Friday, May 31, 2013

Albay susubok sa Guinness Record sa pagbuo ng pinakamalaking human logo

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 31 (PIA) -- Ang lokal na pamahalaan ng Albay sa pamamagitan ng Smoke-Free Albay Network (SFAN) ay nagnanais na magtala ng world record sa pagbuo ng pinakamalaking "no smoking (smoke-free) human logo" sa buong mundo sa susunod na buwan.

“Magbibigay ito ng kaugnayan at kahulugan sa pagpapatupad ng ordinansa ng Albay sa pagbabawal sa paninigarilyo at para magbigay kaalaman sa masamang epekto ng paninigarilyo sa katawan at kapaligiran,” sabi ni Albay Governor Jose “Joey” Salceda.

Alinsunod sa pagdeklara ng Hunyo bilang International No-Smoking Month, ang LGU-Albay at SFAN ay magsasagawa ng mga aktibidad sa isang buwang selebrasyon, tampok dito ang pagbuo ng human logo kung saan 13,000 ang kinakailangang lalahok galing sa mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensiya ng pamahalaan, paaralan, non-government organizations at mga unipormado, ayon kay Salceda.

“Nagpadala na kami ng sulat sa Guinness Records upang pormal na kilalanin ang aming pagsubok,” sabi ni Provincial Board Member at SFAN Chairman Herbert Borja. Pinadala na rin ang mga sulat sa mga imbitadong ahensiya, institusyon at mga grupo upang humingi sa kanila ng partisipasyon sa aktibidad, ayon kay Borja. Si Borja ay muling nahalal sa sangguniang panlalawigan kung saan siya ang kasalukuyang namumuno sa komite sa kalusugan.

“Bubuuin ang human logo sa Bicol University Football field sa oras na alas seis ng umaga sa Hunyo 28,” sabi ni Borja. Magtatalaga rin ng sistema sa pagtala ng aktwal na bilang ng mga kalahok sa lugar at magkakaroon ng limang minutong pagkuha ng larawan at video na hinihingi ng Guinness, ayon kay Borja. “Ang Philippine Air Force ay nangako na ng suporta sa pagkuha ng dokumentasyon sa himpapawid sa pamamagitan ng kanilang dalawang helicopter,” sabi ni Borja. Ang AMA Computer College ay nagpahayag na rin ng suporta bilang opisyal na tagatala ng mga lalahok, ayon kay Borja.

Bago ang aktibidad, may isa pang gawain na tinaguriang “Walk for a Smoke-Free Albay” ang magpapasimula ng kaganapan alas singko ng umaga ng kaparehong araw sa pagtatagpo-tagpo ng mga kalahok sa human logo sa Peñaranda Park at maglalakad papunta sa Bicol University kung saan gaganapin ang pagsubok sa Guinness World Record, ayon kay Salceda .

“Magkakaroon din ng Smoke-Free at Information, Education Campaign booth sa lugar bilang bahagi ng aming adbokasiya,” sabi ni Salceda.

Bahagi ang Philippine Information Agency (PIA) Bicol Regional Office ng working committee sa documentation, ground preparations, promotion and publicity para sa kaganapan.

Ayon kay Borja, patuloy silang nag-aanyaya sa mga nais lumahok sa aktibidad. Puede silang makipag-ugnayan sa kanya sa telepono numero (052)822-3175, o 0922-8398437 o sa kanyang email address hsborja8@yahoo.com. Puede rin silang makipag-ugnayan sa opisina ni Gobernador Salceda sa telefax number (052) 481-2555 o 0908-8660824 o sa email address albaygovoffice@yahoo.com. Isa pang paraan ay sa pamamagitan ng Add+vantage Community Team Services, Incorporated na may telepono numero (052)435-3003 o 0929-377-2442 o sa pamamagitan ng email smokefree.magayon@gmail.com o sa www.facebook.com/SmokeFreeAlbay. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)


 Bulusan Volcano Pre-emptive Action Plan Briefing isinagawa ng SPDRRMO

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 30 (PIA) -- Isang pulong ang ipinatawag kahapon ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (SPDRRMO) upang ipaliwanang sa mga kasapi ng Provincial Incident Command System (ICS) ang mga dapat gawin sakaling maulit sa Mt. Bulusan ang naganap na phreatic explosion ng Mt. Mayon noong Mayo 7, 2013.

Ayon kay Search and Rescue team leader Manro Jayco ng SPDRRMO, dapat na maintindihan ng mga kinauukulan ang tamang hakbang na dapat gawin sakaling biglaang maging aktibo ang Mt. Bulusan nang sa gayon ay walang buhay na mabubuwis.

Sa ganitong uri umano ng kalamidad dapat na maipatupad ang tinatawag na full safety parameters ng sinumang reresponde.

Kasama sa 4-km Permanent Danger Zone ang mga bayan ng Casiguran, Juban, Irosin, Bulusan, Barcelona, at Gubat. Sa mga bayang nabanggit, ang mga bayan ng Casiguran, Juban, Irosin, at Bulusan ang may mga komunidad na direktang maapektuhan at dapat na agarang mailikas.

Sakali umanong maganap ito, dapat na handa ang lahat ng mga kakailanganin mula sa mga tauhang gaganap, kagamitan at mga pagkain. Aniya, mahalagang alam ipatupad ng mga kinauukulan ang Group at Cluster Approach, at agarang maitayo at mapagalaw ang Incident Command System sa mga panahong nagkakaroon ng sakuna o kalamidad.

Ipinaliwanag din ni Jayco ang organizational set-up ng ICS sa provincial level; operation section field set-up; Group Response Approach (GRA); Cluster Response Approach (CRA); at Branch Response Approach (BRA). Ipinakita din niya ang Bulusan Volcano Hazard Map upang higit na maunawaan ang mga posibleng komunidad na maaaring maapektuhan ng aktibidad ng bulkan.

Samantala, nananatiling nasa Zero Alert level ang Bulkang Bulusan at patuloy pa ring pinapayagan ang mga nais umakyat na mga turista at mountaineers sa nasabing bulkan. (MAL/BAR-PIA Sorsogon) 

Thursday, May 30, 2013

Presyo ng mga kagamitang pang eskwela , binabantayan ng DTI

By Edna A. Bagadiong

VIRAC, Catanduanes, May 30 (PIA) -- Ilang araw bago ang pagsisimula ng pasukan, mahigpit na binabantayan at minomonitor ng Department of Trade and Indsutry (DTI) ang presyo ng mga kagamitang pang eskwela sa lalawigan.

Ayon kay DTI Provincial Director Hegeno Baldano, magsasagawa sila ng random inspection sa iba’t ibang pamilihan sa 11 bayan ng lalawigan upang matiyak na ang lahat ay sumusunod sa batas.

Sabi ni Baldano, titiyakin umano nila na walang sinuman ang maaaring manamantala lalo na ngayong dagsa ang mga mamimili dahil sa papalapit na pasukan.

Dagdag pa niya, sinumang mapatunayang lumabag sa batas ay papatawan ng kaukulang parusa.

Hinikayat naman niya ang mga mamimili na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pag-uulat sa kanilang tanggapan sakaling may mga paglabag sa kanilang alituntunin.

Nakatakdang magsimula ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa probinsya sa Lunes, Hunyo 3, 2013. (EAB-PIA5/Catanduanes)


33 benepisyaryo ng SPES-TWSP Convergent Program bibigyan ng starter kits ng DOLE

By Monaliza Z. Eser

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 30 (PIA) -- Magbibigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng starter kits sa 33 benepisyaro ng pinagsamang Special Program for the Employment of Students (o SPES) ng DOLE at Training for Work Scholarship Program (o TWSP) ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) sa darating na Mayo 31 sa DOLE Regional Office 5 lobby.

Labing lima sa mga benepisyaryong ito ay mula sa Computer Arts Technology College ng Tabaco at 18 naman ay mula sa Salugan Training Center ng Camalig, Albay. Ang mga ito ay nagtapos ng technical-vocational training sa ilalim ng TWSP ng Tesda.

Ayon kay Mariel Ella Verano, senior labor and employment officer ng DOLE Bikol, ang mga benepisyaryong ito ay mga out-of-school youths na pinili ng Human Development and Poverty Reduction Cluster sa Bikol na binubuo ng mga pinuno ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno ng rehiyon upang mabigyan sila ng oportunidad na kumita at makapagtapos ng technical-vocational training ng Tesda.

Ang 60 porsyentong gastos sa pagsasanay at assessment fee sa bawat benepisyaryo ay sagot ng Tesda samantalang ang 40 porsyento naman ay training allowance na ibibigay ng DOLE sa bawat benepisyaryo ngayong natapos na nila ang naturang training ng Tesda.

Ayon kay Verano, sa halip na bigyan ang mga benepisyaryo ng allowance, starter kits na lamang ang ibibigay sa mga ito upang matulungan silang makapagsimula agad ng sarili nilang hanapbuhay. (MAL/MZE-OJT-BU-PIA5 Albay)


SETUP ng DOST Cam Norte patuloy ang pagtulong sa mga maliliit na negosyante

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Mayo 30 (PIA) -- Patuloy ang paghikayat ng Department of Science and Technology (DOST) ng Camarines Norte sa pagtulong sa mga maliliit ng negosyante sa pamamagitan ng Small Enterprises Technology Upgrading Program o SETUP.

Ayon kay PSTC Jorge Pedro V. Villanea bukas ang kanilang tanggapan sa mga nais maging benepisyaryo ng SETUP lalong lalo na ang Micro-Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa lalawigan.

Aniya kabilang sa maaring benepisyo ng sinumang nais magpatala ay ang pagbibigay ng halaga na gagastusin sa teknolohiya tulad ng pagbili ng makinarya o equipment; pagsasanay at consultancy; testing ng produkto; packaging at labeling design; at database management and information system.

Sinabi niya na ang SETUP ay inilunsad ng DOST bilang tugon sa panawagan ng Presidente sa isang programang tutulong sa mga MSMEs sa lalawigan at maging sa iba't ibang lalawigan at siyudad sa bansa.

Aniya layunin nito na maiangat ang kabuhayan sa pamamagitan ng paghikayat at pagbibigay ng tulong sa mga MSMEs sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kanilang teknolohiya upang mapaigting ang pagpapatakbo ng negosyo at maisulong ang produksiyon at pakikipag kompetensiya.

Layunin din ng programa na tulungan ang mga negosyo na matugunan ang kanilang problemang teknikal sa pamamagitan ng technology transfer at technogical interventions upang mapahusay ang produksiyon tungo sa kalidad ng produkto, human resource development, cost minimization, waste management at iba't ibang may kaugnayan sa pagpapatakbo ng negosyo.

Aniya ngayong taon kabilang sa mga nabigyan ng benepisyo ng SETUP ay ang Solis Meat Shop sa halagang P263,505; Sherlen Bread and Pastries – P620,000; at Lamadrid Bakery – P240,970.

Idinagdag niya na sa mga nais magpatala upang maging benepisyaryo ng SETUP maari silang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa DOST sa Camarines Norte State College (CNSC). (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte)

Wednesday, May 29, 2013

DTI inilahad ang iba pang maaaring pagkakitaan ng mga Sorsoganon

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 29 (PIA) -- Hindi lamang Pili ang maaaring gawing champion product ng lalawigan ng Sorsogon.

Ayon sa Department of Trade and Industry Sorsogon, sagana ang lalawigan ng Sorsogon sa iba’t ibang mga uri ng mga pananim na maaaring mapagkunan ng mga materyales na maaaring pagsimulan ng mga bagong produkto at pagkakitaan.

Isa sa mga isinusulong ngayon ng DTI Sorsogon ay ang pagpapalago ng industriya ng kawayan o bamboo mula sa pagpapadami nito hanggang sa maging panibagong produkto ito.

Ayon kay DTI Sorsogon Provincial Director Leah Pagao, nasa mga bayan ng Bulan, Castilla, Pto. Diaz at Pilar ang pinakamagagandang uri ng kawayan sa Sorsogon.

Aniya, dahil sa ang kawayan o bamboo ang isa sa tinitignan ngayon na may marketability potential at maaaring maging daan upang makilala ang Sorsogon pagdating sa mga produktong world class, hinihikayat nila ang mga Sorsoganon na bigyang-pansin ang industriya ng kawayan at patuloy na tumuklas ng mga disenyo at produktong gawa sa kawayan.

Kabilang sa mga produktong maaaring magawa mula sa kawayan ay mga muwebles tulad ng mesa, upuan at cabinet. Maaari ding maproseso ang malalaking kawayan at gawing pansahig, pandingding o kisame ang tabla ng kawayan.

Naririyan naman ang Provincial Small and Medium Enterprise Development Council (PSMEDC) na handang tumulong upang mapalago nang unti unti na ngayong nakikilalang industriya ng kawayan. Tumutulong din ang PSMEDC upang maisulong ang mga proyektong prayoridad gawin ngayong taon ng DTI tulad ng pagsasaayos ng sistema sa pagnenegosyo at paglilisensya, pagpapalago ng industriya ng kawayan, coco coir at paggawa ng pili geographical indicator.

Samantala, maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol ay pinag-aaralan na rin kung papaanong makapagtatayo ng Bambusetum o bamboo nursery nang sa gayon ay makapagpatubo ng mas marami at iba-ibang uri ng kawayan. Sa pamamagitan ng Bambusetum ay mas madaling makakakuha ng pananim ang sinumang nais pumasok sa industriyang ito. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)


DTI Camarines Norte nagsasagawa ng monitoring sa presyo ng mga kagamitan sa eskuwela

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Mayo 29 (PIA) -- Sa nalalapit na naman na pagbubukas ng klase ngayong buwan ng Hunyo ay nagsasagawa ng monitoring ang tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng lalawigan ng Camarines Norte sa mga pamilihan sa bayan ng Daet.

