Thursday, January 23, 2014

Minimum wage earners sa Masbate, matatanggp ang P8 na karagdagang sahod ngayong Enero

BY: ERNESTO A. DELGADO

LUNGSOD NG MASBATE, Enero 23 (PIA) – Makakaasa ang minimum wage earners sa pribadaong sektor sa lalawigan ng Masbate at sa iba pang bahagi ng Bikolandia sa dagdag na P8 sa kanilang arawang sahod simula ngayong Enero.

Ayon kay Masbate Provincial Field Officer Arturo Corbe ng Department of Labor and Employment, napagpasyahan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board sa Bicol na dagdagan ng P8 ang minimum wage sa rehiyon.

Tinukoy ni Corbe ang wage order na inaprubahan ng nakaraang Disyembre 5 at nagkabisa noong Enero 10.

Dulot nito, ang minimum wage ay magiging P260 na para sa mga establisyementong may mahigit sa sampung manggagawa, at P236 naman para sa hindi hihigit sa sampu ang manggagawa.

Sa mga nagtatrabaho sa agrikultura, P236 na rin ang kanilang dapat na matanggap.

Batay sa Wage Order No. RBV-16 na inilabas ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board, ang bagong minimum wage ay may bisa sa lahat ng minimum wage workers sa pribadong sektor sa Bikolandia, at walang kinalaman ang kanilang posisyon, designasyon, o status sa trabaho at sa paraan ng pagbabayad sa kanila.

Ayon kay Corbe, hindi sakop ng bagong wage order ang mga kasambahay, mga taong naglilingkod ng personal kabilang ang family drivers, at mga manggagawa ng rehistradong Barangay Micro Business Enterprise.

Ang bagong wage order ang sagot ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board sa petisyon na inihain noong Agosto ng Alliance of Progresive Labor at dalawang iba pang labor groups sa Bikol. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=821390525864#sthash.D0cZkbUQ.dpuf

Monday, January 20, 2014

Maayos na serbisyo ng kuryente para sa mga Sorsogonanon, hamon sa PCCI

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 20 (PIA) – Hamon para sa mga opisyal at kasapi ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang mga binitwang salita ng isa sa mga pinakama-impluwensyang babae at negosyante sa buong mundo.

Sa isinagawang induction ceremony ng mga bagong opisyal at kasapi ng PCCI na ginawa kamakailan dito, sinabi ni Atty. Loida Nicolas-Lewis na dapat na magkaisang kumilos ang PCCI upang matuldukan na ang hindi makatarungang gawain ng Sorsogon II Electric Cooperative (Soreco 2) tulad ng napakataas na singil sa kuryente at hindi maayos na serbisyo nito.

Ayon kay Lewis, pinupuri niya ang naging hakbang ni Sorsogon City Mayor Sally A. Lee na pagpapababa ng singil sa buwis, subalit siya namang pagtaas ng halos dobleng singil sa kuryente kung kaya’t hindi pa rin maramdaman ng mga kunsumidor ang magandang bunga ng pagbaba ng buwis.

Kung kaya’t panahon na umano upang magkaisang kumilos ang PCCI at magdala ng pagbabago sa kooperatiba sa pamamagitan ng masusing pag-aaral sa constitution and by-laws ng Soreco II at paglalagay ng kinatawan bilang kasapi ng Board of Directors.

Sinabi din niyang hindi dapat na matakot ang mga ito na magdala ng pagbabago sa kooperatiba sapagkat bilang mga Sorsoganon at Pilipino, marapat lamang na gawin kung ano ang tama.

Hindi rin umano makakahikayat ng mga negosyante na magtayo ng negosyo dito ang mataas na singil sa kuryente at mahihirapan ang lungsod at ang lalawigan na paunlarin pa ang eco-tourism development program na isinusulong ng lokal na pamahalaan.

Kung kaya’t dapat na umanong kumilos ang PCCI sapagkat nasa mga kamay nito ang solusyon, dapat umanong magkaisa ang mga ito na labanan ang katiwalian, pang-aabuso, korapsyon at nepotismo sa isang organisasyon at komunidad. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=801390180804#sthash.avcW2fSf.dpuf

CSC muling pipili ng Pinakamahusay na Lingkod Bayan ngayong taon

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 20 (PIA) – Muli pipili ang Civivl Service Commission (CSC) ng pinakamahusay na Lingkod Bayan para sa taong 2014.

Ayon kay CSC Sorsogon provincial director Arpon Lucero, muling maghahanap ang Civil Service Commission ng pinakamahusay na pampublikong opisyal at manggagawa para sa taong kasalukuyan kung kaya’t isang orientation-briefing ang isasagawa mamayang hapon sa pangunguna ng Civil Service Commission Regional Office 5.

Layunin ng aktibidad na maikalat sa publiko ang mga kailangang pamamaraan nang sa gayon ay mahikayat ang mga kwalipikadong pampublikong opisyal at manggagawa na lumahok sa 2014 Search for Outstanding Public Officials and Employees ng CSC.

