Friday, August 30, 2013

Mga iskolar ng mina sa Rapu-rapu nanguna sa board licensure exams

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LEGAZPI CITY, Agosto 30 (PIA) – Nakuha ni Dailyn Asuncion Nivero ang ika-8 pwesto sa kanayang grading 84.9 sa nangunang sampung kumuha ng Mining Engineering Licensure Examination ngayong Agosto na isinagawa ng Professional Regulation Commission Board of Mining Engineers.

Si Nivero ay naging iskolar ng Rapu-Rapu Polymetallic Project (RRPP) sa ilalim ng Mining, Technology and Geosciences Development Program (MTGDP) bago siya pumasa sa board exam at nakasama pa sa sampung nangungunang pumasa.

Kasunod ni Dailyn ay isa pang iskolar ng RRPP, si Sarah Mae Bañares Ajon ng Sto. Domingo, Albay na nasa ika-9 na may gradong 84.8.

Sampu pang mga iskolar ng RRPP ang kasama sa 28  na pumasa sa  30 kumuha ng board exams galing sa Bicol University College of Engineering (BUCENG) na nakakuha ng 93.1% passing rate.

“Akala ko ay hindi na ako papasa sa pagsusulit pakatapos kong kunin ito,” sabi ni Nivero sa Philippine Information Agency (PIA). Buti na lang at karamihan sa mga katanungan sa pagsusulit ay ipinaliwanag noong review enhancement program na ibinigay ng RRPP sa mga iskolar nito, ayon kay Nivero. “Ipinagdasal ko na makapasa ako at hindi ko akalaing kasama ako sa mga mangunguna,” dagdag ni Nivero.

Ang sampu pang mga iskolar ng RRPP na pumasa sa  mining board exams ay sina Ryan Abejuela ng Legazpi City, Julie Faith Abo-abo ng Masbate, Ryan Bado ng Legazpi City, Julius Bañez ng Bacacay, Albay, John Vic Grageda ng Camalig, Albay, Geraldine Hufana ng Tabaco City, Ivan Macandog ng Legazpi City, Ghozel Marillano ng Daraga, Albay, Ronaldo Niña ng Legazpi City at Beann Natural ng Masbate.

Ang iba pang matagumpay na pumasa galing sa BUCENG ay sina Mark Joseph Astonal, Medelyn Aligan, Monica Mae Abengoza, Noah Balonzo, Krisna Lynn Bolaños, Aaron Camano, Samira Darish, Trizzia Generoso, Norberto Manlapas, Jr., Christina Matociños, Joven Pelaez, Roselie Pelaez, Alemar Velasco, Renier Villar, Irvin John Yuson at Bernadette Vallejo.

“Nagpapasalamat kami sa suporta ng Bicol University at mga pinuno nito sa pagtulong sa amin na ilunsad ang aming scholarship program,” sabi ni RRPP Community Relations Manager Lanie Lanuzo sa PIA. Kasama ang Mines and Geosciences Bureau (MGB), ang BU at RRPP ay nagbuo ng isang komite sa pagpili ng karapat-dapat na mga iskolar. “nais naming siguraduhin na ang iskolar ay hindi lang magtatapos sa kurso kundi makakapasa sa board,” sabi ni Lanuzo.

Ayon kay Lanuzo, ang kanilang kompanya ay mayroong 90 na iskolar, 30 nito ay nagtapos na sa kursong geology sa Partido State University sa Goa, Camarines Sur, at kursong mining at environmental engineering sa BU. “Isang trust fund ang inilagak para sa natitirang 60 iskolar upang maseguro na makakapagtapos sila hanggang academic year 2016-2017,” dagdag ni Lanuzo. Ang operasyon ng pagmimina ng RRPP ay hanggang huling quarter na lamang ng taong kasalukuyan.

“Ang aming scholarship program ay galing sa 10% ng 1.5% ng aming total operating cost na pinagkukunan ng pondo para sa Social Development Management Program (SDMP) ayon sa Philippine Mining Act,” sabi ni Lanuzo.