Ito ay kaugnay sa mga presyo ng bilihin sa mga kagamitan sa eskuwela ng mga mag-aaral kung saan naglagay ng Suggested Retail Price (SRP) sa mga tindahan at establisyemento na ipinatutupad ng naturang tanggapan.

Nakasaad sa SRP ang “Gabay sa pamimili ng school supplies” na makikita dito ang halaga ng iba't ibang mga kagamitan na kailangan bilihin sa mababa at tamang halaga.

Ayon kay Consumer Welfare Division Victor Zenarosa, Trade and Industry Development Specialist ng DTI, sa pagbili ng mga kagamitan, kailangan na hanapin ang mga label nito, katulad sa papel, dapat alamin ang bilang ng pahina, klase at sukat, pangalan, lugar ng produkto at kung saang bansa ito ginawa ganundin ang lapis at ballpen.

Katulad din sa krayola, dapat hanapin ang nakasulat na salitang “non-toxic” na nagpapahayag na ito ay nasuri at nakapasa sa “allowed toxicity level” na itinakda ng Food and Drug Administration (FDA) at kung saang bansa din ginawa ang produkto.

Ayon pa rin kay Zenarosa, dapat tignan pa rin ng mga magulang ang ipinatutupad na presyo ng kanilang tanggapan o listahan ng halaga ng mga kagamitan na makikita sa mga tindahan.

Aniya, dapat din na malaman ng mga mamimili ang magandang kalidad ng mga kagamitan kumpara sa mga walang SRP.

Wala namang nakikitang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing kagamitan sa eskuwela batay na rin sa kanilang monitoring sa mga establisyemento sa bayan ng Daet ayon pa rin kay Zenarosa.


Samantala, maaaring magsadya sa tanggapan ng DTI para sa mga katanungan at reklamo sa kalidad at presyo ng mga bilihin ang mga mamimili at doon ay maaari ring kumuha ang mga nagtitinda ng listahan ng presyo ng mga kagamitan o SRP para ilagay sa kanilang mga tindahan. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)


Gawad KALASAG 2013, inilunsad

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 29 (PIA) -- Simula Mayo 24, pipiliin ang pinakamagaling na mga Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMC), Civil Society Organizations (CSO) at kabayanihan ng mga indibidwal, grupo o institusyon sa mga naganap na sakuna, natural man o gawa ng tao.

Ibinalita ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 5 ang opisyal na pagsisimula ng Gawad Kalasag, isang parangal para sa nagsagawa ng kagalingan sa disaster risk reduction and management (DRRM) at humanitarian assistance sa rehiyon na magtatapos hanggang Hunyo 16. Nagpulong ang regional search committee noong Mayo 23 upang pag-usapan ang pagbabago sa patakaran at iba pang mahalagang usapin tungkol sa parangal, ayon sa OCD Bicol.

Inilunsad noong 1998, ang Gawad KALASAG (KAlamidad at Sakuna, LAbanan, SAriling Galing ang Kaligtasan) ay isang mekanismong parangal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang ipagpatuloy at palakasin pa ang suporta at sinumpaang tungkulin sa pamamagitan ng pagkilala ng kahanga-hangang gawain ng mga disaster risk reduction practitioners sa pagpapaunlad ng galing at kakayahan ng bansa at mga pamayanan sa mga panganib dala ng mga sakuna.

Layunin din nito ang isulong ang konsepto ng bayanihan sa pagitan ng mga ahensiya at mga indibidwal sa pagbigay ng agarang tulong sa pagtugon sa mga sakuna, ayon sa OCD Bikol.

Nakaabang ang 28 kategorya kung saan ang mga pangunang parangal ay para sa pinakamagaling na LDRRMCs sa mga probinsiya, siyudad, munisipyo at barangay. Ang iba pang kategorya ng Gawad Kalasag ay para sa CSOs, pribadong organisasyon, volunteer organizations, government emergency response management, paaralan, ospital, kabayanihan ng indibidwal o grupo na nagbigay tulong sa pamayanan. Bibigyan din ng natatanging pagkilala ang mga indibidwal, ahensiya at media.

Ang mga maitatanghal na panalo sa pambansang kategorya ay makatatanggap ng perang gantimpala: unang gantimpala – P100,000; pangalawang gantimpala – P75,000 at pangatlong gantimpala – P50,000. Ang mga gantimpala ay maaring gastahin para sa gawaing may kaugnayan sa DRRM ng mga nanalong LDRRMC, ayon sa OCD Bicol.

Ang huling araw sa pagtanggap ng mga kalahok sa regional selection committee ay sa Hunyo 17. Ang talaan ng mga nanalo sa rehiyon ay isusumite sa national search committee sa Hunyo 20, ayon sa OCD Bicol.

Ang regional search committee ay binubuo ng mga regional directors ng Departments of the Interior and Local Government, Health, Education, Social Welfare and Development, Science and Technology, National Economic and Development Authority, Philippine Red Cross, Philippine Information Agency at Office of Civil Defense.

Ang national search committee ay binubuo ng mga kalihim o kinatawan ng DILG bilang pinuno, OCD bilang pangalawang pinuno, na may mga kaspi mula sa DOH, DepEd, DSWD, DOST, Climate Change Commission, NEDA, PIA, National Anti-Poverty Commission, Philippine Red Cross, Union of Local Authorities of the Philippines, mga pangulo ng liga ng mga probinsya, lungsod, munisipyo at barangay, civil society organizations at pribadong sektor.

Ang seremonya ng parangal ay nakatakda sa pagitan ng ikatlo at ikaapat ng linggo ng Hulyo ngayong taon. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)


Masbateño news: Biyaheng Cebu-Masbate paga tunaan na san Cebu Pacific

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 29 (PIA) -- Isad kasemana na lang tuna yana magatuna an an paglupad san Cebu Pacific hali Cebu pakadi sa Masbate.

Segun sa opisyal sa Masbate, an budget carrier magatuna na pagbiyahe pasulod sa ciudad san Masbate sa maabot na Sabado, Hunyo 1, kag an eroplano na ATR 72-500 an gagamiton san nahunambitan na airline.

Mapapakusog daw san Cebu Pacific an turismo kag negosyo sa tunga san Masbate kag Cebu pinaagi sa bag-o na biyahe dahilan kay magkakaigwa na san tiempo an lokal kag dayuhan na turista na magbisita sa duha na destinasyon.

Segun sa pamunuan san Cebu Pacific, upat na beses kada semana na magabiyahe an nasabi na airline na may ruta Cebu-Masbate kag balikan, maga biyahe ini sa adlaw san Martes, Huwebes, Sabado kag Domingo.

Sa advisory na bulag na guin paguwa san kumpanya kag Masbate City Hall, eksakto alas 6:15 san aga mahali sa Cebu an eroplano kag 7:10 san aga maabot sa Masbate. Magabalik naman hali Masbate alas 7:30 san aga kag ma-landing sa Cebu eksakto alas 8:25 san aga.

An Masbate bantog saiya scuba diving spots kag rodeo festival.

P688 an pamasahe sa ruta Cebu-Masbate. (RAL/MAL-PIA5)


Masbateño news: Masbate PRC team, madayo sa Masbate agod serbisyuhan an mga propesyonal

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 29 (PIA) -- Sa karkulasyon lampas isad kalibo na propesyonal sa probinsya san Masbate na magapaso na ang lisensya hali sa Professional Regulatory Commission an makatipid sa gastos dahilan kay magapadara an komisyon san mga tawuhan agod magproseso sa mga aplikante para sa bag-o na lisensya.

Maabot sa ciudad san Masbate an PRC team hali sa Legazpi City sa Hunyo 5 kag magatiner san tulo kaadlaw para magproseso sa mga aplikasyon sa bag-o na lisensya san mga maestro, enhenyero, nars kag iba pa na propesyonal.

Makatipid an mga aplikante san dako na parte sa sobra tres mil de pesos na magagastos sa duha kaadlaw na pagtiner kag biyahe kung makadto pa sinda sa ciudad san Legazpi o Cebu para makakuha sa bag-o na lisensya.

Kadamuan sa mga aplikante magahali pa sa halayo na munisipyo sa isla san Masbate kag Ticao.

Segun kan City Councilor Andrie Diez, nagbilog pwersa an administrasyon ni Masbate City Mayor Socrates Tuason kag PRC agod maihatag san PRC an serbisyo sani sa mga propesyonal sa Masbate yana na tuig.

An mobile licensing service san PRC sa maabot na Hunyo pangtulo na beses na guin hiwat san ahensya sa Masbate kun-diin dumayo man sinda san tuig 2011 kag 2012.

An lisensya hali sa PRC magahatag sa isad na propesyonal san deretso na magpraktis san iya propesyon sa sulod san tulo katuig. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)


2 araw na Balik Eskwela Caravan sa distrito ng Bacon, natapos na

By Francisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 29 (PIA) -- Matapos ang matagumpay na aktibidad ng Department of Education na Brigada Eskwela sa mga pampublikong paaralan nitong nakaraang linggo, nagtapos din noong Biyernes, Mayo 23, 2013 ang malawakang proyekto ng Department of Trade and Industry Sorsogon na “Diskwento Caravan” Balik Eskwela Edition sa distrito ng Bacon.

Ang dalawang araw na aktibidad na isinagawa sa apat na lugar ng Bonga Integrated High School, Rawis National High School, Gatbo at L. Martinez Memorial High School distrito ng Bacon ay nagtapos noong Mayo 22-23 na dinayo at lubos na pinakinabangan ng mga mamamayan.

Ang diskwento caravan balik eskwela edition sa Sorsogon ay naisakatuparan sa pakikipagkawing sa Department of Education, Sorsogon Consumer’s Association at mga nakiisang establisimyento.

Samantala may mga balita ring kumakalat sa Metro Manila ukol sa mga school supplies na kontaminado diumano ng lead at iba pang kemikal, subalit sinabi ng opisyal na alerto sila at ginagawa ang kanilang mga tungkulin nang sa gayon ay hindi makalusot ang mga ito.

Nagbigay rin nang babala sa mga negosyante si Senen Malaya, DTI information officer na huwag mananamantala at iwasan ang pagbebenta ng mga substandard na mga kagamitan na kontaminado ng nabanggit na kemikal lalo pa’t karamihang gumagamit nito ay mga bata.

Abiso din nito sa publiko na maging mapanuri sa pagpili at pagbili ng mga kagamitan ng kanilang mga anak para hindi mabiktima at makaiwas sa anumang ng epekto nito at sakaling may mapunang kakaiba sa biniling produkto ay agad itong ireport sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng agarang atensyon. (MAL/FBT-PIA5/Sorsogon)

Monday, May 27, 2013

Biyaheng Cebu-Masbate, sisimulan na ng Cebu Pacific

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 27 (PIA) -- Isang linggo mula ngayon ay sisimulan na ng Cebu Pacific ang paglipad nito mula Cebu patungong Masbate.

Ayon sa mga namumuno sa Masbate, ang budget carrier ay magsisimulang bumiyahe sa lungsod ng Masbate sa darating na Sabado, Hunyo 1, at ATR 72-500 ang eroplanong gagamitin ng airline.

Mapapalakas umano ng Cebu Pacific ang turismo at kalakalan sa pagitan ng Masbate at Cebu sa pamamagitan ng bagong biyahe dahil mabibigyan ang mga lokal at dayuhang turista ng pagkakataon na magtungo sa dalawang destino.

Ayon sa pamunuan ng Cebu Pacific, apat na beses sa isang linggo na lilipad ang airline mula Cebu hanggang Masbate at ito’y sa mga araw ng Martes, Huwebes, Sabado at Linggo.

Sa advisory na magkahiwalay na ipinalabas ng kumpanya at ng Masbate City Hall, eksaktong 6:15 ng umaga aalis ang Cebu Pacific sa Cebu at 7:10 ng umaga darating sa Masbate. Ang biyaheng pabalik ay aalis nang 7:30 ng umaga at lalapag sa Cebu eksaktong 8:25 ng umaga.

Ang Masbate ay kilala sa kanyang scuba diving spots at rodeo festival.

Ang pamasahe sa rutang Cebu-Masbate ay P688. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)


Halalan sa Bicol matagumpay at mapayapa sa kabila ng konting aberya – Comelec

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 27 (PIA) -- Naging matagumpay at payapa ang pambansang halalan ngayong taon sa rehiyon Bikol.

“Naging matagumpay ito at payapa sa pangkalahatan,” sabi ni Commission on Election (Comelec) Regional Election Director Romeo Fortes. Kung kelan ang mga probinsiya lamang ng Camarines Sur at Masbate ang isinailalim sa election watchlist ng Philippine National Police (PNP) simula Enero ngayong taon saka nagkaroon ang Bicol ng halos walang karahasan na insidente. “Nakakagulat na isa lang ang namatay sa Masbate, aksidente pa,” sabi ni Fortes.

Nahulog sa dagat si Police Officer 2 Jesus Apostol at inatake sa puso habang nakasakay sa bankang de motor kung saan naatasan siyang magbigay seguridad sa pagdadala ng PCOS machines sa mga presinto ng San Jacinto halos isang linggo bago ang halalan. Nawalan siya ng malay at kalauna’y binawian ng buhay. Si Apostol ang pinuno ng pangkat ng pinagsanib na puwersa ng Regional Public Safety Batallion at San Pascual Municipal Police Station sa Masbate.