Matatandaang alinsunod sa mandato ng 1987 Philippine Constitution, nakassad sa  Executive Order 292 at Executive Order 508 na inamyendahan ng Executive Order 77 at ng Republic Act 6713, ang Civil Service Commission ang naatasang maghanap ng mga natatanging lingkod bayan na  bibigyang parangal sa pamamagitan ng Phil. Honor Awards Program (HAP) ng CSC.

Ayon kay Dir. Lucero, nais nilang mas maagang maipakalat sa publiko ang mga pamamaraan kung papaanong magnomina o maging nominado bilang isang mahusay na lingkod bayan nang sa gayon ay makapaghanda ang mga ito para sa nasabing Honor and Awards Program ng CSC.

Dagdag pa ni Dir. Lucero na sa gagawing orientation-briefing, magbibigay din sila ng mga flyers, babasahin at iba pang mga campaign material upang mas marami ang makaalam sa mechanics na kailangan para sa nasabing search.

Umaasa naman si Dir Lucero na may mga Sorsoganon na lalahok sa gagawing search ng CSC ngayong taon. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=801390180503#sthash.WObV4vtn.dpuf

Friday, January 17, 2014

Serbisyong pangkalusugan at turn-over ng covered court tampok sa Multi-Services Caravan ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Enero 17 (PIA) -- Tampok ngayong araw sa Multi-Services Caravan ng pamahalaang panlalawigan ang serbisyong pangkalusugan at turn-over ng covered court sa Barangay 7 at San Roque ng bayan ng Mercedes kung saan isinasagawa ang naturang gawain.

Pangungunahan nina Gobernador Edgardo A. Tallado at Bise Gob. Jonah G. Pimentel ang seremonyal ng paglilipat ng naturang istraktura sa mga opisyal ng barangay dito kaalinsabay ng paghahatid ng ibat-ibang serbisyo publiko sa mga barangay.

Ang covered court ng Barangay 7 ay pinonduhan ni Gobernador Tallado sa ilalim ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) habang sa 20% development naman nanggaling ang pondo para sa kontruksiyon ng covered court ng Barangay San Roque.

Samantala, sa serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng caravan ay tutugunan ang mga pangangailangan ng mga barangay na ipagkakaloob ng gobernador kabilang na dito ang libreng tsek-ap, gamot at bitamina, pagbasa sa presyon ng dugo, blood typing at blood testing kasama na ang libreng bunot ng ngipin.

Ito ang pangunahing prayoridad ni Gobernador Tallado na naniniwala na ang kalusugan ay kayamanan hindi lamang ng isang indibidwal kundi ng ating bansa na ang katatagan, pagka-produktibo at kaunlaran ay nakasalig sa malulusog na mga mamamayan dito.

Maliban pa dito, ipaaabot din sa kanila ang programang pang-edukasyon ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Camarines Norte Provincial Government College Education Assistance Program (CNPGCEAP) para sa mga kwalipikadong pumasok sa kolehiyo.

Ang Educational Program for the Development of Out-of-School Youth (EPDOSY) ay para naman sa mga nais kumuha ng kursong bokasyunal.

Bukod sa tulong na pang-edukasyon, inihahatid din ng multi-services caravan ang mga oportunidad sa trabaho, lokal at internasyunal man.

Ipapamahagi din sa caravan ang pantanim na mga punongkahoy, bungang-kahoy at mga butong gulay, libreng bitamina sa mga alagaing-hayop at tilapia fingerlings.

Kabilang pa rin sa ipapamahagi ang mga IEC materials ganundin ang mandatory cash assistance at assessment rolls para naman sa mga kaukulang opisyal ng barangay.

Pangungunahan naman ng gobernador at ng kanyang maybahay na si Gng. Josie Tallado ang libreng gupit, hair dye at hot oil treatment sa pamamagitan ng kanilang ‘Handog Gupitan’.

Isasagawa din ang ibat-ibang sangkap sa pagluluto ng isda, oryentasyon sa programang pang-edukasyon at iba pang programa ng pamahalaang panlalawigan. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881389939457#sthash.Ekkl8wsU.dpuf

Negosyante Bikolana, isa sa kinilala ng Carlos P. Romulo Award

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LUNGSOD NG LEGAZPI, Enero 17 (PIA) – Patuloy na nagbibigay ng karangalan ang mga Bicolana sa rehiyon sa pag-gawad ng Carlos P. Romulo (CPR) Award for International Achievement sa taga-Sorsogon na amerikanang negosyante at abogadong si Loida Nicolas-Lewis noong Enero 14.

Kasama ni Lewis sina boksingero at kinatawan ng Saranggani Manny Pacquiao, Commission on Higher Education (CHEd) Chair Patricia Licuanan, at Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa mga ginawaran ng nasabing parangal na itinataguyod ng United Nations Association of the Philippines (UNAP) at iginawad ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang seremonya sa MalacaƱang ngayong linggo.

Ang nakabase sa New York na si Lewis ay chairperson at Chief Executive Officer (CEO) ng The Lewis Corporation (TLC) Beatrice LLC, isang negosyong pamumuhunan ng pamilya at kompanyang multinational na itinatag ng kanyang yumaong amerikanong asawang si Reginald Lewis na kanyang pinamahalaan pakatapos na siya’y yumao. Pinamumunuan di niya ang isang foundation na ipinangalan sa kanyang asawa at kilalang personalidad sa US Asian-American community at kinikilalang isa sa mga maimpluwensiyang personalidad sa larangan ng pagnenegosyo.