Si Nivero at iba pang RRPP scholars ay nakatatanggap ng allowance bawat buwan kasabay na dito ang gastusin sa mga aklat at uniporme maliban pa sa matrikula at  miscellaneous fees na binabayarang buo ng kompanya.

“Hindi mining ang una kong kurso, nag-aral ako ng edukasyon sa  Rapu-Rapu Community College subalit naisipang tumigil sanhi ng pagkawala ng sigasig kong mag-aral,” sabi ni Nivero. Isang dating opisyal ng kompanya ang nakaalam ng kanyang kalagayan at naikwento sa dating Community Relations Manager ang kanyang sitwasyon.Umapela ang mga pinuno ng kompanya sa mga pinuno ng BU upang tanggapin si Nivero kahit nagsimula na ang semestre at ang programa sa scholarship ay inaayos pa lamang.

“Umaasa akong tatanggapin ng MGB sa Legazpi City ang aking sinumiteng aplikasyon upang magtrabaho,” sabi ni Nivero. Itinakda ng RRPP scholarship program ang lahat ng mga nagsipagtapos at pumasa sa board na magsilbi kahit dalawang taon sa pamahalaan. “Suportado namin ang programa ng pamahalaan na kailangang tumulong ang mga intelektual sa pamahalaan,” sabi ni Lanuzo sa PIA.

“Kinakailangan ang pagmimina para sa kaunlaran ng ekonomiya at paglago nito subalit kailangang responsable at sumusunod sa batas,” sabi ni Nivero sa PIA. “Pinapasalamatan ko ang Panginoon, ang aking pamilya at lahat ng tumulong sa aking tagumpay.”

Pinasalamatan din ni Lanuzo ang BU, MGB, ang kasalukuyan at nakalipas na mga pinuno ng RRPP sa tagumpay ng scholarship program nito. “Wika nga ng kasabihang Aprikano – Isang pamayanan ang nagpapalaki sa isang bata,” sabi ni Lanuzo sa PIA. (JJJP-PIA5/Albay)

Bicol naghahanda sa pang-rehiyong pagtitipon sa turismo sa Setyembre

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LUNGSOD NG LEGAZPI, Agosto 30 (PIA) -- Tahanan ng 'almost perfect cone-shaped' na Mayon Volcano sa Albay, pinakamalaking isda sa mundo na Butanding sa Sorsogon, isa sa mga tanyag na debosyon sa bansa na Peñafrancia novena sa Camarines Sur, malaparaisong baybayin sa buong rehiyon,  malinamnam na mga kakanin at makukulay na mga kapistahan, ang Department of Tourism (DOT) ay naghahanda ngayon sa gagawing regional tourism summit sa huling linggo sa buwan ng Setyembre.

“Ang pangunahing layunin ng Regional Tourism Summit 2013 ay magkaroon ng pagkakataon ang mga travel at tourism practitioners bilang mga katuwang namin na maunawaan ang Republic Act 9593 o ang National Tourism Act of 2009 at ang 2015 Millennium Development Goal (MDG) ni Pangulong Benigno Aquino III,” sabi ni DOT Bicol regional director Maria Ravanilla sa Philippine Information Agency (PIA).

Sa isang project brief na pinadala sa PIA, sinabi ng DOT Bicol na inaasahan sa pagtitipon  na mapaunlad ang pag-unawa at kakayahan ng mga lokal na ehekutibo, kasapi sa lehislatura, planning officers, tourism officers, komite sa turismo, environment officers, permits and licensing officers at cultural workers at practitioners ng mga local government units sa buong rehiyon sa pagbuo ng kanilang sariling tourism development plan na magreresulta sa sustenableng kaunlaran ng turismo.

Inaasahan din na magsasagawa ng kaukulang aksyon na magseseguro ng tagumpay ng MDG sa taong 2015 na gagawing priority ng mga provincial stakeholders bilang resulta ng regional summit, dagdag Ravanilla.