Sa mga may sirang compact flash (CF) cards, sinabi ni Fortes na nagtala lamang sila ng halos dalawa sa bawat probinsiya. “Sa 4,800 presinto sa buong rehiyon, 12 CF cards lang ang nagkaaberya,” sabi ni Fortes.

Sa napaulat na mga maling pagpapadala ng PCOS machines sa pamamagitan ng Air 21, ang deputized agency sa pagpapadala ng mga PCOS, kinumpirma ni Fortes ang mga pangyayari at naitala nila sa opisina. “Madali itong natugunan dahil sa karamihan ng mga nagkapalit-palit na PCOS ay nangyari sa loob lamang ng kaparehong barangay o munisipyo,” sabi ni Fortes. Kaunti lamang ang nagkaaberyang PCOS at madaling napalitan ng contingency PCOS na nakaabang, sabi ni Fortes.

“Maliit na problema lamang ang nagkapalit na PCOS, ang mahalaga ay ang pagpadala ng CCS (Consolidation Canvassing System) sa tamang panahon,” sabi ni Fortes. Ang CCS ay isang computer unit na laptop na ginagamit sa canvassing at consolidation ng electronically transmitted na resulta ng halalan sa presinto, siyudad, munisipyo, distrito at at sa provincial board of canvassers. “Ang CCS para sa San Jacinto (Masbate) ay naipadala lamang noong hapon ng Mayo 17, kung kaya nai-transmit lamang ang resulta sa sumunod na araw,” sabi ni Fortes.

Naobserbahan din ni Fortes na hindi kumuha ang 21 ng mga kawani na taga lugar mismo sa pagpapadala ng mga kagamitan sa halalan na posibleng naging sanhi ng kalituhan sa paghanap ng eksaktong destinasyon ng mga ipinadala. Dagdag pa nito, tumatawag sila sa Comelec kung may problema na. “Kapag pumasok ka sa isang rehiyon, ang unang dapat gawin ay makipag-ugnayan sa Comelec regional election director ayon sa protocol,” sabi ni Fortes.

Ang mahahabang pila sa mga presinto ay hindi sana mangyayari kung natupad ang kahilingan ng Comelec na magkaroon ng 120,000 piraso ng PCOS. “Natapyasan ang aming badyet kaya nagkaroon lang tayo ng 80,000 PCOS,” sabi ni Fortes. Ang marapat na PCOS at voters ratio ay 1:250 at hindi lalampas sa 500 na botante bawat PCOS, ayon kay Fortes. “Sa ibang presinto halos 1,000 ang gumagamit sa iisang PCOS,” sabi ni Fortes.

Pinuri din ni Fortes ang pangunang tagumpay ng pagsasagawa ng halalan sa bilangguan na unang pinatupad ngayong Mayo.

“Irerekomenda namin na magkaroon ng PCOS sa bilangguan sa mga susunod na halalan,” sabi ni Fortes. Ang mga balota galing sa bilangguan ay dinadala sa pinakamalapit na presinto upang ma-scan ng PCOS.

Kailangan ding tignan ng pamahalaan sa pagsasaayos ng ibang silid-aralan upang maging karapatdapat gamitin para sa halalan dahil sa nangyayari ang eleksiyon bawat tatlong taon, ayon kay Fortes.

Ang isa pang mahalagang sektor sa halalan ay ang enerhiya na nagbibigay ng maasahan, tuluy-tuloy at sapat na kuryente, ayon kay Fortes. “Maseseguro nito ang seguridad sa PCOS at mga botante,” sabi ni Fortes. (MAL/JJJPerez-PIA5 Albay)


Pamamahagi ng mga pantanim na punong-kahoy, patuloy na isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Mayo 27 (PIA) -- Patuloy ang isinasagawang pamamahagi ng mga pantanim na punong-kahoy o forestry seedlings ng Provincial Government-Provincial Environment and Natural Resources Office (PG-PENRO).

Ayon kay PENR Office chief Engr. Leopoldo Badiola, ito ay proyekto ng Forestry Seedlings Production at Tree Planting Project sa ilalim ng Forestry Management Program ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador Edgardo A. Tallado.

Aniya, ito ay ipinamamahagi sa mga pribado at pampubliko o may mga samahan at organisasyon ganundin sa mga indibidwal na nais makiisa sa pagtatanim kaugnay sa kanilang mga proyekto o hangarin na madagdagan ang mga puno sa kanilang mga lugar.

Dagdag pa niya na ito ay tulong ng pamahalaang panlalawigan para sa kaayusan at kagandahan ng ating kapaligiran na isang paraan na makakatulong sa pagsangga sa mga kalamidad at sa epekto ng pabago-bagong panahon na nararanasan natin.

Ang tanggapan ng PG-PENRO ay nakapamahagi na ng 34,425 forestry seedlings noong nakaraang taon ng 2012 na kinabibilangan ng Mahogany at Narra kasama ang karagdagang pantanim na Lubas, Berva, Dangcalan, Camagong, Anahaw, Maligang, Cacao at iba pang pantanim na punong-kahoy.

Target naman ng naturang tanggapan ngayong taon ng 2013 ang maipamahagi ang 40,000 na pantanim kung saan nauna ng naipamahagi ang mahigit kumulang na 5,000 forestry seedlings simula Enero hanggang Abril ngayong taon.

Hinihikayat din ni Badiola ang mga nais na magtanim ng mga punong-kahoy na ipinamamahagi ng pamahalaang panlalawigan at maaari silang magsadya sa kapitolyo probinsiya upang kumuha nito sa pamamagitan ng liham kahilingan sa punong lalawigan kalakip ang lugar ng pagtatanim.

Ang pagbibigay ng pantanim ay depende sa dokumentasyon sa lugar na pagtataniman at ang lawak nito.

Namamahagi din ang naturang tanggapan sa mga barangay na nangangailangan ng mga punong pantanim sa isinasagawang Provincial Multi-Services Caravan ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gobernador Tallado tuwing araw ng Biyernes bawat linggo.

Katuwang ng PG-PENRO ang mga boluntaryo ng Bantay Gubat sa pangongolekta ng mga wild lings sa kanilang lugar na nakatalaga sa watershed ng bayan ng Labo, San Lorenzo Ruiz at San Vicente para sa karagdagang mga binhing pantanim na nasa pangangalaga ng Provincial Nursery Farm sa bayan Basud. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)


 'Rice procurement' ng NFA sa Camarines Sur, pinaiigting

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Mayo 27 (PIA) -- Mas pinaiigting ngayon ng National Food Authority o NFA sa lalawigan ng Camarines Sur ang rice procurement program nito sa pamamagitan ng pagbubukas ng walo pang bodega ng ahensiya sa iba't ibang bayan dito sa lalawigan.

Ayon kay NFA Camarines Sur assistant manager Nora Fullosco, ang pagbukas ng bodega sa iba't ibang munisipyo ay may layuning mapalapit sa magsasaka ang mismong bilihan ng palay. Inaasahan kasi nila na ito ay mas magpapalakas pa ng buffer stock ng ahensya, na bahagi ng kanilang paghahanda para sa darating na “lean months.”

Sinabi ni Fullosco na sa kasalukuyan, bumibili ang NFA ng palay na umaabot sa P18.10 bawat kilo na maximum buying price mula isang sako pataas. Maaari itong pick up o delivery saan mang lugar sa lalawigan.

Sa kasalukuyan mayroon ng mahigit sa 450,000 sako ng palay ang nabili ng ahensiya sa mula sa mga magsasaka dito sa lalawigan ng Camarines Sur. Inaasahan na madagdagan pa ito bago matapos ang buwan ng Mayo habang mayroon pang umaani sa ilang bayan sa lalawigan.

Sa ilalim ng NFA procurement program, umaabot pa rin sa 2,500 bags ng palay ang nabibili araw-araw sa buong probinsiya. Maganda naman ang bilihan sa kasalukuyan dahil sa suporta ng mga magsasaka na ipagbili sa ahensiya ang kanilang mga ani sa mataas na presyo.

Naglagay naman ang NFA ng buying stations sa halos lahat ng munisipyo sa limang distrito ng Camarines Sur.

Ang pagkaroon ng mataas na procurement volume sa bansa ay dahil sa makabagong pamamaraan ng pamamalakad ng tanggapan upang suportahan ang Food Staples Sufficiency program (FSSP) ng pamahalaan. Ito'y naglalayong matamo ang rice self-sufficiency sa bansa.(MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)


Pagpapalit ng pinuno ng 31st IB sa Sorsogon

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 27 (PIA) -- Pinangunahan ni 903rd Infantry Brigade commander Col. Joselito E. Kakilala ang pagpapalit ng bagong pinuno ng 31st Infantry Batallion ng Philippine Army noong isang linggo sa Barangay Rangas, Juban, Sorsogon.

Pinalitan ni Lt. Col. Beerjenson N. Aquino si dating Commanding Officer Col. Teody T. Toribio na nagsilbi rin ng isang taon at anim na buwan bilang pinuno ng 31st IB.

Si Lt. Col. Aquino ay dating Assistant Chief of Staff for Personnel, G1 sa Camp Elias Angeles sa bayan ng Pili, Camarines Sur na nanungkulan naman doon ng halos isang taon. Pumalit sa kanya si Lt. Col. Buenaventura L. Zulueta na kasalukuyang hepe ng Provost Marshall Division ng 9th Infantry Division.

Bago tuluyang palitan si Col. Toribio, binigyan ito ng parangal bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa sa loob ng kanyang panunungkulan sa batalyon. Kabilang na dito ang matagumpay na pagkakakubkob ng kuta ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Donsol, Sorsogon kung saan tatlong NPA ang napaslang at ilang mga armas at kagamitan din ng rebeldeng grupo ang nakumpiska.

Sa panayam ng PIA kay Col Toribio, sinabi nitong positibo siyang maipagpapatuloy ng bagong pinuno ng 31st IB ang nasimulan nilang mga aktibidad, proyekto at programang nagresulta sa zero human rights violation at zero tactical offense sa panig ng mga kasundaluhan, at mas mapayapang komunidad dahilan upang umangat ang kanilang ekonomiya. Aniya, sa tamang taktika at istratehiyang pangkapayapaan, tataas ang turismo at maiaangat ang kalagayan ng pamumuhay ng mga Sorsoganon. “Naniniwalaakong alternate economic hub ng Albay ang lalawigan ng Sorsogon,” dagdag pa ni Col. Toribio.

Mensahe umano niya sa hahalili sa kanya na alagaan ang mga kasundaluhan, gawin anuman ang naaayon sa batas, panatilihin ang pagpapahalaga sa karapatang pantao, pag-ibayuhin ang serbisyo publiko at huwag sayangin ang lahat ng nasimulan na, lalo na ang naibalik na tiwala ng mamamayan at magandang imahe ng mga kasundaluhan. Naniniwala umano siyang possible ito sapagkat napagtulungan na nilang gawing matatag ang batalyon.

Panawagan din nya sa publiko na sana’y patuloy na tulungan ang 31st IB nang sa gayon ay mawakasan na ang karahasan at insurhensiya nang sa gayon ay tuluyan nang makamit ang minimithiing kapayapaan at kaunlaran ng bawat isa.

Bilang tugon ay nangako naman si Lt. Col. Aquino na gagawin nya ang lahat ng kanyang makakaya upang mabigyan ng tamang serbisyo ang mga taga-Sorsogon. Makakaasa umano ang mga Sorsoganon na ipagpapatuloy niya anuman ang naumpisahang programa ni Col. Toribio lalo na ang paglulunsad ng mga aktibidad pangkapayapaan at pang-kaunlaran, at yaong may kaugnayan sa civil military operation na mayroong malaking pakinabang sa mga Sorsoganon. (MAL/BAR/PIA4A-Sorsogon)


Masbate news: Manhunt sa mga imbwelto sa private armed groups, padayon hasta sa masunod na pirilian

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 27 (PIA) – Magapadayon an manhunt san pulisya sa mga guina dudahan na imbwelto sa operasyon san private armed groups hasta sa masunod na eleksyon sa Masbate.

Ini an incierto san liderato san Philippine National Police sa Masbate na pinakusog an kaburut-on dahilan san katuninongan sa probinsya sa adlaw san pirilian kag bilingan san boto resulta daw san pagbungkag sa magkapira na PAGs antes an adlaw san eleksyon.

Pruweba sani na plano an pagkaaresto sa upat na wanted sa magkaiba na operasyon san kapulisan sani na semana sa munisipyo san Cataingan, Placer kag ciudad san Masbate.

An upat na suspetsado naga pangatubang san manlain-lain na kasong kriminal na sinang-at sa korte sa Masbate.

An pinakusog na manhunt operations kontra sa mga wanted kag nagatago sa balaod an isad na estratehiya san kapulisan agod balabagan na umentra an mga ini sa private armed groups na ginagamit san magkapira na pulitiko na gusto gumana sa eleksyon pinaagi sa panhahadlok kag saramok. (RAL)


Biyaheng Cebu-Masbate, sisimulan na ng Cebu Pacific

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 27 (PIA) -- Isang linggo mula ngayon ay sisimulan na ng Cebu Pacific ang paglipad nito mula Cebu patungong Masbate.

Ayon sa mga namumuno sa Masbate, ang budget carrier ay magsisimulang bumiyahe sa lungsod ng Masbate sa darating na Sabado, Hunyo 1, at ATR 72-500 ang eroplanong gagamitin ng airline.

Mapapalakas umano ng Cebu Pacific ang turismo at kalakalan sa pagitan ng Masbate at Cebu sa pamamagitan ng bagong biyahe dahil mabibigyan ang mga lokal at dayuhang turista ng pagkakataon na magtungo sa dalawang destino.