Itinatag ni Lewis ang The Lewis College (TLC) sa Lungsod ng Sorsogon noong 1999 na ngayon ay isa sa mga nagungunang pribadong paaralan sa probinsiya ng Sorsogon na nagbibigay ng scholarships sa mga nangangailangang estudyante.

“Ang ideyang pagtatayo ng isang paaralan ay aking ikinagagalak dahil sa naniniwala ako na ang edukasyon ang pinakamainam na paraan upang makaahon sa kahirapan,” sabi ni Lewis sa isang panayam.

Ngayong buwan, umuwi si Lewis sa kanyang tinubuang bayan upang pangunahan ang panunumpa ng mga bagong pinuno ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Sorsogon Chapter.

Ang paggawad ng parangal ay kasabay sa ika -115 na kaarawan ng yumaong Pilipinong statesman at dating UN secretary general Carlos P. Romulo na kilala sa kanyang tanyag na talumpating “I Am a Filipino.”

Sa isang pahayag ng UNAP, sinabi nito na ang mga pinarangalan ay napili sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad at kapayapaan ng mundo sa pamamagitan ng kanilang iba-ibang personal at propesyunal na tagumpay na nagbigay karangalan sa mga Pilipino.

Itinatag noong 1947, ang UNAP ay isang organisasyon na tumutulong sa bansa na maisakatuparan ang mga mithiin ng UN at nag-oorganisa ng mga aktibidad sa edukasyon tungkol sa araw ng UN at iba pang mga okasyon nito kasama ang mga proyektong pangkalikasan.

Ang mga nakatanggap na ng nasabing parangal ay sina Lea Salonga, dating senador Leticia Ramos Shahani at dating Pangulong Fidel V. Ramos, mga yumaong senador Jose W. Diokno at Lorenzo TaƱada, at yumaong Chief Justice Claudio Teehankee.

Ang mga napiling mga makatatanggap ng parangal ay kinumpirma noong Disyembre 15, 2013 kasabay ng anibersaryo ng pagyao ni Romulo. (JJJPerez-PIA5/Albay)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=2591389943921#sthash.6x57SsKz.dpuf

Tuesday, January 14, 2014

1,000 mag-aaral at guro lalahok sa DepEd Sorsogon Schools Division Press Conference

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 14 (PIA) – Inaasahang aabot sa 1,000 mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya kasama ang kanilang mga guro ang lalahok sa Schools Division Press Conference ng Department of Education (DepEd) Sorsogon na sinimulan ngayong araw, Enero 14 hanggang sa Huwebes, Enero 16, 2014 sa Gallanosa National High School sa bayan ng Irosin.

Ayon kay Ginang Maricel Dineros, public information officer ng DepEd Sorsogon, sa kabila ng hindi maganda ang panahon ngayon, aabot pa rin sa 1,000 mga mag-aaral at guro ang nagkumpirmang lalahok sila sa nasabing press conference.

Layunin nitong higit pang malinang ang kakayahan ng mga mag-aaral sa larangan ng pagsusulat at iba pang mga kasanayang may kaugnayan sa pamamahayag na maaaring magamit ng mga ito upang maging katuwang sa pag-unlad ng bansa partikular na rin sa mga komunidad na kanilang kinabibilangan.

Aniya, pinili ang mga kalahok mula sa listahan ng mga mag-aaral na nasa Top 2 ng bawat cluster o distrito sa buong lalawigan ng Sorsogon.

Kabilang sa mga event o kategoryang lalahukan ng mga mag-aaral ay ang News Writing, Feature Writing, Editorial, Sports, Headline at Copy Reading, mayroon ding Photojournalism at Editorial Cartooning.

Sinabi ni Ginang Dineros na gugugulin ang unang dalawang araw sa mga individual event, habang ang panghuling araw ay gugugulin naman sa group event na kinabibilangan ng radio broadcasting at collaborative publishing.

Ang mapipili umanong Top 4 mula sa mga kalahok ang siyang magiging kinatawan ng lalawigan ng Sorsogon sa gagawing Regional Press Conference na gagawin sa lalawigan ng Albay sa Enero 29-31, 2014 para sa sekundarya habang sa Iriga City sa Pebrero 5-7, 2014 naman ang sa elementarya. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=801389671726#sthash.UM7WeR84.dpuf

Parangal para sa mga barangay, isinusulong ng lungsod ng Naga

BY: DANILO ABAD

LUNGSOD NG NAGA, Enero 14 (PIA) --- Bilang insentibo at pagkilala sa mga magagandang ordinansa at mga resolusyon na ipinasa at ipinapatupad ng mga barangay dito sa lungsod, isinusulong ngayon ng Sangguniang Panglungsod na mabigyan ng parangal ang mga kumakatawan sa naturang komunidad.