Kabilang sa mga paksa sa gaganaping summit ay ang Tourism Act of 2009, National Tourism Development Plan na nakatuon sa tourism promotional services para sa turistang internasyonal at lokal, tourism development planning services, pamantayan sa pasilidad at serbisyong pang-turismo, sitwasyon ng pambansang turismo, pandaigdigang sitwasyon sa industriyang turismo na nakatuon sa agri-tourism, sports adventure, food tourism, community-based tourism, sitwasyon ng turismo sa Bikol, pagsasabay sa pagpapasya sa lokal na antas ng pambansang plano sa pagpaunlad ng turismo.

Ayon kay Ravanilla, inaasahan si Kalihim Ramon Jimenez ng DOT bilang keynote speaker sa summit kasama ang iba pang tagapagsalita sa plenaryo na binubuo nina Undersecretary for Tourism Services and Regional Operations Maria Victoria Jasmin, Assistant Secretary for Tourism Planning and Promotions Domingo Ramon Enerio III, Assistant Secretary Rolando Canizal, at Acting Undersecretary Daniel Corpuz.

Ayon pa kay Ravanilla, ang pagtitipon ay magandang pagkakataon upang magplano at gumawa ng mga estratehikong layunin sa pagpaunlad ng turismo sa rehiyon.

“Magkakaroon ng mga gawain na nakatutok sa pangunahing sadya at estriktong pagsusog sa ating regional branding, kooperasyon at pagtutulungan bilang isang rehiyon, isang destinasyon ng karanasang turismo,” sabi ni Ravanilla.

Ayon p kay Ravanilla, nagkakaroon sa ngayong ng umuunlad na interes sa sustenableng pagpapaunlad ng turismo sa mga probinsiya, commercial operators, aid organizations at conservationists.

Dagdag pa niya, ang Regional Tourism Summit 2013 ay magsasama-sama ng mga respetadong utak sa industriya ng turismo at paglalakbay na magtatalakay ng pandaigdigang  travel trends.

“Inaasahan naming dadalo ang 500 to 800 delegado galing sa anim na probinsiya ng rehiyon, pakikinggan ang anim na presentasyon sa plenaryo ng mga eksperto sa turismo at paglalakbay at sumali sa fora at workshops sa aktwal na mga isyu na may kaugnayan sa pagpapaunlad ng pangangasiwa ng mga destinasyong pang-turismo,” sabi ni Ravanilla.

Ang aktibidad ay suportado ng Department of the Interior and Local Government, Civil Service Commission, National Economic and Development Authority, Department of Public Works and Highways, Commission on Higher Education, Department of Environment and Natural Resources, Department of Trade and Industry, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Department of Science and Technology at ng PIA. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

Thursday, August 29, 2013

Programang agraryo, agrikultura nagtaguyod ng pag-unlad ng Garchitorena

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LEGAZPI CITY, August 29 (PIA) – Ang bayan ng Garchitorena sa Camarines Sur ay naging paksa ng mga usapin noong katapusan ng dekada 80 dahilan sa kontrobersyal na transaksiyon sa lupa na sangkot ang Garchitorena estate sa ilalim ng voluntary offer to sell (VOS) sa mga unang taon ng pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Subalit sa ngayon, ang Garchitorena ay nabawi ang kanyang nadungisang pagkakakilanlan sa pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan na mabuhusan ng serbisyo ang dating sinasabing tuyot na lupa.

“Ang 130-kilometrong daan galing ng Lungsod ng Naga hanggang Garchitorena ay limang oras na paghihirap sa alikabok kung tag-init at madulas na putikan kun tag-ulan, o kaya sa maligalig na dagat,” sabi ni Municipal Agrarian Reform Officer (MARO) Elmer Paris. Si Paris ay isa sa mga saksi sa isinagawang imbestigasyon sa kontrobersiya noong 1989 at ngayoon ay magreretirong MARO sa bayan ng Goa.

Ang kawalan ng modernong teknolohiya sa pagsasaka, mahinang irigasyon at suliranin sa insurhensiya ang nagpalala pa ng suliranin ng mga mamamayan. Ang mga tauhan ng iba-ibang ahensiya ng pamahalaan na nagtangkang magsagawa ng tulong ay nakatanggap ng pananakot sa mga rebelde. “Maswerte ang DAR na katangitanging ahensiya ng pamahaalan na pinahintulutang pumasok sa lugar noon,” pagbabalik-tanaw ni Paris.