Ayon sa pamunuan ng Cebu Pacific, apat na beses sa isang linggo na lilipad ang airline mula Cebu hanggang Masbate at ito’y sa mga araw ng Martes, Huwebes, Sabado at Linggo.

Sa advisory na magkahiwalay na ipinalabas ng kumpanya at ng Masbate City Hall, eksaktong 6:15 ng umaga aalis ang Cebu Pacific sa Cebu at 7:10 ng umaga darating sa Masbate. Ang biyaheng pabalik ay aalis nang 7:30 ng umaga at lalapag sa Cebu eksaktong 8:25 ng umaga.

Ang Masbate ay kilala sa kanyang scuba diving spots at rodeo festival.

Ang pamasahe sa rutang Cebu-Masbate ay P688. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)



Friday, May 24, 2013


Comelec Bicol nirekomenda ang pagbibigay kompensasyon sa pamilya ng namatay na pulis dahil sa halalan

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 24 (PIA) -- Inirekomenda ng Commission on Elections (Comelec) sa Bikol ang pagbibigay ng kompensasyon para sa pamilya ng namatay na pulis sa Masbate na una nang kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Hiningi ni Comelec regional election Director Romeo Fortes sa pamamagitan ng isang memorandum para kay Chairman Sixto Brillantes Jr. na bigyan ng benepisyong pinansyal ang pamilya ng yumaong si Police Officer 2 Jesus Apostol na nahulog sa dagat at inatake sa puso habang nagbibigay seguridad sa pagdadala ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine at mga kagamitan sa halalan sa Masbate halos isang linggo bago gawin ang halalan.

“Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 9640 tinukoy lang ang insurance at pinansyal na benepisyo sa mga guro na nakaranas ng aksidente o namatay habang tinutupad ang gawaing pang-halalan,” sabi ni Fortes. Ang halalan sa bawat sulok ng bansa ay hindi magtatagumpay at magiging mapayapa kung wala ang sigla ng mga tauhang unipormado," ayon kay Fortes.

“Kung hindi sa kanilang katapangan, ang seguridad ng ating Board of Election Inspectors (BEI) ay manganganib pati na rin ang mga PCOS machines,” ani Fortes. Ang kanilang partisipasyon ay dapat bigyang pansin, dadag pa niya.

“Dapat lang na bigyan sila ng kaparehas ng benepisyo na binibigay sa mga guro,” sabi ni Fortes.

Inirekomenda ni Fortes ang kaparehas na kompensasyon na binibigay sa mga BEI sa pamilya ni Apostol dahil sa nangyari ang kanyang kamatayan habang tinutupad ang gawaing pang-halalan.

Sinabi rin ni Fortes na kailangan ding bigyan ng kaparehas na benepisyo ang mga deputized agencies ng Comelec kung magkaroon man ng aksidente o kamatayan.

Si Apostol ang pinuno ng pangkat ng pinagsanib na pwersa ng Regional Public Safety Batallion at San Pascual Municipal Police Station sa Masbate. Aksidente siyang nahulog sa dagat habang nakasakay sa bankang de motor habang nagbibigay seguridad sa pagdala ng mga PCOS machines sa mga presinto sa San Jacinto. Nawalan siya ng malay at kalaunan ay namatay.

Una nang sumulat si PNP Bicol regional director Police Chief Superintendent Clarence Guinto sa Comelec sa pamamagitan ng Office of the Regional Election Officer sa Bicol sa paghingi ng kompensasyon para sa pamilya ni Apostol, ayon kay Fortes.

Si Apostol kasama si Police Officer 1 Agerico Afable ng Borongan, Samar na binaril at napatay ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin habang binabantayan ang PCOS machine sa Barangay Calingatngan ay kinilala bilang mga bayani ni DILG Secretary Mar Roxas sa ginawang flag raising ceremony sa Camp Crame sa Quezon City ngayong linggo. (MAL/JJJP-PIA5 Albay)

Thursday, May 23, 2013


'Diskwento Caravan-Balik Eskwela Edition' inilunsad ng DTI

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 23 (PIA) -- Nakaalalay ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga mag-aaral at magulang sa kanilang mga gastusin sa kagamitan sa pag-aaral sa pamamagitan ng kanilang “Diskwento Caravan-Balik Eskwela Ediiton” ngayong taon.

Halos dalawang linggo na lamang ang natititira bago ang pasukan kung kaya’t abala na naman ang mga mag-aaral at magulang sa pagbili ng mga kagamitan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.

Ayon kay DTI Sorsogon Information Officer Senen Malaya, inilunsad ng DTI ang proyektong Diskwento Caravan nang sa gayon ay matulungan ang mga mamimili na makabili ng mga kagamitan at produkto sa mas mababang halaga nang hindi nasasakripisyo ang kalidad nito.

Aniya, para sa lalawigan ng Sorsogon, ang Diskwento Caravan-Balik Eskwela Edition ay isasagawa sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd) kasabay ng pagsasagawa nito ng “Brigada Eskwela" sa Sorsogon Consumers Association at sa iba't ibang mga establisimyentong nangakong makikilahok dito tulad ng Centro Department Store, Duka Variety Store; Goodluck Commercial at Jeanee’s Supermarket.

Kabilang sa mga ibebenta sa may diskwentong halaga ay mga kagamitang tulad ng kwaderno, papel, lapis, pambura, pangtasa, bag, sapatos at uniporme, mga pambaon at iba pa.

Ang dalawang araw na aktibidad ay sinimulan nitong Miyerkules, ika-22 ng Mayo at matatapos ngayong araw ng Huwebes, Mayo 23, sa Distrito ng Bacon, lungsod ng Sorsogon.

Kahapon, Mayo 22, ang “Diskwento Caravan-Balik Eskwela” ay ginanap ng alas otso hanggang alas-onse y medya ng umaga sa Bonga Integrated High School; ala-una hanggang alas-kwatro y medya ng hapon sa Rawis National High School; at sa araw na ito naman, Mayo 23, gagawin naman ito alas-otso hanggang alas-onse y medya ng umaga sa Gatbo Integrated High School; habang ala-una hanggang alas-kwatro y medya naman ng hapon sa L. Martinez Memorial High School.

Subalit nilinaw ni Malaya na hindi nila nililimitahan ang “Diskwento Caravan” sa mga nabanggit lamang na barangay kundi bukas umano ito sa mga katabing mga barangay at sa sinumang interesadong makabili ng mga kagamitan sa murang halaga. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)



Brigada Eskwela sa Camarines Norte binisita ni USec Deriquito ng DepEd

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Mayo 23 (PIA) -- Bumisita kahapon si USec. Mario A. Deriquito ng Department of Education (DepEd) sa lalawigan ng Camarines Norte at nagpasalamat sa mga boluntaryong tumutulong sa isinasagawang Brigada Eskuwela sa mga paaralan dito.

Kabilang sa mga binisita ang Daet Elementary School at Camarines Norte National High School ng bayan ng Daet at ang D.Q. Liwag National High School sa bayan ng Labo.

Una rito, naging panauhin pandangal si USec. Deriquito sa isinagawang Talakayan kahapon na pinangunahan ng Philippine Information Agency (PIA) sa library hub ng DepEd Camarines Norte kasama sina regional director Orfelina O. Tuy, schools division superintendent Arnulfo Balane at assistant SDS Norma B. Samantela.

Aniya, ito ay 10 taon nang isinasagawa ng DepEd at sa mga nakaraang taon ay maganda ang nakukuhang tugon sa mga stakeholders, mga magulang, barangay, mga ahensiya ng pamahalaan, business sector at non-government organizations.

Ayon pa rin kay Usec Deriquito, nagsisikap ang pamunuan ng DepEd para tugunan ang mga pangangailangan ng mga paaralan kabilang na ang mga silid-aralan, aklat at lamesa, higit sa lahat ang mga guro dahil marami ang nag-aaplay at sa ngayong taon ay pupunuan ang 61,510 items sa bansa at ang lahat ng lugar sa Pilipinas ay magkakaroon nito.

Ipinahayag naman ni DepEd Bicol regional director Orfelina O. Tuy na nais din nilang makita ang implementasyon ng Brigada Eskwela dahil mayroong nadagdag dito hindi lang ang pagkukumpuni ng mga gusali sa mga silid aralan kundi mayroon ding kautusan mula kay Secretary Bro. Armin Luistro na magkaroon ng gulayan sa paaralan na dapat asikasuhin at dapat pagtulungang ihanda ng mga boluntaryo.

Dagdag pa niya na nais ding ipaalam ang tuloy-tuloy na pagtatanim ng mga punongkahoy at ang adbokasiya na huwag magputol ng mga kahoy para sa Green Environment.

Ang gulayan sa paaralan ay para sa mga bata at mga guro upang sapat ang kanilang pagkain hindi lang lahat ay puro karne dahil mainam din ang gulay, ayon pa rin kay Tuy.

Ang naturang takalayan ay dinaluhan ng mga miyembro ng media sa lalawigan ng Camarines Norte at mga guro na nagsasanay para sa paghahanda sa implementasyon ng K-12. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)


Lungsod ng Naga, nakiisa sa 2013 Brigada Eskwela

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Mayo 23 (PIA) -- Kalahok ang lungsod na ito sa mga paaralan sa buong bansa na sabay sabay na nakiisa sa pagsasakatuparan ng 2013 Brigada Eskwela na ipinapatupad sa pangunguna ng Department of Education o DepEd.

Ito ay alinsunod sa Division Memorandum No. 13 na ipinalabas ni Naga City Schools Division Superintendent Emma I. Cornejo noong May 14 na nagsasaad ng mga alituntunin tungkol sa pagpapatupad ng 2013 Brigada Eskwela.

Ayon kay Dr. Dolores Q. Mapusao, assistant city school division superintendent ng DepEd, inaasahan ang muling pagdagsa ng mga magulang, estudyante, kabilang na ang ilang mga katuwang ng kagawaran sa paghahanda ng mga silid-aralan at paglinis ng kapaligiran ng paaralan bago magsimula ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 3 ngayong taon.

Dagdag pa ni Mapusao, ang naturang aktibidad ay walang kaugnayan sa enrollment ng mga bata kaya't ipinaliwanag ng naturang opisyal na hindi batayan ang pagliban o di pagtulong sa Brigada Eskwela o ang hindi pag bo-boluntaryo ng mga magulang upang di makapasok ang mga estudyante sa pagbubukas ng klase sa pasukan.

Ipinaala naman ng naturang opisyal ng DepEd na hindi kailangan na magbigay ng pera ang mga magulang at estudyante para sa nasabing aktibidad upang makapag enroll.

Batay naman sa DepEd Memorandum No.40 S.2013 para sa Brigada Eskwela 2013, kailangang lumahok ang lahat na empleyado ng DepEd sa nasabing programa para ibahagi ang kanilang kasanayan at makapagbigay ng suporta sa mga pampublikong paaralan na malapit na sa kanilang tahanan. Kelangan ding ipaalam sa kanilang punong tanggapan ang kanilang intensyong lumahok para sa official time na pagtratrabaho sa pamamagitan ng volunteer work.

Imbitado naman noong Lunes si DepEd Undersecretary Mario M. Deriquita dito sa lungsod ng Naga upang obserbahan ang ginagawang Brigada Eskwela sa Camarines Sur National High School at iba pang paaralan dito sa lalawigan ng Camarines Sur. (LSM/DCA-PIA5/Camarines Sur)


DAR naglunsad ng tracking system sa pagkuha at pagbahagi ng lupa

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 23 (PIA) -- Sa papalapit na katapusan ng implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER), ang Department of Agrarian Reform (DAR) ay naglunsad ng sistema sa pagsusog o tracking system sa kalagayan ng land acquisition and distribution (LAD) upang estriktong manmanan sa pagpapatupad nito at magkaroon ng tamang pag-uulat.

Ginawa ni dating DAR Negros regional director Elmo Bañares ang computer program noong 2011 at ganap na ginamit ito noong 2012 sa nasabing probinsiya na nagkaroon ng magandang resulta sa pagpapatupad ng LAD.

Kilala ang probinsiya ng Negros sa mga maseselan na isyu sa repormang pansakahan at palaging may matataas na balanse sa LAD.

Sa kasalukuyan, ang kagawaran ay nagbibigay ng pagsasanay sa mga kawani nito sa buong bansa lalo na ang nasa Land Tenure Improvement (LTI) Division at field operations staff kasama ang mga municipal agrarian reform officers (MARO) at technologists sa pamamagitan ng pagpapangkat-pangkat o batches sa ilalim ng Intervenors’ Validation Strategy, ayon sa DAR Bicol.

Sa Bicol, dalawang pangkat na ang ipinadala sa tatlong araw na pagsasanay sa paggamit at pagpapatupad ng LAD Tracking System at ang pangatlong pangkat ay naghahanda na rin para sa pagsasanay.

Ayon kay Bañares, ang computer-based tracking system ay naglalayong susugin ang mga gawain sa bawat buwan upang mabigyan ng mapagkakatiwalaang datos ang mga provincial agrarian reform officers (PARO) at MAROs sa paraan ng pagkuha ng lupa o mode of land acquisition, bahagi ng Carper at mga tanim upang maplano ang napapanahong gawain sa pamamagitan ng tama at totoong ulat.

Nakadisenyo rin ang sistema na tugunan o itama ang maling datos o ulat na nasa Planning Monitoring and Evaluation Unit, field personnel at database administrator ng kagawaran, ayon kay Bañares.

Ang tracking system ay magiging gabay din ng mga field personnel sa kanilang mga responsibilidad sa LAD at maitaas ang antas ng kanilang kakayahan sa pagpapaunlad ng itinalaang gawain sa ilalim ng kasalukuyang sitwasyon ng papalapit na katapusan ng implementasyon ng Carper na marami pa rin ang balanse sa LAD, ayon sa DAR Bicol.