Ayon kay bise alkalde Nelson Legacion at presiding officer ng Sangguniang Panglungsod, pipili sila ng tatlong barangay na may pinaka mahusay na mga ordinansa at resolusyon na naipasa at nakapag bigay ng positibong resulta sa pamumuhay ng kanilang mga nasasakupan.

Ito anya ay bilang pagkilala din sa pagpupunyagi ng mga Punong barangays kasama na ang mga barangay officials, na mapabuti ang pamumuhay ng kanilang pamayanan.  Dagdag pa ni Legacion, may nakalaan na P2.25 milyong piso bilang premyo o gantimapal sa tatlong barangay councils na mapipili ngayong taon.

“Nais nating ipaalam sa ating mga opisyal sa barangay  na kinikilala natin ang kanilang mga sakripisyo at kontribusyon sa kanilang barangay. Nais din nating maging batayan ang mga ordinsang kainilang iniakda sa pagsukat sa kanilang naging signipikanteng kontribusyon sa barangay,” dagdag pa ni Legacion.

Kaugnay nito ay magkakaroon ng isang araw na training na pangungunahan ng lokal na gobyerno ng Naga. Imbitado dito ang mga Punong Barangay, Barangay Kagawad pati na rin ang mga barangay secretary.

Nilinaw naman ni Legacion na hindi cash ang ibibigay na premyo kundi proyekto na isasakatuparan ng barangay council. Isang milyong piso para sa unang premyo, P750 libong piso sa pangalawa at P500 libong piso naman sa ikatlong makakatanggap ng naturang karangalan.

Ang Sangguniang Panglunsod ang syang naatasan na mangasiwa at bumuo ng komitiba katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG) at mga miyembro ng Sanggunian Panglungsod.

Bibigyan din ng prayoridad ng Sangguniang Panglungsod ang mga napiling mahuhusay na barangay council upang iangkop sa ipinapatupad na good governance practices ng lokal na pamahalaan ang kanilang kasalukuyang pamamahala.

Matatandaan na una ng ipinasa ng dating Presidente ng Liga ng mga Barangay na si Jose Importante ang ordinansa na Barangay Transparency Award. Isa ito sa mga batayan ng pagpapatupad ng DILG Full Disclosure Policy na dapat ipalathala ang kanya-kanyang Barangay Citizen's Charter upang malaman ng mga konstitwentes ang serbisyo sosyal na para sa kanila. (LSM/DCA-PIA5/Camarines Sur)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=851389670709#sthash.3SzqXUEw.dpuf

Monday, January 13, 2014

Masbate, nais matanyag bilang sentro ng produksyon ng organic beef

LUNGSOD NG MASBATE, Enero 13 (PIA) – Itataguyod sa Masbate ang mga patakaran upang matanyag ang lungsod bilang sentro ng production ng organic beef.

Ayon kay Mayor Rowena Tuason, ang pagyabong ng organic beef industry sa Masbate ang bagong punong adhikain sa medium term development plan ng pamahalaan panlungsod.

Itinanghal ang Masbate bilang rodeo capital ng bansa dahil sa taunang pagtatanghal nito ng rodeo festival bilang promotion ng cattle industry nito.

Ang karneng baka sa Masbate ay mula sa bakang pinalaki sa traditional na grazing kaya itinuturing itong organic beef na popular sa Europe at Estados Unidos.

Sa kanyang pagdalo sa workshop kung saan binuo ang medium term development plan ng lungsod, sinabi ni Board of Investment governor Oliver Butalid na ang bagong vision ng Masbate ay mahirap tularan ng ibang lokalidad.

Dahil dito, makakamit ng Masbate ang adhikaing matanyag bilang sentro ng production ng organic beef. (EAD-PIA5/Masbate)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=821389585988#sthash.T1yO4X2M.dpuf

Thursday, January 9, 2014

Mabilis na serbisyo at maayos na pamamahala ipatutupad ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Enero 9 (PIA) -- Ipatutupad ngayong taon ng pamahalaang panlalawigan ang Camarines Norte Network Architecture (CNNA) upang mapakinabangan ng mas malawak ang information technology sa paghahatid ng mabilis na serbisyo at maayos na pamamahala ng gobyerno.

Ang lahat ng tanggapan ng kapitolyo probinsiya ay mapapabilang dito kung saan ang harapan naman ng kapitolyo ay magkakaroon din ng libreng Wi-Fi access sa tuwing may mga mahahalagang okasyon na isinasagawa.

Ang CNNA ay ang pagkokonekta ng mga computers ng bawat tanggapan ng pamahalaang panlalawigan o pagkakaroon ng local area network (LAN) kung saan makikita at magagamit ng mga tanggapan ang mga datus na kailangan para sa kanilang mga transaksiyon.

Mas mapapadali nito ang pag-access sa mga dokumentong kinakailangan at makakatipid sa ilalim ng LAN sapagkat hindi na kailangan ang bawat tanggapan ay magbayad ng kanilang linya ng internet.

Kaugnay rin ng proyektong ito, sa bisa ng resolusyon ng sangguniang panlalawigan blg. 463-2013 na hiniling sa lahat ng munisipalidad na magbigay ng libreng public wireless internet access sa mga municipal halls, state colleges, pampublikong parke at pagamutan sa pamamagitan ng paglalagay ng wireless internet hotspots sa kanilang mga gusali at paglalaan dito ng kaukulang pondo.