Ang pagbabago ay dumating pakalipas ng 23 taon sa pag-apruba ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa subdivision survey sa mga lupaing sakop ng repormang agraryo. Ang pinakahihintay na suportang serbisyo galing sa DAR at iba pang ahensiya ng pamahalaan ay inihahanda na ngayon para ipatupad.

Sa ngayon, may kabuuang P208,3481M galing sa DAR-Agrarian Reform Communities Project Phase 2 (ARCP2), Department of Agriculture para sa suportang produksiyon at proyektong imprastruktura, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coconut Authority (PCA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR)  ay nangako din ng suporta bilang tugon sa Indicative Development Plan ng Garchitorena.

“Namangha kami sa kagustuhan at pagkauhaw ng mga mamamayan na paglingkuran ng pamahalaan,” sabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Ramon Fuentebella sa isinagawang seremonya sa ground breaking sa rehabilitasyon ng Poblacion-Ason farm-to-market-road (FMR) sa ilalim ng ARCP 2 galing sa pondo ng Asian Development Bank (ADB) sa halagang P14.6M. dagdag pa dito, may iba pang sub-projects sa ilalim ng ARCP 2  na may kabuuang halaga na Php 47,992,585.84 milyon  ang nakompleto na o isinasagawa pa, ayon sa DAR Bicol.

“Ang aming programang pagtutulungan ay nakatuon sa lugar para sa repormang agraryo sa Barangay Pambuhan at Canlong sa Garchitorena para sa mas epektibo at malawak na paglilingkod,” sabi ni DAR Bicol Regional Director Maria Celestina Manlañgit-Tam.

Ayon kay PARPO I Maria Gracia Sales, ang Pambuhan Canlong Farmers Organization (PACAFO) ay nabuo at naitala sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong nakaraang taon na mayroong 106 miyembro. “Ang pagkakaroon ng agrarian reform beneficiaries organization (ARBO) ay kinakailangan sa pagpapatupad ng suportang serbisyo,” sabi ni Sales. Sa ngayon, ang PACAFO ay nakatatanggap na ng tatlong capacity development (CAPDEV) interventions sa DAR, dagdag ni Sales.

Sa kasalukuyan, ang pangunahing convergence program sa Garchitorena ay ang Coconut Seedlings Dispersal Project (CSDP) na unang pagtutulungan sa bansa ng DAR at PCA sa Bicol. Ngayong taon, si Tam at PCA Administrator Euclides Forbers ay naglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagpapabilis ng pagtatanim ng niyog sa buong rehiyong Bicol.

“Itinayo ang isang ektaryang coco seedling nursery sa Pambuhan na tinatayang magkakaroon ng 75,000 seedlings para sa 500-ektaryang bahagi ng dating Garchitorena Estate na ipapamahagi sa 800 magsasaka,” sabi ni Tam.

“Ikinagalak namin ang pagdalo ng maraming ARBs na lampas 300 noong isinagawa ang oryentasyon para sa proyekto, patunay ng kanilang entusiyasmo para tulong pangkaunlaran,” sabi ni Fuentebella. "Ang unang tatlong taong implementasyon ng proyekto ay nangangailangan ng masusing pagmamanman upang maseguro ang mataas na high survival rate of seed nuts," dagdag ni Fuentebella.

Naipadala na ang 45,000 seed nuts sa PACAFO na aalagaan sa loob ng anim na buwan sa isang ektaryang pasilidad na kalauna’y ipamamahagi sa unang grupo ng benepisyaryong  345 karami. Ang PACAFO ang maglalaan ng manggagawa sa pagpili ng seed nuts, pagbakod, paglagay ng water pump, at pagdilig ng coco seedlings.

Samantala, ang DAR ang magbibigay ng kagamitan sa water management, pambakod at iba pang pangangailangan. Dagdag pa, nagtalaga ang DAR ng mga tagapangasiwa sa loob ng anim na buwan upang ayusin ang project site at seguruhin ang kaligtasan ng mga kagamitan sa nursery at ng seedlings dahilan sa distansiya ng kabahayan ng mga magsasaka sa nursery site.

