, pagsasanay sa organic dairy techno at saw weaner project ganundin ang oryentasyon at pagsasanay sa pag-aalaga ng mga ito.

Nagbigay din ng mga bitamina, de-wormer at antibiotics ganundin ang mga babasahin para sa kaalaman ng tamang pangangalaga ng mga naturang hayop. Nagkaroon din ng libreng pagbabakuna o rabies vaccination sa mga aso na syang pangunahing programa ng PROVET upang maiwasan ang kaso ng rabies.

Umaabot naman sa mahigit 12,000 na mga alagang aso ang nabigyan ng Anti-Rabies Vaccine ng naturang tanggapan sa mga barangay ng lalawigan.

Isinasagawa rin ito sa multi-services caravan ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Edgardo Tallado upang maihatid ang serbisyo ng kapitolyo sa mga barangay lalo na sa mga malalayong lugar.

Maliban pa dito ay patuloy pa rin ngayong taon ang mga programa kabilang na ang pagkontrol sa rabies, tamang pamamaraan sa pagpapakain ng hayop at pangangalaga sa kalusugan sa pamamagitan ng Training and Information Education services.

Batay sa talaan ng naturang tanggapan, tatlo ang namatay sa rabies noong 2013 at dalawa naman ang naitalang bilang sa taong 2014. Sa unang kwarter ngayong taon ay isa na ang naitalang namatay sa kagat ng aso dulot ng rabies. (LSM,ROV-PIA5/CamNorte)



- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/881426226002/provet-camarines-norte-namahagi-ng-alagaing-hayop-sa-mga-magsasaka#sthash.KvcR13M8.dpuf

Wednesday, March 11, 2015

Kaayusan ng pangangasiwa ng slaughter house sa Sorsogon City, siniguro

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 11 (PIA) -- Pormal na pinulong ng punong lungsod ang mga opisyal na itinalagang nangangasiwa ng Sorsogon Slaughter House o katayan ng mga baboy at baka dito sa lungsod.

Ang pulong ay kaugnay sa problemang ipinaabot ng mga tindero ng karne at apektadong sektor sa palengke sa  tanggapan ni Alkalde Sally Lee ukol sa pagkawala ng mga laman-loob ng kanilang mga baboy sa loob mismo ng lugar katayan.

Bilang tugon ng alkalde ay napagkasunduang baguhin ang mga  regulasyunes sa slaughter house at ipatupad sa mga trabahador ang pagkuha ng identification cards at police clearances para masigurong mga lehitimong mangagawa lamang ang makapasok sa loob.

Habang ang mga pribadong mangangatay naman ay kinakailangang magdala ng  seritipikasyon bilang patunay na sila ang inatasan ng kanilang mga amo.

 Marami ang mga alituntuning binago tulad na lamang ng  tamang pagtatala ng mga ipinapasok  at inilalabas na mga baboy at baka.

Masyado din aniyang maluwag ang seguridad kung kaya’t marami ang mga hindi awtorisadong mga tao na lango sa alak at droga ang malayang nakakalabas masok sa nasabing pasilidad.

Pinangunahan ni  Sorsogon City Veterinary Officer Dr. Alex Destura ang naturang pag-uusap kaugnay rin ng problema sa sistema ng sanitasyon o ang  pag-obserba sa paggamit ng  Butcher dress, guwantes at bota .

Sinabi  ni  Destura ang derektiba ay ibinaba sa kanyang tanggapan na silipin ang sitwasyon at gumawa ng agarang hakbang at solusyunan  ang problemang kinakaharap sa maayos at mahinahong pamamaraan.

Ito ay bilang patunay na walang sinisino at kinikilingan ang administrasyon  at nakahandang making sa mga hinaing ng apektadong mamamayan.

Kabilang naman sa mga dumalo at nakinig sa talakayan sina City Traffic Chief Victorino Daria III at City Police Chief Pol. Supt. Aarne Oliquino.

Nagbigay naman ng kasiguruhan si Oliquino na magtatalaga ito ng mga personahe para magpatrulya sa paligid ng Slaughter House para mamantini ang kaayusan.  (MAL/FBT-PIA5/Sorsogon)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/2581426060437/kaayusan-ng-pangangasiwa-ng-slaughter-house-sa-sorsogon-city-siniguro#sthash.jse1nI4K.dpuf