Ito ay susog sa itinakda ng Artikulo XVI, Seksiyon 10 ng ating konstitusyon “The State shall be provide the policy environment of the full development of Filipino capability and the emergence of communication structure suitable to the needs and aspirations of the nation and the balanced information into, out of, and across the country, in accordance with a policy that respects the freedom to speech and of the press”.

Binigyang-diin din sa resolusyon na akda nina Bise Gobernador Jonah Pimentel at Bokal Renee Herrera na ang internet ay daan sa mas mabilis na komunikasyon sa pagitan ng publiko at mga institusyon gayundin sa iba’t-ibang transaksyon katulad ng online banking, trading, procurement, sourcing at interaction.

Ang publiko ay madali na ring nakakakuha ng kaukulang dokumento at serbisyo mula sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan pati na ang pagsubaybay sa mga programa ng gobyerno sa pamamagitan ng internet.

Nakakapag-aral at nakakakuha na rin ngayon ng degree courses sa pamamagitan ng distance learning at online learning management systems dito.

Isinulong ng pamahalaang panlalawigan ang nasabing inisyatibo sapagkat tungkulin ng pamahalaan na magbigay sa publiko ng libre at access sa internet na nagpapakita sa determinasyon ng pamahalaan na maghatid ng tunay at epektibong communication and information technology upang higit na maisulong ang demokratikong karapatan at interes ng mga mamamayan. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881389232376#sthash.CSwEmCTQ.dpuf

Mga kabataang may kapansanan sa Camarines Norte makakapag-aral bilang iskolar ng pamahalaang panlalawigan

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Enero 9 (PIA) -- Makakapag-aral ngayong taon bilang iskolar ng Camarines Norte Provincial Government College Education Assistance Program (CNPGCEAP) ang mga persons with disabilities (PWDs) o mga kabataang may kapansanan.

 Sa mga nais pumasok sa kolehiyo o kasalukuyang kumukuha ng tertiary o ladderizad courses sa anumang antas ay hindi na isasailalim sa pagsusulit upang mapabilang sa iskolar ng pamahalaang panlalawigan.

Ito ay nakasaad sa provincial ordinance no. 14-2011 na maaariing mag-aplay sa CNPGCEAP ang mga PWDs ngunit ang karapatang ito ay mas tinukoy sa pag-amyenda kamakailan ng panlalawigang ordinansa blg. 28-2013 na isinulong ng sanggguniang panlalawigan.

Sa pamamagitan ito nina Bokal Teresita DL. Malubay katuwang si Bokal Jay Pimentel, Chairman ng SP Committee on Education.

Sa bagong amyendang ordinansa, ang limang porsiyento (5%) ng bakanteng puwesto o alokasyon sa iskolar ay ilalaan sa mga aplikanteng PWDs.

Ang mga magiging kwalipikadong kabataan ay kailangang imantine nila ang average grade na hindi bababa sa 78% o katumbas nito upang patuloy na makasama sa programa.

Ang regular na iskolar ay 85% ang kailangang general weighted average at 80% para sa mga kumukuha lamang ng engineering courses.

Samantala, ang anak naman ng mga PWDs na hindi makapaghanapbuhay dahil sa kanilang kapansanan ay maaaring maging benepisyo ng CNPGCEAP ngunit limitado lamang sa isang anak bawat pamilya, kailangan din na makapasa sila sa kwalipikasyon na itinakda.

Pinalawak din ang karapatan at pribilehiyo ng mga PWDs sa ilalim ng CNPGCEAP ay alinsunod sa resolusyon blg. 400-2013 na nag-aapruba sa panlalawigang ordinansa blg. 28-2013.

Idinulog naman ni Dr. Rex A. Bernardo ng Provincial Council on Disability Affairs kina Gobernador Edgardo A. Tallado at Bise Gob. Jonah Pimentel sa sangguniang panlalawigan ang kanilang mga mungkahing patakaran upang mas maraming PWDs ang mapabilang sa CNPGCEAP.

Ipinag-utos naman ni Gob. Tallado sa tanggapan ng Community Affairs Office (CAO) ang pagsasaayos ng mga patakaran ukol dito upang sa pagbubukas ng klase sa buwan ng Hunyo ngayong taon ay maayos na ang proseso para sa mag-aaplay na PWDs.

Sa ilalim ng Republic Act 9442 o An act amending RA 7277 na mas kilala bilang Magna Carta for Persons with Disability as Amended and for other purposes ay mas pinalawak ang karapatan at pribilehiyo ng mga PWDs partikular na ang mabigyan sila ng pantay na oportunidad sa trabaho; access sa de-kalidad na edukasyon; National Health Program; Auxiliary Socail Services; Telecommunications; accessibility ganundin ang political at civil rights. (MAL/ROV-PIA/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881389238181#sthash.na46gvih.dpuf

72 kaso ng paglabag sa labor code nabigyan solusyon sa tanggapan ng DOLE Camarines Norte

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Enero 9 (PIA) -- Umabot sa 72 kaso ng paglabag sa labor code ang nabigyan ng solusyon noong nakaraang taon ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng Camarines Norte batay sa kanilang talaan.