Sa ilalim ng proyekto, ang bawat benepisyaryo ay obligadong magbayad ng kalahati ng kabuuang natanggap nilang seedlings pakatapos ng 7 taon na ipamamahagi rin sa iba pang magsasakang benepisyaryo sa sistemang roll-over. “Ang sistemang ito ay magtuturo sa mga miyembro ng kanilang panlipunang responsibilidad sa kapwa magsasaka upang magpatuloy ang proyekto,” sabi ni Sales.

“Ang proyektong nyugan ay isa lamang sa maraming tulong na inihahanda sa Garchitorena,” sabi ni Tam. Ngayong buwan, ang DAR, DA na pinamumunuan ni Regional Director Abelardo Bragas, PCA Officer-in-Charge Eduardo Allorde, at ang BFAR ay nagkaroon ng pagpupulong upang mapalawak pa ang pagtutulungan sa pagbigay serbisyo sa Garchitorena.

Gayundin, nakita ni DAR Camarines Sur Provincial Information Officer Gerry Buensalida ang potensiyal sa turismo ng Kinahulugan Falls sa Barangay Ason at ang kalapit na Baticarao Island na may maputing baybayin. “Marami ang maaring ialay ng Garchitorena na kailangan lamang linangin,” sabi ni Buensalida.

“Naniniwala ako na dumating na ang araw ng Garchitorena na makilala at magningning tulad ng isang phoenix na nagbangon sa abo,” sabi ni Tam. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

4Ps beneficiaries sa Masbate, pagtatapusin sa K to 12 ang kanilang mga anak

BY: ERNIE A. DELGADO

LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 28 (PIA) – Makapagtapos sa K to 12 ang pangarap ng mga batang benepisaryo ng Pantawid Pilipino Program sa bayan ng Cawayan sa probinsya ng Masbate at desidido ang kanilang mga magulang na matupad ang ambisyon ng kanilang mga anak kahit magwakas na ang programa na nagbibigay sa kanila ng allowance.

Iyan ang pangkaraniwang pahayag ng mga benepisaryo ng conditional cash transfer ng pamahalaan sa kanilang dayalogo sa mga kasapi ng 4Ps Provincial Adivsory Council kahapon sa bayan ng Cawayan.

Ayon sa mga magulang, dulot ng family development sessions na regular na isinasagawa bilang kondisyon sa cash grants, naikintal sa kanilang mga isipan na ang edukasyon ng kanilang mga anak ang daan upang sila’y maging mas mahusay na tao.

Sa pamamagitan din umano ng family development sessions, naitanim din umano sa kanila ang mabuting naidudulot ng immunization ng mga bata at tamang nutrisyon sa kanilang konting badyet sa pagkain.

Ang ganitong life skills anila na natutunan nila sa family development sessions ay magiging bahagi ng kanilang pamumuhay habang buhay.

Ang bayan ng Cawayan ang isa sa mga bayang pinakaunang pinagkalooban ng 4Ps noong taong 2008.

Para sa pioneer beneficiaries, ang limang taong programa ay magtatapos sa Disyembre. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)

Animal dispersal program patuloy sa Camarines Norte

BY: ROSALITA B. MANLANGIT

DAET, Camarines Norte, Agosto 29 (PIA) -- Patuloy sa pamamahagi ng mga kalabaw at baka ang pamahalaang panlalawigan Camarines Norte sa ilalim ng Animal Dispersal Program

Ayon kay acting provincial veterinarian Dr. Ronaldo U. Diezmo, ang mga hayop ay aalagaan ng mga benepisyaryo bilang palahiang hayop upang maparami ang mga ito at maaring maging katulong sa mga gawain sa bukid

Aniya, kailangan rin na gawaan ito ng bahay kanlungan at panatilihing malusog sa pagbibigay ng tamang pag-aalaga, pagkain at gamot na kinakailangan.  Ito ay hindi maaaring alisin o ilipat ng barangay ng walang opisyal na pahintulot ng tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo at agad na ipakita anumang oras na ito ay kailangang masuri ayon pa rin kay Diezmo.