Ayon kay DAR Bicol Regional Office Chief Agrarian Reform Program Officer for Operations Nida Santiago, ang LAD Tracking System ay magiging mahalaga sa DAR Bicol dahil sa dami ng balanse sa LAD nito. Ang mga probinsiya ng Albay, Camarines Sur, Masbate at Sorsogon, ay kabilang sa nagungunang 20 probinsiya sa bansa na may mataas na balanse sa LAD, ayon kay Santiago. (MAL/JJJ/DAR5-PIA5 Albay)

Wednesday, May 22, 2013


'National Month of the Ocean' itinataguyod ang paglinang sa mga yamang-dagat

By Sally A. Atento

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 22 (PIA) -- Nagsagawa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng exhibit para sa pagdiriwang ng Ocean Month ngayong buwan ng Mayo upang itaguyod ang adbokasiya sa paglinang at pamamahala sa mga yamang-dagat.

Ayon kay DENR regional Executive Director Gilbert Gonzales sinimulan ang nasabing eksibit nitong Mayo 14 sa pangrehiyon na tanggapan ng DENR sa Rawis, lungsod ng Legazpi sa pangunguna ng Protected Areas Wildlife and Coastal Zone Management Service (PAWCZMS).

Tema ng nasabing pagdiriwang ang “Ang bahura ang kagubatan sa karagatan, ating pangalagaan.”

Ang National Month of the Ocean ay ipinagdiriwang taon-taon kada buwan ng Mayo sa pakikipagtulungan ng DENR at Department of Agriculture sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ahensya ng pamahalaan, state colleges and universities (SUCs) at mga korporasyon na pagmamay-ari ng pamahalaan na may mahalagang gawain sa paglinang at pamamahala sa mga yamang-dagat.

Ayon kay Gonzales kabilang sa mga kaganapan sa pagdiriwang ng Ocean Month ang isang forum ukol sa karagatan at mga natural na yaman nito lalo na ang mga coral reefs.

Tampok din dito ang palabas tungkol sa mga inisyatiba sa pangangalaga at pagbigay halaga sa ating karagatan.

Paliwanag pa ni Gonzales ang pagtampok sa mga bahura o coral reefs ay paraan upang bigyang-diin ang kahalagan nito na siyang natural na pansangga ng mga baybayin gayundin ang pagbibigay buhay nito sa milyon-milyong Pilipino lalo na sa pangingisda at turismo.

Kasabay nito, layunin din ng pagdiriwang ng Ocean month sa ating bansa na maipaalala sa bawat Pilipino ang kanilang tungkulin na pangalagaan at gamitin ng nararapat ang ating mga yamang-dagat. (MAL/SAA-PIA5 Albay)


DAR, PCA naglagda ng MOA sa pagpapadami ng niyog sa Bicol

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 22 (PIA) -- Nagkasundo ang Department of Agrarian Reform (DAR) at ang Philippine Coconut Authority (PCA) kamakailan sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na pabilisin ang pagtatanim ng niyog sa buong rehiyon Bikol.

Ito ay upang palakasin ang industriya ng niyog na lubhang naapektuhan ng dalawang malalakas na bagyo noong 2006, ilegal na pagputol at mga peste ng mga nakaraang taon.

Nilagdaan ni DAR Bicol regional Director Maria Cristina Manlagñit Tam at PCA Bicol administrator Euclides Forbers ang MOA sa ilalim ng Coconut Seedling Dispersal Project (CSDP) ng PCA sa pagbibigay sa mga kuwalipikadong magsasaka ng mga punla ng niyog upang itanim sa kanilang mga niyugan.

Ayon kay Tam mabebenepisyuhan sa proyekto ang 700 ektarya sa agrarian reform communities (ARC) sa rehiyon kasama ang pagtatayo ng pitong nurseries sa mga estratehikong lugar sa Bicol.

Sa ilalim ng proyekto, magbibigay ang PCA ng mga itatanim gaya ng coconut seednuts, seedlings, tulong teknikal sa pagtayo ng nursery at pamamahala nito, extension services at regular na pagmanman ng pag-unlad ng proyekto.

Sa kabilang dako, ang DAR ang pipili ng angkop na lugar na puwedeng ipatupad ang proyekto sa mga probinsiya ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Masbate at Sorsogon.

Dagdag pa ni Tam na ang DAR Bicol din ang pipili ng mga munisipyo at barangay na mayroong Peoples Organizations (PO) na may kakayahan at makakatulong sa pagsasanay at pagpapa-unlad ng kakayahan ng mga benepisyaryong organisasyon.

Ang mga benepisyaryong organisasyon ang magtatrabaho sa pagtatayo at pagpapatakbo ng nursery, gagawa ng panuntunan sa pagpili ng mga magsasakang benepisyaryo at sa roll-over scheme, kung saan ibabalik ng DAR Bicol ang kaparehong halaga na natanggap na 100 magandang uri ng seednuts sa bawat ektarya pakatapos ng pitong taon na naitanim ito upang ipamamahaging muli sa mga susunod ng mga benepisyaryo, ayon sa DAR Bicol.

Sa kasalukuyan, ang DAR provincial offices ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Catanduanes, sa pakikipagtulungan sa PCA at mga benepisyaryong organisasyon ay nagtatag na ng mga coconut nurseries sa mga ARCs.

Sa Camarines Norte, ibinigay ang 20,000 coconut seednuts ng Laguna Tall variety na nagkakahalaga ng P300,000 sa CABILANG ARC ng mga bayan ng Daet at Talisay.

Sa Albay, ang karamihan ng plantasyon ng niyog ay nasa Albay Tres ARC Connectivity Cluster. Nakatanggap din ang Balogo ARC sa munisipyo ng Oas sa pamamagitan ng PANALA Farmers Association ng 20,000 seednuts sa DAR-PCA partnership at 15,000 seednuts galing sa lokal na pamahalaan ng Oas, Albay, ayon sa DAR Bicol.

Dagdag pa rito, binigyan ng 40,000 coconut seednuts ang Pambuhan, Garchitorena, Camarines Sur habang ang Sorsogon ay nasa proseso pa sa pagsasagawa ng pagbibigay impormasyon at orientation seminar upang makakuha ng suporta sa lugar.

Samantala sa Catanduanes, nakapili na ang mga ARCs ng mga lugar na puwedeng taniman sa ilalim ng proyekto, ayon sa DAR Bicol. (MAL/JJJP/DAR5-PIA5 Albay)

Tuesday, May 21, 2013


Kampanya laban sa pagnanakaw ng kuryente isinasagawa sa Camarines Norte

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Mayo 21 (PIA) -- Isinasagawa ngayon (Mayo 21) ang kampanya kaugnay ng Republic Act 7832 o batas laban sa pagnanakaw ng kuryente at mga bahaging tore nito ng National Grid Corporation (NGCP) sa pamamagitan ng radio hopping o pagtalakay sa mga istasyon ng radyo at telebisyon sa lalawigan.

Ang pagtalakay ay isinasagawa ni Nelson Bautista, Regional Corporate Communications Officer ng NGCP kung saan sinabi niya na layon nito na maisahimpapawid ang ilang public safety tips upang makaiwas sa anumang kapahamakan na maaring idulot ng matataas na boltahe ng kuryente.

Aniya sa pamamagitan din ng pagtalakay ay mabibigyang linaw kung saan maaring tumawag kung nagkakaroon ng power interruptions sa lalawigan.

Ganon din napakahalaga ng pagbibigay ng impormasyon upang bigyang linaw ang anumang katanungan ng mga mamamayan sa larangan ng elektrisidad.

Dagdag pa ni Bautista ito ay ginagawa hindi lamang sa lalawigan kundi maging sa ibat-ibang panig ng bansa. (MAL/RBM/PIA5-Camarines Norte)


Kasapi ng SWAT na nakaligtas sa ambush pinarangalan

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 21 (PIA) -- Pinarangalan kanina ang tatlong kasapi ng grupo ng Special Weapons And Tactics (SWAT) ng police headquarters dito na nakaligtas sa naganap na ambush noong ika-10 ng Mayo sa distrito ng Bacon, lungsod ng Sorsogon.

Matatandaang pinasabugan ng improvised landmine ang grupo ng SWAT Team alas-kwatro kwarenta y singko ng hapon sa Barangay Bato, Bacon District, lungsod ng Sorsogon habang nagsasagawa ang mga ito ng checkpoint at roving security sa lugar dalawang araw bago ang halalan.

Pinaniniwalaang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng nasabing ambush.

Mismong si Philippine National Police (PNP) Bicol regional director Police Chief Superintendent Clarence V. Guinto ang naggawad ng parangal sa isang simpleng seremonya kaninang alas-otso ng umaga sa loob ng Camp Salvador Escudero Sr., lungsod ng Sorsogon.

Ang mga magigiting na pulis na pinarangalan at nakarating sa awarding ceremony ay sina PO3 Joey M. Vallespin, PO2 Jeric A. Elquiero at PO2 Rodel DL Dioquino habang nasa bakasyon pa at nagpapagaling pa rin sina PCInsp Juancho B. ibis at PO2 Ruel G. Guel.

Maliban sa medalya, nakatanggap din ng tig-lilimang libong piso ang limang SWAT members dahil sa katapangang ipinakita ng mga ito.

Sa naging mensahe ni RD Guinto, pinuri nito ang ipinakitang katapangan at katatagan ng loob ng mga kasapi ng SWAT dahil walang buhay na nabuwis lalo na sa panig ng pamahalaan.

Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga kapulisan sa ipinakitang pagtutulungan ng mga ito upang makamit ang mapayapang halalan hindi lamang sa lalawigan ng Sorsogon kundi sa buong rehiyon partikular sa lalawigan ng Masbate.

Isa umano itong indikasyon na sa pagsasanib pwersa ng mga otoridad at mamayan, hindi imposibleng makamit ang kapayapaan at kaayusan ng bawat komunidad. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)


Pulis na nasawi sa eleksyon, itinanghal na bayani


By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 21 (PIA) -- Itinanghal kahapon ni Interior Secretary Mar Roxas bilang “bayani” ang pulis na namatay habang naglilingkod sa katatapos na halalan sa probinsya ng Masbate.

Ayon sa hepe ng National Police Commission sa Masbate na si Myrna Guban, kinilala ni Roxas ang kabayanihan ni PO2 Jesus Apostol nang ang kalihim ng DILG ay magsalita sa lingguhang flag raising ceremony sa Camp Crame sa Quezon City.

Si Apostol ay inatake sa puso nang ito’y mahulog mula sa bangka at maduro ng makamandag na dikya habang naghahatid ng precinct count optical scan o PCOS machine sa bayan ng San Pascual sa Burias Island.

Si Apostol ay isa sa dalawang pulis na nasawi habang tumutupad ng kanilang tungkulin sa eleksyon. Ang isa pa ay si PO1 Agerico Afable ng bayan ng Borongan sa probinsya ng Samar na binaril ng hindi nakilalang mga armado habang ito’y nagbabantay sa PCOS machine sa isang presinto sa Barangay Calingatngan.

Ibinahagi ni Guban sa local na media na tinawag ni Roxas ang dalawang pulis na “simbolo ng pagsasakripisyo ng Philippine National Police at isang inspirasyon” sa buong tropa.

Ayon umano kay Roxas, tinupad ng dalawang namayapang pulis ang kanilang tungkulin at binayaran nila ito ng pagsasakripisyo kaya ang dalawa aniya ay bayani ng ating bansa.

Binati ng Kalihim ang buong kapulisan sa aniya’y ipinamalas nilang kakayahan sa pagpanatili sa katahimikan, kaayusan at katotohanan sa May 13 mid-term elections.

Ang katatapos na halalan ay itinuturing na masmapayapa kumpara sa eleksyon nung 2010 at 2007. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)



Bicol news: Pulis na nadiskwedo san May 13 elections, kinilala na bayani

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 21 (PIA) -- Kinilala kahapon ni Interior Secretary Mar Roxas bilang “bayani” an pulis na namatay mientas naga serbi sa katatapos na pirilian sa probinsya san Masbate.

Segun sa hepe san National Police Commission sa Masbate na si Myrna Guban, kinilala ni Roxas an kabayanihan ni PO2 Jesus Apostol san magdiskurso an sekretaryo sa semanal na flag raising ceremony sa Camp Crame sa Quezon City.

Si Apostol inatake sa puso san ini mahulog hali sa lantsa kag makulaputan san malara na salabay mientras nagaduhol san precinct count optical scan o PCOS sa munisipyo san San Pascual sa Burias Island.

Ang netibo san munisipyo san Palanas, Masbate isad sa duha na pulis na namatay mientras nagatuman sa inda election duties. An isad pa amo si PO1 Agerico Afable san munisipyo san Borongan sa probinsya san Samar sa binakbakan san wara makilala na mga armado mientras ini naga bantay sa PCOS machine sa isad na presinto sa Barangay Calingatngan.

Inpaabot ni Guban sa local media na tinawag ni Roxas an duha na pulis na “simbolo san pagsakripisyo san Philippine National Police kag isad na inspirasyon” sa entiro tropa.

Segun sa sekretaryo, guin tuman san nagtaliwan na mga pulis an inda obligsayon kag binaydan ini san pagsakripisyo kaya an duha segun kan Roxas bayani sa aton nasyon.

Guin paabot man san sekretaryo an iya paghatag onor sa bilog na kapulisan dahilan san inda guin pakita na kakayahan sa pagmantiner sa katuninongan, trangkilidad kag kamatuduan sa May 13 mid-term elections.