Ito ay nasolusyunan sa pamamagitan ng Single Entry Approach (SENA) o bagong pamamaraan ng pag-aareglo ng lahat ng kaso na ipinatutupad ng DOLE at pagtatalaga ng 30 araw na ayusin ang kasong naisampa upang madali at hindi magastos ang pag-aayos sa paraang conciliation at mediation.

Kabilang ito sa 98 kasong naitala sa nakaraang taon ng 2013 kung saan ang 18 ay inindorso sa National Labor Relations Commission at anim naman ay binawi ang kanilang reklamo laban sa kanilang mga employer base sa nakasaad sa violation of labor code.

Pangunahing kaso dito ang illegal dismissal, underpayment of wages at ang hindi pagbabayad ng 13th month pay ang mga naging problema ng mga manggagawa.

Kabilang pa rin sa mga reklamo sa mga employers sa pribadong establisyemento ang hindi pagbabayad ng separation at overtime pay ganundin ang refund of cash bond.

Ayon kay Chief Labor and Employment Officer Ruben L. Romanillos, Provincial Field Officer ng DOLE, ang mga manggagawa sa mga pribadong establisyemento na mayroong problema sa kanilang pinagtatrabahuhan ay handa silang tulungan ng tanggapan ng DOLE upang sila ay matulungan sa tamang pasahod at mga benepisyong hindi sa kanila naibigay.

Batay pa rin sa talaan ng naturang tanggapan, 86 na kaso ng paglabag sa labor code ang naitala sa taong 2012 at 98 kaso naman sa nakaraang taon ng 2013. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881389248395#sthash.jWhhyr1s.dpuf

Tuesday, January 7, 2014

SSS Sorsogon ipinaliwanag ang dahilan ng pagtaas ng buwanang kontribusyon ng mga kasapi

BY: BENILDA A. RECEBIDO

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 7 (PIA) – Matapos maging usap-usapan ang pagtaas ng singil sa kontribusyon ng mga kasapi ng Social Security System (SSS) simula ngayong Enero 2014, ipinaliwanag ni SSS Sorsogon branch manager Alberto R. Bonafe Jr. ang mga kadahilanan sa naging pagtaas nito.

Sa ipinalabas na bagong iskedyul ng kontribusyon ng SSS, 0.6 percent ang itataas ng kontribusyon kung saan mula sa 10.4 percent ay magiging 11 percent na ito.

Ayon sa kanya, ang SSS ay isang mahalagang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng social protection sa mga manggagawang nasa pribadong sektor kabilang na ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na maaaring magamit nila sa kanilang pangangailangan at sa panahon ng kanilang pagreretiro sa serbisyo.

Ang pagtaas umano sa singil ng kontribusyon ay paghahanda rin ng SSS para sa benipisyong matatanggap ng mga manggagawa sa kasalukuyan na magreretiro din sa hinaharap, at sa pagtaas ng benepisyo ng mga kasapi nito tulad halimbawa ng maximum daily allowance ng mga nagkakasakit, maternity benefit at salary loan.

Matatandaang nabanggit ni Pangulong Benigno Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon ang pangangailangang mamuhunan para sa kinabukasan sa pamamagitan ng pagtaas ng antas ng kontribusyon upang maiwasan ang pagkaubos ng pondo sa hinaharap.

Maging si Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma sa panayam ng programang “Pilipinas, Pilipinas” sa DZRB ay sinabing ang pagtaas ng singil ang tinatawag na “actuarial life” o buhay ng pondo ng SSS. Sa sandali umanong maubos ang pondo ng SSS, buong sambayanan ang siyang babalikat ng mga pangangailangan ng mga pensyonado dahil sa garantiya ng pamahalaan.

Ang pagtaas sa kontribusyon ay napagpasiyahan lamang matapos ang isang malawakan at masusing konsultasyon sa hanay ng mga pinakamalalaking samahan ng mga negosyante at grupo ng manggagawa tulad ng ECOP, PCCI at TUCP.

Samantala, inanunsyo ni Manager Bonafe na hanggang ngayong buwan na lamang ng Enero bukas ang kanilang tanggapan para sa lahat ng transaksyon sa araw ng Sabado, kung kaya’t hinikayat niya ang mga kasapi na may panahon lamang bumisita sa kanilang tanggapan sa araw ng Sabado na samantalahin ang pagkakataon upang matugunan ang kanilang hinaing at katanungan.

Hinikayat din niya ang mga kasaping wala pang SSS ID na mag-aplay na upang mabigyan na ng ID lalo’t kailangan nila ito sa kanilang mga transaksyon sa kanilang tanggapan. Para naman umano sa mga magpapalit pa ng SSS Unified Multi-purpose Identification (UMID) Card o di kaya’y nawala ang kanilang ID, dalawang-daang piso ang babayaran para sa replacement fee.