Ang naturang mga hayop ay libreng ibinibigay at ang magiging anak nito ang pagmamay-ari ng benepisyaryo at ililipat naman ang inahin sa susunod na tatanggap.

Kailangan din na ipagbigay alam agad ang araw ng kapanganakan nito sa opisina ng beterinaryo upang maitala ang paglilipat nito sa susunod na benepisyaryo sa paghihiwalay ng hayop mula sa 10 hanggang 12 buwang edad nito.

Ayon pa rin sa pahayag ni Diezmo, kung hindi mapapangalagaan ang hayop ayon sa kondisyon at patakaran ng programa ay may karapatan ang pamahalaang panlalawigan na idulog ang suliraning ito sa barangay o kaya ay kunin sa pangangalaga ng benepisyaryo ng walang pananagutan at walang usaping hukuman, mawawalan din ng tuluyan ng pribelihiyo na tumanggap ng anumang kaloob o benepisyo sa tulad na programa.

Ang mga benepisyaryo ay pinili na mayroong pastolan at may kakayahang mag-alaga ng hayop batay sa panuntunan ng ProVet.

Samantala, naipamahagi na ang 87 alagaing hayop kung saan nakatakda na rin ibigay sa buwan ng Setyembre ngayong taon ang 28 karagdagan sa kabuuang 115 para sa taong 2012 na mayroong pondong 3.6 milyon. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)

Septyembre 2 idineklarang Ola Day, non-working holiday sa Albay

BY: SALLY A. ATENTO

LUNGSOD NG LEGAZPI, Agosto 29 (PIA) -- Bilang paggunita sa ika-148 kaarawan ni Heneral Simeon A. Ola, ang kahuli-hulihang Albayanong  heneral ng Himagsikan na sumuko sa mga kawal-Amerikano noong Digmaang Pilipino-Amerikano, idineklara ng Malacañang ang Setyembre 2, Lunes, na special non-working holiday sa probinsiya ng Albay

Ang deklarasyon ay ginawa ng Malacañang sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 635 na nilagdaan ni Kalihim Tagapagpaganap Paquito N. Ochoa, Jr. noong Agosto 22, upang bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng Albay na lubusang maipagdiwang ang kaarawan ni Heneral Ola at malahukan ang mga seremonyang itinakda sa nasabing araw.

Ang paggunita sa kanyang kaarawan ay pamumunuan ni Albay governor Joey Salceda na katatampukan ng pag-aalay ng bulaklak sa kanyang monument sa Guinobatan at police regional camp sa Lungsod ng Legazpi sa Sept 2.

Ang nasabing kampo ay isinunod sa kanyang pangalan.

Si Ola ay isinilang noong Setyembre 2, 1865 sa Guinobatan Albay nina Vicente Ona at Apolonia Arboleda.

Taon 1896 nang siya ay tumigil sa pag-aaral sa Pamantasan ng Nuweba Caceres sa Lungsod ng Naga para sumapi sa Katipunan sa kanilang bayan sa lalawigan ng Albay.

Pagkatapos ng madugong labanan sa Camalig, Albay noong 1898 siya ay naging kapitan at naitaas bilang “major” pagkaraan ng pananambang na nagbunga sa pagkadakip ng tatlong kawal-Amerikano.

Nanguna rin siya sa mga pagsalakay sa mga bayan ng Oas, Ligao at Jovellar sa Albay. Nang malaunan, sumuko siya sa mga Amerikano sa kondisyong bibigyan ng amnestiya ang kanyang mga tauhan.

Si Ola ay nilitis at nahatulang mabilanggo ng 30 taon sa salang sedisyon.

Taong 1904 nang bigyan siya ng kapatawaran at umuwi sa kanyang bayang sinilangan. (MAL/SAA – PIA5/Albay)

PAFC nais matukoy ang mga disaster-prone areas sa Camarines Norte

BY: ROSALITA B. MANLANGIT

DAET, Camarines Norte, Agosto 29 (PIA) -- Tinalakay kamakailan sa isinagawang pagpupulong ng Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) ang pagtukoy kasabay ng kaukulang tugon para sa mga lugar na posibleng magkaroon ng sakuna at kalamidad sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon kay acting assistant coordinator Thelma Bardon ng Provincial Planning and Development Office ng pamahalaang panlalawigan na sa paraang ito mabigyan ng impormasyon at kaalaman ang mga lugar dito na maaaring magkaroon ng pagguho ng lupa, lindol, pagbaha at pagtaas ng tubig o tsunami  bilang pag-iingat hindi lang sa panahon ng kalamidad.