An katatapos na pirilian kinonsiderar na matuninong kumpara sa eleksyon san 2007 kag 2010. (MAL/RAL-PIA5/Masbate)



Brigada Eskwela sinimulan sa Sorsogon; BFP nagsasagawa rin ng inspeksyon

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 21 (PIA) -- Matapos ang ilang linggong bakasyon sa buong bansa, dinagsa simula kahapon ng mga mag-aaral, mga magulang at mga guro ang mga paaralan para sa opisyal na pagsisimula ng Brigada Eskwela 2013.

Ang Brigada Eskwela ay isang linggong preparasyon para maglinis ng mga silid aralan katuwang ang mga magulang ng mga estudyante para sa maayos, malinis at kaaya-ayang kapaligiran ng mga mag-aaral.

Maging ang mga pulisya ay aktibo nang ipinakalat ng kani-kanilang mga hepe para sa police visibility at pagmamantini ng trapiko sa inaasahang paglobo ng mga sasakyan at mga taong dadagsa sa mga paaralan.

Ayon kay Sorsogon City Bureau of Fire Protection (BFP) SInsp Walter Marcial, nakatakda rin silang magsagawa ng malawakang inspeksyon sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan at establisimyento sa lungsod ng Sorsogon.

Inatasan din nya umano ang kanyang mga fire inspector na makipag-ugnayan sa barangay at Department of Education para sa nasabing aktibidad.

Dagdag pa ng opisyal na ang “Oplan Balik Eskwela” ay taunang programa ng gobyerno na suportado ng BFP upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbubukas ng klase at masigurong mapapalawak ang kampanya at implementasyon ng Republic Act 9514 o Fire Code of the Philippines. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)


Bise gubernador, representante at mga bokal ng unang distrito naiproklama noong Biyernes

By Rosalita B. Manlangit

DAET, CAMARINES NORTE, Mayo 21 (PIA) -- Naiproklama na noong Biyernes, Mayo 17, ng gabi ang ikalawang grupo ng mga nanalo sa lalawigan para sa bise gubernador, representante at mga bokal ng unang distrito matapos maabala dahil sa pagkasira ng 4 na compact flash cards ng dalawang bayan ng Daet at Capalonga.

Muling naihalal ang kasalukuyang Bise Gubernador Jonah Pedro G. Pimentel ng Liberal Party (LP) laban sa katungaling si Casimiro Padilla Jr. ng National Unity Party (NUP).

Naiproklama rin ang bagong nahalal na si Catherine Barcelona-Reyes, NUP bilang bokal ng unang distrito ng lalawigan bagamat may protestang inihain kaugnay ng vote buying ang kanyang naging katunggaling dating Mayor ng Labo na si Winifredo Oco, LP.

Ganon din naiproklama ang mga bokal ng nasabing distrito na sina Pamela Pardo,LP; Teresita Malubay,NUP; Reynoir Quibral, NUP; Erwin Lausin, NUP at Arthur Michael Canlas, NUP.

Una rito naiproklama noong Miyerkules, Mayo 15, ng gabi ang muling nahalal na gubernador na si Governor Edgardo Tallado, LP laban sa katungali na si Congressman Renato Unico Jr., NUP.

Naiproklama rin noong Miyerkules ang muling naihalal na representante ng pangalawang distrito si Cong. Elmer Panotes ng LAKAS-CMD laban kay dating Congresswoman Liwayway Vinzons-Chato at Board Member Ruth Herrera.

Ang mga bokal naman ay sina Rodolfo Gache,LP; Senen Jerez,NUP; Romeo Marmol, LP; Gerardo Quinoñez,NUP at Renee Herrera, NUP.

Nauna na ring naiproklama sa bayan ng Daet ang capital town ng Camarines Norte na panalo sa landslide na boto si Mayor Tito Sarion, LP sa kanyang huling termino samantalang sa bayan ng Labo ang bagong halal na punong bayan ay si Joseph Ascutia ng LP.

Kabilang pa rin sa mga muling naihalal na punong bayan ay sina Mayor Agnes Ang, LAKAS-CMD ng Vinzons; Mayor Dominador Davocol, LP ng Basud; Alexander Lo Pajarillo, LP ng Mercedes; Mayor Senandro Jalgalado,NUP ng Capalonga; Ricardo Padilla, PMP ng Jose Panganiban; Romeo Moreno, NUP ng Paracale at Ronnie Magana, LAKAS-CMD ng Talisay.

Samantalang ang mga nagbalik na mga Mayor ay sina Edgar Ramorez, LAKAS-CMD ng San Lorenzo Ruiz; Francis Ong, LP ng San Vicente at Bernardina Borja, LP ng Sta. Elena. (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte)

Monday, May 20, 2013



TESDA Bicol, may 427 slots para sa scholarship sa Albay

By Princes S. Dupitas

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 20 (PIA) -- Ang Technical Education and Skills Development Authority o Tesda Bicol ay magbibigay ng 427 scholarship slots para sa mga bagong batch ng mga iskolar dito sa probinsiya ng Albay.

Ayon kay Aileen Lozada, technical education and skills development specialist sa rehiyon ang nasambit na scholarship slots ay bahagi parin ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng kanilang ahensiya.

Dagdag pa ng opisyal na ang programang ito ay di lamang naglalayong mabigyan ng oportunidad ang mga kapos na kabataan na mapataas ang kamalayan na makakatulong sa pag-abot ng kanilang mga pangarap bagkos nilalayon rin nito na ipromote ang technical-vocational courses.

Dagdag pa ni Lozada na sa ilalim ng programang ito ng Tesda mabibigyan ng oportunidad ang mga mahihirap na high school graduates na makakuha ng mga kurso tulad ng commercial cooking, housekeeping, dress-making, food and beverage, welding, machining and refrigeration at air-conditioning.

Ayon din sa opisyal, mayroong 102 slots na ibibigay sa dalawang training centers sa Albay—60 slots dito ay ibibigay sa Guinobatan at 42 naman sa Malilipot. Samantalang ang natitirang 325 slots naman ay ibibigay para sa Trainers Methodology Training Program.

Sa pahayag din ni Lozada ang naturang programa ay epektibo na ngayong ikalawang semester sa Guinobatan samantalang sa ikatlong semester naman ang sa Malilipot. (MAL/PSD-OJT-BU-PIA5)



P1.4M halaga ng planta ng asukal sa Albay, itinayo

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 20 (PIA) -- Inaasahang malaking tulong sa pamumuhay ng mga Albayanong magsasaka lalo na ang mga kasapi ng Maysua Farmers Association (MFA) sa bayan ng Polangui matapos maisakatuparan ang P1.4 milyon halaga ng Muscovado Sugar Processing Facility

Ang proyekto ay ipinatutupad sa ilalim ng Agrarian Reform Community Connectivity & Economic Support Services (ARCCESS) ng Department of Agrarian Reform (DAR) na suportado ng Spanish Agency for International Development Cooperation (AECID).

Ayon sa DAR Bicol, layunin ng proyekto na magkaroon ng trabaho at itaas ang kita ng mga magsasaka sa pagbibigay at paggamit ng makabagong teknolohiya sa paggawa ng asukal na muscovado.

Ang muscovado na asukal ay isinusulong dahil mainam ito sa kalusugan. Kumpara sa ordinaryong asukal, napapanatili nito ang natural na sustansiya ng tubo sa dahilang hindi na ito sumasailalim sa karagdagang pag-init, pagsala at proseso ng pagtanggal ng kulay na nagiging sanhi ng pagkawala ng sustansiya, ayon sa DAR Bicol.

Ang nasabing planta sa pagproseso ng asukal ay naitayo sa pagtutulungan ng Paz y Desarollo (PyD), Local Government Unit (LGU) ng Polangui, Third District Congressman Fernando Gonzalez, Aquinas University Foundation Inc. (AQFI) at MFA, ayon sa DAR Bicol.

Ang proyekto ay pinamamahalaan ng MFA sa ilalim ng pagmamanman at paggabay ng AQFI at Project Management Board (PMB) ng Polangui, Albay. Isinusulong ng proyekto ang participatory community development upang mabawasan ang kahirapan sa buong bansa, ayon sa DAR Bicol.

Ayon kay DAR Albay Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Estreluna G. Ante, nakahanda nang ibigay sa MFA ang 4-wheeled drive tractor bilang suporta sa produksyon ng tubo.

“May mga gagawing pagsasanay para sa MFA bilang bahagi ng pagtutulungan para sa produksiyon ng tubo sa Albay,” sabi ni Ante. Sinabi pa niya na ang mungkahing pagsasaayos ng mga daan sa Purok 3 hanggang 7 ng Barangay Maysua ay nasuri na ng probinsiya.

Ayon sa DAR Bicol, umaasa ang LGU Polangui na maibigay ngayong taon ang trak na hinihingi ng MFA sa ilalim ng ARCCESS upang madala ang mga materyales o raw material sa planta. Nauna nito, nangako ang LGU na magbibigay ng karagdagang P100,000 para ipatayo ang karadagang gusali at tangke ng tubig para sa nasabing planta.

Bilang karagdagan, nangako si Congressman Gonzales na magbibigay ng P300,000 para makabili ng mga multicab para sa MFA para sa delivery ng muscovado, ayon sa DAR Bicol.

Ang planta ay kasama rin sa proyektong pagpapalakas ng sektor ng produksiyon sa kanayunan at pagpapa-unlad ng kalusugang sekswal at pagbubuntis sa mga rehiyon ng Bikol at Caraga, ayon sa DAR Bicol. (MAL/JJJP/DAR5/PIA5/Albay)


Bicol express railway system tampok sa summit sa susunod na buwan

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 20 (PIA) -- Anim na oras na lamang ang paglalakbay galing lungsod ng Legaspi papuntang Maynila kung magkakaroon ng riles ng tren hanggang Matnog sa Sorsogon kung saan mayroong roll-on, roll-off (RORO) sea port.

Ang mga ito at iba pang mga mungkahi ang ipipresenta ng Regional Development Council (RDC) ng rehiyon Bikol sa gaganaping Railway Development Summit sa Hunyo 21 sa Metro Manila.

Ayon sa RDC secretariat, tinukoy sa Philippine Development Plan at Bicol Regional Development Plan ang pagpapasigla, pagsasaayos at pagmomoderno ng railway system bilang prayoridad na programa sa pagpapaunlad ng imprastruktura.

Ang mga istasyon ng tren ay gagawing sona ng komersiyalismo upang mapabilis ang pag-unlad ng ekonomiya sa paligid nito. Ang mga pasilidad sa mga tren at istasyon ay ilalagay gaya ng koneksiyon sa internet, security cameras, malinis na palikuran, serbisyong medikal, amusement centers, online booking, intermodal tickets at modernong pampasaherong bagon na angkop sa mga matatanda, kababaihan at may kapansanan, ayon sa RDC secretariat.

May mungkahi rin na buhayin ang spur lines sa Legaspi at Tabaco ports, paglalagay ng spur lines sa Daet, Caramoan at sa iba pang pangunang mga bayan sa Bikol para sa serbisyong pampasahero at multi-purpose freight.

Ayon kay National and Economic Development Authority (NEDA) Bicol Assistant Regional Director Luis Banua, ang mga rehiyon sa Luzon, kasama ang Metro Manila Development Authority (MMDA), ay nagpahayag ng interes sa pinapangunahang pagpapaigi ng mga railway ng RDC para sa pag-uugnay ng north at south railways at Metro Manila railway system.

Iminungkahi ng RDC ang railway development summit noong Disyembre 7 ng nakaraang taon sa pamamagitan ng isang resolusyon sa pagsulong ng pagpapasigla, pagpapalawak at pagpapaunlad ng railway system sa Bikol. Ang summit ay inaasahang makuha ang suporta ni Pangulong Benigno Aquino III na iimbitahang keynote speaker, ayon sa RDC secretariat.

Nagkaroon ng mga pagsangguni sa mga probinsiya na ginawa sa Camarines Sur noong Enero 30, sa Sorsogon noong Pebrero 27 at sa Camarines Norte noong March 20. Ang regional consultation ay ginawa sa lungsod ng legaspi noong Abril 25 na nilahukan ng mga kasapi ng RDC, mga kinatawan ng local government units (LGU), akademya, media, chambers of commerce and industry at non-government organizations. Isinagawa din ang technical consultations noong Disyembre hanggang Abril upang pag-usapan ang bilis, serbisyo, kakayahan, kapital at halaga ng maintenance, ayon sa RDC secretariat.

Binigyang diin ng sektor ng negosyo na ang serbisyong cargo at passenger train ay magpapalago ng kalakalan at industriya sa Bikol. Pinag-usapan din ang mga mungkahi sa pagtugon sa mga isyu at usapin sa squatting sa tabi ng riles, ilegal na railroad crossings, papel ng Philippine National Railways (PNR), pagsasapribado at paglalagay ng world class railways system na konektado sa iba pang uri ng transportasyon, ayon sa RDC secretariat.

“Ang mga mungkahing ito ay isusumite sa Department of Transportation and Communication (DOTC) para pag-usapan at pagpasyahan sa loob ng summit,” sabi ni Development Administration Committee (DAC) Chairman Rev. Fr. Ramoncito Segubiense.

Kilala sa tawag na “Bicol Express” noong mga nakaraang dekada dahil sa papel nito bilang pinakatanyag na uri ng transportasyon sa Bikol, ang industriya ng tren ay nagkaroon ng pagbagal at nalihis ang direksyon sa mga kasalukuyang panahon na nagresulta upang maungusan ito ng iba pang mas maasahan at episyenteng uri ng transportasyon sa rehiyon.