Sa kasalukuyan, maliban sa patuloy pang pagpapaganda ng serbisyo ng SSS Sorsogon para sa mga kasapi nito, sinabi din ni Manager Bonafe na naghahanap din sila ng bagong lugar na higit pang malaki ang espasyo ngunit madaling puntahan ng kanilang mga kliyente nang sa gayon ay mas maging komportable ang mga ito. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=801389093663#sthash.8J3xm7O7.dpuf

Monday, January 6, 2014

DSWD-Bicol, pribadong sektor nag-ugnayan sa pagbibigay ng trabaho at kabuhayan ng mga benepisyaryo ng 4Ps

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LUNGSOD NG LEGAZPI, Enero 6 (PIA) – Ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na kilala bilang 4Ps ay bibigyan ng prayoridad ng nangungunang mall chain sa Bikol sa pagkuha nito ng mga empleyado at bibigyan ng tulong pinansiyal ng isang lokal na kompanya sa micro-financing bilang suporta sa Conditional Cash Transfer (CCT) - Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Isang memorandum of understanding (MOU) ang nilagdaan kamakailan nina Regional Director Arnel Garcia bilang kinatawan ng DSWD-Bicol sa pakikipag-ugnayan sa Liberty Commercial Center (LCC) na inirepresenta ni Chief Operating Officer (COO) Romeo Tan at sa Metro Fund Providers (MFP) na inirepresenta ni Chief Executive Officer (CEO) Antonio Tan sa ilalim ng pagtutulungang public-private partnership (PPP) sa pagsulong ng pangkalahatang pag-unlad o inclusive growth.

“Mandato ng DSWD na ipatupad ang SLP na may layuning paunlarin ang kakayahang sosyo-ekonomiko ng mga benepisyaryo ng CCT sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagkakataon sa micro-enterprise development at oportunidad sa trabaho,” sabi ni Garcia sa Philippine Information Agency (PIA).

Ang ugnayan ay pagkilala sa pangangailangan ng isang referral system ng mga benepisyaryo ng programang CCT sa mga pribadong negosyo at sektor na non-government, dagdag ni Garcia. “Ito ay isang breakthrough, isang makasaysayang pangyayari dahilan sa unang pagkakataon ito sa buong bansa na nagkaroon ng ganitong uring inisyatiba.”

“Mulat ang LCC sa Corporate Social Responsibility (CSR) nito sa komunidad at sa pangkalahatang pamayanan kung saan ito nagnenegosyo,” sabi ni COO Tan.

Layunin din ng kompanya na magkaroon ng positibong epekto sa pagsunod sa pinakamainam na ethical at legal na gawaing pang-negosyo sa pagsulong ng kaunlaran sa pamamagitan ng pag-angat ng uri ng buhay ng mga empleyado, kustomer, kliyente, kasama sa negosyo at stakeholders nito, dagdag ni COO Tan.

“Ang MFP ay isang micro-financing company na nagbibigay ng short term na pautang na kapital sa mga tindahang sari-sari, kantina sa paaralan, kooperatiba at mga may-ari ng food stall, sabi ni CEO Tan.

Sa ilalim ng ugnayan, susuriin ng DSWD ang kakayahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps at tutukuyin ang mga komunidad na tugma sa mga module at batayan ng LCC at MFP, magsagawa ng social preparation at team building activities, mag-isip ng ideyang micro-enterprise kasama ang mga benepisyaryo, magbigayu ng tulong teknikal sa pagpaunlad at pagbuo ng ng business plan sa mga benepisyaryo ayon sa natuklasan sa market research at feasibility analyses, at magsagawa ng on-site periodic monitoring, at iba pa.

Sumang-ayon ang LCC na magbigay ng listahan o detalye ng mga bakante at oportunidad sa trabaho, magsagawa ng pre-employment assessment sa mga benepisyaryo, magbigay ng target slots para mabigyan ng trabaho ang mga benepisyaryo, bigyan prayoridad sa trabaho ang mga benepisyaryo ng CCT, at makipagtulungan sa pagmanman at pagsuri ng mga benepisyaryo ng 4Ps na nabigyan na ng trabaho.

Samantala ang MFP ay nangakong magsagawa ng credit risk assessment sa mga benepisyaryo, magbigay ng nakalaang pondo para sa pautang sa mga benepisyaryo, ayusin at seguruhin ang paglilipat ng tulong pangkapital sa mga indibidwal na mga benepisyaryo at community-based associations, pag-aralan ang posibilidad na magbigay ng pautang na wholesale sa mga community-based associations, pag-aralan ang bago o naiibang repayment scheme, magsagawa ng pagsasanay sa capacity building ayon sa kanilang batayan para sa mga negosyante, at tulungan ang mga benepisyaryo sa pagbenta ng kanilang mga produkto upang magkaroon ng kita ayon sa market industry at available resources, at iba pa. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=2591388985890#sthash.ZmyXeBcU.dpuf

5 birthing centers, itatayo sa Masbate

LUNGSOD NG MASBATE, Enero 6 (PIA) – Hindi pa man nakakalap ang rocking chairs, birthing tubs at changing tables ngunit nasasabik na ang health workers na ayusan ang kanilang limang birthing centers na itatayo sa lungsod ng Masbate.