Dagdag ni Bardon na kabilang sa mga lugar na posibleng magkaroon ng pagguho ng lupa dulot ng pag-ulan ay ang bayan ng Capalonga, Labo, Sta. Elena at Basud.

Aniya, ang bayan ng Daet at Vinzons ay maaaring magkaroon ng pagbaha dulot pa rin ng ulan at kabilang rin dito ang bayan ng Capalonga at Sta. Elena sa mga lugar na maaaring apektado nito ganundin ang iba pang bayan.

Ayon pa rin kay Bardon, ang mga lugar naman na posibleng magkaroon ng pagguho ng lupa sanhi ng lindol sa lakas na Intensity VII ay ang bayan ng Basud, Mercedes at Daet.

Kabilang pa rin sa lakas na Intensity VI ang bayan ng Basud at Mercedes ganundin ang Labo, Vinzons at San Lorenzo Ruiz kasama pa rin ang bayan ng San Vicente, Daet, Paracale at Talisay.

Samantalang sa lakas na Intensity V ay maaaring maapektuhan ang bayan ng Capalonga, Jose Panganiban at Sta. Elena kabilang din ang Labo at Paracale ganundin ang Vinzons, San Lorenzo Ruiz at San Vicente.

Ito ay base sa isinagawang pag-aaral ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOCLS) upang makakuha ng mga datus ng probinsiya tungkol sa sakuna at kalamidad sa Camarines Norte.

Ang pagpupulong ng PAFC ng Camarines Norte ay isinasagawa sa bawat buwan upang pag-usapan ang lahat ng bagay na makakatulong sa mga magsasaka ng proyektong pangkabuhayan ng mga produktong pang-agrikultura. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)

Karagdang insentibo sa magsasaka sa pagbebenta ng palay sa NFA

BY: ROSALITA B. MANLANGIT

DAET, Camarines Norte, Agosto 29 (PIA) -- Mayroong karagdagang insentibo sa bawat kilo ng palay ang matatanggap ng mga magsasaka sa Camarines Norte sa mga magbebenta at magdadala nito sa tanggapan ng National Food Authority (NFA), ayon sa isang opisyal ng tanggapang panlalawigan ng ahensiya.

Ito ang naging pahayag ni senior grains operator Felisa Pobre, Industry Services ng naturang tanggapan kaugnay sa isinagawang pagpupulong kamakailan ng Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) sa Audio Visual Production Center ng kapitolyo probinsiya.

Ayon kay Pobre, mayroong karagdagang insentibo na 20 sentimo sa tuyong palay at 20 sentimo sa magdadala sa kanilang tanggapan at 30 sentimo naman sa Cooperative Development Incentive Fund (CDIF) sa kabuuang P17.70 bawat kilo.

Ang naturang insentibo ay para lamang sa mga magsasaka na mayroong samahan o grupo sa kanilang lugar.

Ang CDIF ay pondong naiipon sa tanggapan ng NFA at maaari nila itong kunin upang gamitin sa pagbili ng abono, bigas at pagsasaayos ng kanilang makinaryang pangsakahan at iba pang pangangailangan.

Ayon pa rin kay Pobre, mayroong insentibo rin ang mga indibidwal na magsasaka na 20 sentimo sa tuyong palay at 20 sentimo rin na dadalhin sa kanilang tanggapan o kabuuang P17.40 sa bawat kilo at kailangan rin na 14 hanggang 18 porsiyento ang moisture content ng palay.

Dagdag pa ni Pobre, may iba pang insentibo ang mga magsasaka sa pagdadala ng palay sa kanilang tanggapan mula sa sampung kilometro pababa ay 20 sentimo o Equivalent Net Weight (ENW) sa kabuuang P10 sa bawat bag ng palay.