Inaasahan na magsisilbing gasolina ang summit upang muling palakasin ang makina ng Bicol Express balik sa sa dati nitong landas upang maibalik ang dati nitong katanyagan bilang paboritong transportasyon sa rehiyon. (MAL/JJJP-PIA5 Albay)

Friday, May 17, 2013


Resulta ng halalan sa Camarines Norte inaasahang matatapos ngayong araw

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Mayo 17 (PIA) -- Inaasahang matatapos ngayong araw ang resulta ng halalan dito sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ito ay upang maiproklama na ang mga natitira pang mga nanalong kandidato sa bise-gobernador at representante sa unang distrito ganundin ang mga provincial board member.

Sa mga nakaraang araw ay tatlong CF cards ng precinct-count optical scan (PCOS) machine sa tatlong presinto sa bayan ng Capalonga ang naging dahilan upang hindi makapagsumite o maka-pagtransmit ng resulta sa Provincial Board of Canvassers.

Ganundin ang isang presinto sa bayan ng Daet na CF card din ang naging problema at hindi ito maisumite sa MBOC sa PBOC.

Sisikapin ngayong araw na ito na matapos ang pagsusumite na kung saan isang presinto na lang ang natitira sa bayan ng Capalonga at nagsimula ng magre-scan kaninang 6:30 ng umaga at inaasahang maitatransmit ang resulta bago sumapit ang 12:00 ng tanghali.

Nagsimula na rin magre-scan kaninang alas-nuebe ng umaga ang isa pang natitirang presinto sa bayan ng Daet at inaasahan din ngayong ala-una ng hapon ay maitatransmit na ito sa Provincial Board of Canvassers.

Ayon sa pahayag ni acting provincial election supervisor III Atty. Romeo G. Serrano ng Comission on Elections (Comelec) sa Camarines Norte, nagsasagawa ngayon ng scan ang dalawa pang natitirang presinto na hindi magkaroon ng problema ang PCOS machine upang ngayong hapon ay makapagtransmit na ito sa PBOC mula sa MBOC ng Daet at Capalonga.

Samantala, nauna nang naiproklama noong Miyerkules, Mayo 15, sa Sangguniang Panlalawigan ng kapitolyo probinsiya sina Incumbent Governor Edgardo Tallado at reelectionist Congressman Elmer Panotes ng ikalawang distrito ganundin ang limang provincial board member batay sa Comelec Resolution No. 9700. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)



Phivolcs daragdagan ang instrumento sa Mayon

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 17 (PIA) -- Sa nangyaring hindi inaasahang pagbuga ng abo ng Bulkang Mayon noong Mayo 7, magdaragdag ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng mga kagamitan sa pagmamanman o monitoring instruments upang mas lalong mapag-ibayo ang pag-obserba sa galaw ng bulkan.

“Mayroon na kaming maraming instrumento sa paligid ng Bulkan Mayon, subalit kailangan pa ring paunlarin ang visualization ng geophysical at geodetical trending nito,” sabi ni Phivolcs Resident Volcanologist Eduardo Laguerta.

Ang mga instrumento ay patuloy na nagtatala ng graphical output na nagsasaad na ang lahat ng parameters ay nagpapakita na walang anumang panganib, ayon kay Laguerta. “Walang gaanong kaganapan sa loob ng bulkan simula pa noong 2012,” sabi ni Laguerta.

Ayon sa geophysical activities ng Mayon, ang galaw ng magma ay normal, ayon kay Laguerta. “Ang lumalabas na gas sa Mayon ay patuloy na nasa normal na dami kung saan ang lumalabas na sulphur dioxide dito ay normal din,” sabi ni Laguerta. “Ang nangyari noong Mayo 7 ay normal,” sabi ni Laguerta.

Ang Mayon, isa sa mga pinaka-aktibong bulkan sa buong mundo ay nagkaroon ng phreatic explosion noong Mayo 7 na nagdulot ng pagkamatay ng limang mountaineers at pagkakasugat ng walong iba pa. Ang phreatic explosion ay nangyayari kapag ang mga maiinit na bato sa loob ng bulkan ay nasasalubong ang tubig o water system na nagiging sanhi ng usok pataas sa bunganga ng bulkan upang magkaroon ng ash cloud.

Bilang reaksiyon sa posibilidad ng pagkakaroon ng malaking pagsabog sa susunod na taon base sa nangyari noong 2008 na nagkaroon muna ng maliliit na pagsabog bago ang isang malaking pagsabog noong 2009, ang sabi ni Laguerta ay, “Maaring hindi, maaaring oo.”

“Mahirap manmanan ang maliliit na pagsabog, ang mga alert levels ay ginagamit para sa malaking pagsabog,” sabi ni Laguerta. Kailangang istriktong ipatupad ang permanent danger zone sa bawat oras, ayon kay Laguerta. Nasa alert level zero ang Mayon Volcano nang magbuga ito ng abo noong nakaraang linggo.

“Ang six-kilometer permanent danger zone ay ayon sa pag-aaral geolohikal ng Phivolcs, morpolohiya ng Mayon at ang kasaysayan ng mga nakaraang pagsabog nito,” sabi ni Laguerta. “sa taas nitong 2.5 kilometro at 40 degrees slope, ang steepness nito ay takaw aksidente sa pagkahulog at ang mga lindol ay magsasanhi ng paggulong ng mga bato galing sa taas nito,” sabi ni Laguerta.

Ang aviation protocol ay dapat ring ipatupad ng mahigpit ayon kay Laguerta. “Hindi dapat dumaan ang mga sasakyang panghimpapawid sa ash cloud dahil posible itong maging sanhi ng pagbagsak ng eroplano,” Laguerta said.

Ang pagdaragdag ng mga instrumento ay hindi lamang kinakailangan para sa kasalukuyang paggamit kundi para din sa mga gagawing pagsaliksik sa hinaharap. “Ang lahat ng mga datos ay maaaring gamitin sa hinaharap at para din sa mga sayantipiko sa hinaharap para sa kanilang pag-aaral,” sabi ni Laguerta. (JJJP-PIA5 Albay)

Thursday, May 16, 2013


Huwag gumamit ng mga depektibong tangke ng LPG

By Marlon A. Loterte

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 16 (PIA) -- Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) Bicol sa pagbili ng mga Liquefied Petroleum Gas (LPG) tanks na mga depektibo na.

Sinabi ni Jocelyn Blanco, ang DTI regional director, na kailangang tandaan ng publiko ang mga marka na makikita sa mga tangke.

Upang makasiguro na ligtas gamitin ang mga tangke dapat ay bumili lamang ang publiko sa mga authorized dealers, ayon kay Blanco. Dapat din aniya kakitaan ang mga tangke ng selyo ng Province Standard o PS mark.

Maliban sa nabanggit, kailanagan rin na permanenteng nakasulat sa tangke ang manufacturer nito dahil maaring magbigay ng destroso tulad ng sunog ang paggamit ng mga tangkeng may depekto na.

Dahil dito nagpahayag ang DTI Bicol na kung mayroon mang reklamo ang publiko na may kinalaman sa nasambit na problema, maaaring dumulog ang mga ito sa kanilang opisina upang maipaabot ang reklamo at para narin mabigyan ng aksyon ng kanilang opisina. (MAL/MZEser-OJT-BU/PIA5)


DOT-5 nagsagawa ng tour guiding seminar

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 16 (PIA) -- Ang Department of Tourism (DOT) sa rehiyong ito ay nagsagawa ng seminar sa "Training on Basic Tourist Reception and Tour Guide Techniques" noong ika-2 ng Mayo hanggang ika-4 sa nasabing opisina.

Ito ay libreng tatlong araw na training na dinaluhan ng 47 na mga accredited participants mula sa iba't ibang tour agencies at tour operators sa Bikol.

Ang naturang training ay isinagawa sa pangunguna ni Maria Ong-Ravanilla, DOT regional director katuwang sina Amelia Deterra, training department supervising officer at Bobby Gigantore, ang facilitator ng naturang aktibidad.

Sinabi ni Gigantone na isang accredited trainer mula pa DOT Central Office na si Julius Cesar Q. Judalena ang nagsanay sa mga inanyayahang kasapi ng industriya ng turismo sa Bikol.

Ayon dito, tinuruan din sila ng mga katangiang dapat taglayin ng isang tour guide at mga estratehiya sa tour guiding kasama na ang pagbibigay sa kanila ng kaalaman sa iba't ibang tourist destinations at iba pang mga natatanging lugar sa rehiyon, ang kasaysayan at maging ang kultura ng mga ito.

Bago ang pagtatapos, nagkaroon muna ng isang aktuwal na tour guiding o ang tinatawag na mock tour noong Sabado, ika-4 ng Mayo, kung saan nilibot ng mga dumalo ang ilang piling lugar sa probinsya ng Albay bilang aplikasyon ng kanilang mga natutunan sa naturang pagsasanay.

Binigyang diin ni Gigantone na sila ay determinadong itaas ang kasanayan ng mga frontliners sa industriya ng turismo sa Bikol sa panginternasyonal na lebel upang mapalago pa ang industriya ng turismo sa rehiyon. (MAL/MZEser-OJT-BU/PIA5)


Mga kaalyado ng gubernador sa Masbate, nangibabaw sa karera sa pagka-alkalde

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 16 (PIA) -- Naiproklama na ang lahat ng mga nanalo sa karera sa pagka-alkalde sa katatapos na halalan sa probinsya ng Masbate at ang karamihan sa kanila ay kaalyado ng nanalong gubernador.

Sa kabuuang 20 bayan ng probinsya, 13 sa kanila ay pamumunuan ng mga alkaldeng kapanalig ni Governor Dayan Seachon-Lanete.

Pito lamang ang kaalyado ng natatalong kalaban ni Lanete na si Rep. Tony Kho ang nagtagumpay sa kanilang reelection bid matapos matalo ang apat sa incumbent mayors na kapanig ng kongresista.

Si Kho ay gubernador ng Masbate mula 1998 hanggang 2007 at tumakbo sa katatapos na eleksyon laban kay Lanete para bawiin ang kapangyarihan sa kapitolyo na nasungkit ni Lanete nang talunin nito ang asawa ni Kho noong 2010.

Sa pananaw ng mga pulitiko sa Masbate, mas lalong lalakas ang hawak ni Lanete sa kapangyarihan sa pulitika sa probinsya dahil bukod sa mayorya ng alkalde ay kaanib niya, mahigit sa kalahati ng susunod na mga uupo sa sangguniang panlalawigan at ang bise gobernador na mamumuno nito ay kaalyado din ng gobernador.

Patuloy pa ang bilangan na isinasagawa ng Provincial Board of Canvassers subalit batay sa Comelec Transparency Server, mahigit 21,000 boto ang ang kabuuang inilamang ni Lanete kay Kho. (MAL/EAD/PIA5-Masbate)


Bicolano news: Kadamuan sa LP ticket sa ciudad san Masbate nakalusot

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 16 (PIA) – Dahilan kay nabilang na ang mga boto sa 57 sa kabilugan na 58 na cluster precincts, guin proklamar na san Masbate City Board of Canvassers an kandidato san Liberal Party sa pagka-meyor na si Rowena Tuason kag an iya runningmate na si Ruby Sanchez kahapon.

Nakakuha si Tuason san 19,596 na boto o lampas sa 60 porsyento sa kabilugan na boto. An iya karibal na si outgoing Vice Mayor Allan Cos san Nationalist People’s Coalition nakakuha lang san 12,607 na boto katumbas sa 39 porsyento san entero na boto.

Haros gumana tanan an LP ticket sa ciudad dahilan kay siyam sa napulo na pwesto sa konseho segurado na sa partido na kaalyado ni Presidente Noynoy Aquino.

Isad lang an posible na tumakdag sa LP ticket sa karera pagka-konsehal kay an ultimo na pwesto posible na nakuha san kandidato san Nacionalista Party na si Joel Ibañez.

Wara anay iprokalamar an mga lumusot na mga konsehal dahilan kay an nabibilin na boto sa isad na cluster precinct pwede pa makaapekto sa ranggo sa konseho.

An memory card san precinct count optical scan machine sa nahunambitan na cluster precinct corrupted daw kaya wara san sulod na election returns.

An mayor-elect na si Tuason an mabalyo sa iya asawa na si City Mayor Socrates Tuason na temporaryo na magapahuway anay sa pulitika. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)


CF cards problema pa rin sa 2 bayan sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, May 16 (PIA) -- Problema pa rin hanggang sa ngayon ang tatlong Compact Flash o CF Cards sa dalawang bayan sa lalawigan ng Camarines Norte na hindi pa rin makapag-transmit ng resulta sa Provincial Board of Canvassers.

Ang bayan ng Capalonga ay nakapag-transmit na sa isang presinto nito sa Municipal Board of Canvassers (MBOC) at dalawa pa ang hinihintay hanggang sa ngayon.

Ang bayan naman ng Daet ay isang presinto pa rin ang hinihintay ang clustered precinct #10 ng Barangay IV na may kabuuang 639 ang bomoto ayon kay Election Officer 4 Atty. Maico T. Julia Jr. ng Commission on Elections (Comelec) ng naturang bayan.

Ayon pa rin kay Julia, ito ay naiulat na sa central office na magpadala ng bagong CF Card para ire-scan ang mga balota sa PCOS machine upang mai-transmit na sa MBOC.

Samantala, naiproklama na kahapon sa Sangguniang Panlalawigan ng kapitolyo probinsiya si Incumbent Governor Edgardo Tallado bilang gubernador ng lalawigan sa pangalawang termino.