Kailangang dumaan sa proseso ang pagtatayo ng birth centers katulad ng permit at bidding. Subalit ang ganito ay mabilis na maisasagawa dulot ng pagtaguyod ni Mayor Rowena Tuason sa karapatan para sa mga Masbatenyang low-risk ang pagbubuntis.

Dalawang birth centers na ang pinatatakbo ng pamahalang lungsod sa Barangay Malinta at Barangay Bapor.  Ang karagdagang lima ay itatayo sa Barangay Kinamaligan, Barangay Nursery, Barangay Bolo, Barangay Bayombon at Barangay Bantigue.

Dating walang birth centers sa Masbate kaya dalawa lang ang napagpipilian ng mga kababaihan: ang manganak sa bahay o sa isang hospital. Dumating ang turning point noong taong 2007 nang ituring ng noon ay alkalde ng lungsod na si Socrates Tuason bilang prayoridad ang pagbawas sa maternal and child mortality rate.

Halos maluha sa galak ang midwives o mga komadrona na matagal nang umaasam na tugunan ng pamahalaan ang kagipitan ng pagbubuntis.

Nagmumukhang mga tahanan o klinika ang birthging centers mula sa labas. Sa loob, ang kababaihan ay makakakuha ng prenatal care at iluwal ang kanilang mga sanggol sa setting na parang tahanan.

Sanay na midwives, sa halip na mga doktor, ang karaniwang sumusubaybay sa pag- labor at panganganak, upang maiwasan ang mga posibleng medical interventions tulad ng droga at cesarean sections at sa halip ay nag-aalok ng mga alternatibo tulad ng water births.

Hindi nag-eendorso ang Department of Health ng panganganak sa tahanan, ngunit kinikilala nito ang accredited birth centers bilang kapantay sa mga ospital para sa kaligtasan.

Ayon sa mga alituntunin ng DOH, ang alinman sa mga ospital o free- standing birth centers na nakakatugon sa mga pamantayan ng accreditation ang "pinakaligtas na setting" para sa panganganak.

Higit pa dito, nagbibigay ang birthing centers ng pag-aalaga na higit na mura kaysa sa maaaring igawad ng mga ospital- sa average na P1,000 kumpara sa P10,000.

Marami sa mga nanganganak sa birthing centers ay “uninsured” o hindi sakop ng PhilHealth.

Ayon kay Mayor Tuason, ang pagtayo ng limang birthing centers ay tutustusan ng Department of Budget and Management sa ilalim ng Local Poverty Reduction Project ng administrasyong Aquino.

Batay sa timeline ng Department of Public Works and Highways, ang mga bagong birthing centers ay mabubuksan sa first quarter ng taong 2014. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=821388984762#sthash.i5jjuMup.dpuf

Thursday, January 2, 2014

Pagdiriwang ng “holiday season” sa Camarines Norte, pangkalahatang tahimik at maayos

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Enero 2 (PIA) -- Naging tahimik at maayos ang “holiday season” sa lalawigan ng Camarines Norte kaugnay sa paggunita ng pasko at pagsalubong sa bagong taon.

Ayon kay provincial director PSSupt. Moises Pagaduan ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), generally peaceful ang lalawigan sa pagsalubong ng bagong taon at walang naitalang insidente ng stray bullet o biktima ng pagpapaputok ng baril.

May mga naitala naman na insidente ng nakawan sa isang pawnshop sa bayan ng Daet at panloloko sa pawnshop sa bayan ng Labo, ganundin ang nangyaring nakawan sa paaralan sa barangay Lag-on, Daet noong kasagsagan ng bagong taon.

Matatandaan na nagtalaga ang pamunuan ng mga kapulisan sa mga lugar kung saan dinadagsa ng tao kabilang na dito ang malls, simbahan, pamilihang bayan at mga terminal dito upang maiwasan ang mga gagawa ng krimen o anumang kaguluhan sa mga naturang lugar.

Batay naman sa talaan ng Provincial Health Office ng pamahalaang panlalawigan, umaabot sa 17 ang bilang ng biktima ng paputok sa nakaraang taon ng 2013 kumpara sa taong 2012 na 8 ang naging biktima.

Sanhi ng mga naputukan ay ang Picollo, libentador at kwitis kung saan karamihan sa mga biktima ay mga kabataan sanhi ng Picollo.

Samantala, walang naitalang insidente ng sunog ang tanggapan ng Daet Central Fire Station ng Bureau of Fire Station sa pagsalubong sa bagong taon maliban lang noong pasko na isa ang naitalang insidente ng sunog.

Dahil na rin ito sa mahigpit na pagpapatupad lalo na lugar ng bilihan ng paputok kung saan mahigpit na ipinagbawal ang pagsindi ng sigarilyo, pagtesting ng paputok at mayroong fire extinguisher ang bawat tindahan ganundin ang paglalagay ng drum na mayroong tubig.

Nagsagawa din ng panawagan ang naturang tanggapan sa pamamagitan ng bandillo o oplan paalala bilang pag-iwas sa insidente ng sunog. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881388633033#sthash.rz2LxbMs.dpuf