Kasabay ding naiproklama si re-electionist Congressman Elmer Panotes ng ikalawang distrito ganundin ang limang provincial board member na sina Rodolfo Gache, Senen Jerez, Romeo Marmol, Gerardo Quiñones at Renee Herrera.

Ang proklamasyon ay batay sa Comelec Resolution no. 9700, promulgated on May 14, 2013 "lowering threshold of the canvassing and consolidation system." (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)


'Fuel Efficiency and Conservation in Driving' seminar isinagawa sa BU

By Princess S. Dupitas

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 16 (PIA) -- Pinangunahan ng University of the Philippines National Engineering Center (UP NEC) sa Diliman, Quezon City, katuwang ang Department of Energy (DOE), ang libreng seminar sa Fuel Efficiency and Conservation in Driving na ginanap sa Bicol University College of Nursing noong isang linggo.

Layunin ng seminar na mabigyan ang mga dumalo ng impormasyon na may kinalaman sa tamang paggamit ng langis sa pamamagitan ng tamang pagmimintina ng sasakyan, tamang pagmamaneho at values formation sa mga drivers.

Pangunahing respondents ng seminar na nabanggit ay ang mga utility drivers, fleet drivers at operators at mga LGU drivers.

Ayon kay Patricia Estopace, University Extension Specialist III ng U.P. National Engineering Center, nakaroon ng dalawang bahagi ang seminar.

Ang first batch ay sinimulan mula alas-otso ng umaga hanggang alas dose ng tanghali samantalang ang pangalawang batch naman ay isinagawa bandang hapon, mula 1 n.h. hanggang 5 n.h. Bawat batch ay nagkaroon ng 100 partisipante base sa talang ibinigay ng opisyal.

Dagdag pa ng opisyal na ang isinagawang seminar ay bahagi ng proyektong tinatawag na “Energy Efficiency and Conservation in Road Transport” na parte ng Philippine Energy Conservation Program ng Department of Energy. (MAL/PSD-OJT-BU/PIA5)

Wednesday, May 15, 2013


BFAR nanguna sa pagtititipon ng mga Commercial Fishing Vessel operators at mangingisda sa Bicol

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Mayo 15 (PIA) -- Pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bicol ang Fisheries Summit and Dialoque / Consultation ng mga Commercial Fishing Vessel Operators at iba pang kliyente nito noong Mayo 8, sa Villa Caceres Hotel sa lungsod ng Naga.

Halos 166 ang lumahok sa naturang aktibidad kasama na ang 23 fishing vessel operators upang pag usapan at magkaroon ng konsultasyon tungkol sa mga programa ng pamahalaan at mga regulasyon sa paghahanap buhay sa dagat.

Ayon kay Regional Director Dennis V. Del Socorro ng BFAR-Bicol, layunin ng pagtitipon na iparating sa sektor ng mga mangingisda, gayundin sa mga commercial fishing vessel operators ang kasalukuyang situwasyon sa fisheries, marine ecosystem partikular sa Burias-Ticao Pass sa lalawigan ng Masbate. Dito kasi nanggagaling ang mga isda na ginagamit sa paggawa ng sardinas.

Pinag-usapan din ang problema sa overfishing na nagiging resulta ang pagkawala ng trabaho, biological diversity at pagbagsak ng ecosystem. Tinalakay din sa naturang pag uusap ang pagpaptupad ng fishery law sa bansa upang maging malinaw sa mga commercial fishing boat operators ang mga kautusang ito.

Sa isang araw na aktibidad binigyan ng kahalagahan ang sektor ng mangingisda dito sa Bicol dahil sa pagbibigay nito ng makabuluhang trabaho at kita mula sa pag eexport ng produktong dagat.

Katuwang ng BFAR-Bicol sa ginawang okasyon ang Greenpeace Southeast Asia, World Wide Fund Philippines (WWWF-Phils), Bicol Consortium for Development Initiatives (BCDI), Lingap para sa Kalusugan ng Sambayanan, Inc. (LIKAS,Inc), Social Action Center ng Archdiocese of Caceres, Bicol Diocese at Clergy, kasama ang Bicol University.

Ang mga kalahok ay mula sa Commercial Fishing Vesel Operators, LGUs, People’s organizations, NGOs, Academe,Civil Society Groups at Gov’t Line Agencies at iba pa. (LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)


LP ticket sa lungsod ng Masbate, halos buo ang tagumpay

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 15 (PIA) -- Dahil nabilang na ang mga boto sa 57 ng kabuuang 58 precinct clusters, iprinoklama na ng Masbate City Board of Canvassers ang kandidato ng Liberal Party sa pagka-alkalde na si Rowena Tuason at ang kanyang runningmate na si Ruby Sanchez kahapon.

Si Tuason ay nakakuha ng botong 19,506 o mahigit 60 porsyento ng kabuuang boto. Ang kanyang katunggaling si outgoing Vice Mayor Allan Cos ng Nationalist People’s Coalition ay nakakuha lamang ng botong 12,607 na katumbas ng 39 porsyento.

Halos buo ang tagumpay ng LP ticket sa lungsod dahil ang siyam sa may kabuuang 10 pwesto sa konseho ay sigurado nang napanalunan ng mga nasa partido ni Pangulong Noynoy Aquino.

Ang isa sa hanay ng LP ay maaaring malaglag sa karera dahil ang pangsampung pwesto sa konseho ang inuukupa ngayon ng kandidato ng Nacionalista Party na si Joel Ybañez.

Hindi muna iprinoklama ang mga nananalong konsehal dahil ang mga boto sa nalalabing precinct cluster ay maaari pang makaapekto sa kanilang pagraranggo sa konseho.

Ipinaliwanag ni City Election Officer Anthony Villasis na ang memory card ng precinct count optical scan machine sa naturang cluster ay corrupted umano at walang laman na election returns.

Ang mayor-elect na si Tuason ay hahalili sa kanyang asawang si Mayor Socrates Tuason na magreretiro muna sa pulitika. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)


Ama, puwedeng makatulong sa pagpapasuso

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 15 (PIA) -- Mayroong mahalagang papel ang mga tatay sa buong proseso ng pagpapasuso ng ina sa sanggol.

Kinakailangan ang tulong ng tatay kung ang ina ay nakakaranas ng hirap sa paglalabas ng gatas sa kanyang suso, ayon kay Dr. Virgilio Ludovice, ang hepe ng Hospital ng Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital sa lungsod ng Ligao sa isinagawang “Sarabayan na Pagpadodo sa Daragang Magayon” o sabayang pagpapadede sa loob ng Albay Astrodome sa pagdiriwang ng taunang Daragang Magayon Festival sa Albay kamakailan.

Pinuri ni Dr. Ludovice ang mga amang nakiisa sa nasabing aktibidad sa pagsama sa kanilang mga asawa na umabot sa 700 na mga ina.

Hinamon din ni Dr. Ludovice ang mga tatay na paangatin pa ang kanilang suporta na tulungan na mailabas ang gatas mula sa suso ng kanilang mga asawa alang-alang sa kanilang mga sanggol kung ang gatas ay hindi gaanong o kung talagang hindi ito lumalabas. “Ang ama ang magbibigay ng stimulus,” sabi ni Dr. Ludovice.

Batay sa temang “Pagpadodo, Eksklusibo, Aprobado sa mga Albayano (Sang-ayon ang Albayano sa Eksklusibong Pagpasuso),” hinikayat ni Dr. Ludovice na gamitin lamang ang gatas ng ina sa pagpapasuso sa sanggol sa loob ng unang anim na buwan nito. “Kailangang mapakinabangan ng sanggol ang Colostrum na galing sa kanyang ina,” sabi ni Dr. Ludovice.

Ang Colostrum ay isang uri ng gatas na galing sa ina na mayroong antibodies na nagsisilbing proteksiyon ng sanggol laban sa sakit. Mababa rin ang fat nito at mataas ang protina kumpara sa ordinaryong gatas.

Mayaman ang Colostrum sa protina, vitamin A at sodium chloride, subalit may mababang taglay na carbohydrates, lipids at potassium kumpara sa normal na gatas.

Ang pinakamahalagang bioactive na mga sangkap ng Colostrum ay ang growth factors at antimicrobial factors. Ang antibodies sa colostrum ang nagbibigay ng immunity, habang ang growth factors ang tumutulong sa paglaki ng sanggol.

Ang sustansya ng Colostrum ay puro pero sa mababang volume. Mayroon itong mahinay na epektong laxative na tumutulong upang makapagdumi ang sanggol ayon kay Dr. Ludovice.

Ang pagpapasuso ay angkop sa lahat ng antas sa lipunan. “Ang mahirap at mayaman ay kailangang parehas magpasuso,” sabi ni Dr. Ludovice.

Ligtas ang gatas ng ina, hindi kailangang magpakulo, tama lagi ang temperatura nito at ang pinakamahalaga ay palaging nakahanda na at libre pa, ayon kay Dr. Ludovice said.

Ang ina na hindi sapat ang nutrisyon ay maari pa ring magsuso sa kanilang sanggol ayon kay Dr. Ludovice. “Pakalipas ng anim na buwan, kailangang bigyan ng karagdagang pagkain ang sanggol gaya ng prutas at gulay,” sabi ni Dr. Ludovice.

Pinayuhan din ni Dr. Ludovice ang mga mag-asawa na nakilahok sa kaganapan na sundin ang dalawa hanggang tatlong taon na pagitan sa panganganak upang mabigyan ng sapat na panahon ang katawan ng ina na makabawi sa hirap sa pagdadalangtao. “Kailangang bigyan ng panahon ang katawan ng ina na makabalik sa normal nitong ayos,” sabi ni Dr. Ludovice.

Higit sa lahat, ang pagpapasuso ay nagbibigay ng matibay na pagniniig na emosyonal at pisikal sa pagitan ng ina at anak at siyempre, kasama na rin ang ama. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)


Halalan sa Sorsogon naging mapayapa sa pangkalahatan

By Benilda A. Recebido

LUGSOD NG SORSOGON, Mayo 15 (PIA) -- Sa kabila ng ilang mga ulat ng pagkakaroon ng mga armadong kalalakihang umano'y umaali-aligid sa ilang mga lugar sa probinsya, nanatiling mapayapa ang naging halalan sa buong Sorsoogn.

Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni OIC Provincial Director PSSupt Ramon S. Ranara at ng Philippine Army sa pangunguna ng Task Sub-unit “Charge” ng 31st Infantry Battalion.

Sa naging panayam naman ng PIA kay Provincial Election Supervisor Atty Calixto Aquino Jr. sinabi niyang sa provincial level, wala pa silang idinedeklarang nanalo sapagkat hindi pa kumpleto ang election returns na natatanggap nila. Aniya hanggang sa kasalukuyan wala pang transmitted result ang Sorsogon City at Bulan.

Tanging ang Precinct Counting Optical Scan (PCOS) machine ang magdedesisyon kung sino ang nanalo sa katatapos na halalan.

Sa mga humihingi naman umano ng opisyal na resulta mula sa kanila, sinabi nito na mayroon silang sinusunod na direktiba na kailangang kumpleto ang lahat na election returns mula sa 14 na munisipyo at isang lungsod ng Sorsogon bago sila makapagbigay ng opisyal na resulta ng halalan sa Sorsogon.

Aniya, dalawang barangay pa sa lungsod ng Sorsogon, ang Sampaloc at Balete, at Brgy. Beguin sa bayan ng Bulan ang hindi pa makapag-transmit sa municipal canvassers dahil hindi pa dumadating ang Compact Flash (CF) Cards na hinihintay nila mula sa Maynila.

Dagdag pa ni Atty. Aquino na inaasahan nilang darating ang mga CF cards mamayang hapon at maipadadala na ang opisyal na resulta sa kanila ng natitirang nabanggit na lugar.

Samantala, alas-nuebe ng umaga kanina ay pansamantalang itinigil muna ang bilangan ng Provincial Board of Canvassers at muling sinimulan ito alas-dos ng hapon. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)


2 bayan sa Camarines Norte hindi pa nakakapagsumite ng resulta sa Provincial Board of Canvassers

By Reyjun Villamonte

DAET, CAMARINES NORTE, Mayo 15 (PIA) -- Dalawang bayan sa lalawigan ng Camarines Norte na hangggang sa ngayon ay hindi pa nakakapagsumite ng resulta sa Provincial Board of Canvassers sa Sangguniang Panlalawigan ng kapitolyo dito kaugnay sa isinagawang halalan.

Ayon sa pahayag ni acting provincial election supervisor III Atty. Romeo G. Serrano ng Comission on Elections (Comelec) sa Camarines Norte, transmission ang naging problema sa isang presinto sa bayan ng Daet dahil hindi ito nakaka-transmit papuntang MBOC.

Ang bayan naman ng Capalonga ay tatlong presinto ang may problema dahil nasira ang Compact Flash o CF Cards ng PCOS machine.

Ayon pa rin sa pahayag ni Serrano, tinawagan na niya ang election officer ng naturang mga bayan na humingi na ng pahintulot sa kanilang central office upang ilagay ito sa Compact Disc o CD at dalhin ito sa kanila ngunit naghihintay pa rin ito ng pahintulot hanggang sa ngayon.

Nakatakda naman iproklama ngayong araw ang mga mananalong kandidato sa provincial level sakaling makapagsumite o maka-transmit na sa MBOC ang isang presinto sa bayan ng Daet.

Samantala, sinabi ni PSSupt. Moises Pagaduan, provincial director ng Camarines Norte Police Provincial Office ng PNP dito na naging mapayapa sa pangkalahatan ang isinagawang halalan sa lalawigan, ayon pa rin sa opisyal, walang malaking insidenteng nangyari subalit nakaalerto pa rin ang kanilang hanay kasama ang mga sundalo sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lalawigan. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)