Mula sa 10 hanggang 20 kilometro ay 30 sentimo/ENW o P15 ang karagdagan sa bawat bag at 20-30 kilometro naman ay 40 sentimo/ENW o P20/bag samantalang 50 sentimo/ENW o P25 sa bawat bag ng palay ang mula sa 30 kilometro.

Namimili naman ang NFA ng halagang P17 bawat kilo ng palay at karagdagang insentibo sa makakapagbenta ng tuyo nito at pagdadala sa naturang tanggapan.

Samantala, kabilang pa rin sa isinagawang pagpupulong ng PAFC ang pagtalakay sa mga lugar sa Camarines Norte na maaaring tamaan ng sakuna at kalamidad sa mga matataas at mababang lugar dito.

Tinalakay din ang paggawa ng resolusyon sa mga mayroong moroso sa National Irrigation Administration (NIA) upang mabawasan ang bayarin ng mga magsasaka sa patubig o irigasyon.

Ang PAFC ay gagawa rin ng resolusyon para sa kahilingan sa Department of Agriculture na farm equipment machineries upang hindi na magbigay ng kabahagi (equity) na 15 porsiyento. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://r05.pia.gov.ph/index.php?article=871377751015#sthash.pwAy7z7J.dpuf

Pamimili ng palay patuloy na pinaiigting sa Camarines Norte

DAET, Camarines Norte, Agosto 29 (PIA) -- Patuloy na pinaiigting ngayon sa lalawigan ng Camarines Norte ang pamimili ng palay ng National Food Authority (NFA) dito upang matugunan ang pangangailangan sa suplay ng bigas sa lalawigan.

Ayon sa pahayag ni Sonia Castañeda ng NFA Camarines Norte , nakaimbak sa kanilang bodega ang 48,230 sako ng palay, 7,364 sako ng palay na mula sa sa mga lokal na magasasaka at 14,911 sako ng inangkat na bigas na sapat na suplay hanggang sa Disyembre ngayong taon.

Sa pagsusubaybay ng tanggapan sa mga pamilihang bayan dito, ang pinakamurang bigas ay umaabot sa P31 hanggang P34 bawat kilo, ang regular milled rice ay P35 ang mababa at P38 ang mataas sa bawat kilo.

Ang magandang klase ng bigas naman o well milled rice ay P38 ang pinakamababa at P41 ang pinakamataas sa bawat kilo at P40 ang modal o most coated price na pinakamaraming presyo sa pamilihan.

Mabibili ang NFA rice dito sa halagang P27 bawat kilo at P1,250 naman ang halaga sa bawat bags ng bigas na mabibili sa tanggapan ng NFA.

Ayon pa rin kay Castañeda, ang sitwasyon sa mga pamilihang bayan dito ay mataas ang presyo ng commercial rice dahil wala pa sa panahon na anihan ng palay at sakaling makapagsimula na ng pag-ani sa buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre ay magiging normal na ang suplay at presyo ng bigas sa Camarines Norte.

Sa ngayon, gumagawa ng paraan ang naturang tanggapan para marating ang lugar ng mga magsasaka upang sila na ang mamili ng mga palay.

Nakatakda rin na magbukas ang NFA dito ng buying stations sa mga malalayong lugar sa lalawigan kabilang na ang Capalonga at Sta. Elena at mobile team naman sa mga walang buying stations.

Ang tanggapan ng NFA ay mayroong 163 outlets sa Camarines Norte na nagbebenta ng bigas sa mga pamilihan, sa mga barangay at mga parokya sa lalawigan. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)

Civic, people's orgs dapat na magpa-akredit sa mga lokal na pamahalaan

BY: BENILDA A. RECEBIDO

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 29 (PIA) – Matapos na maghayag ang Malakanyang na hihigpitan na nila ang pagbibigay ng pondo sa mga non-government organizations (NGOs) bunsod ng naging kontrobersyal na isyu ng pork barrel, naging maigting din ang panawagan ng Integrated Rural Development Foundation of the Philippines (IRDF) at ilan pang mga NGO sa mga civil society organizations (CSOs) at people’s organizations (POs) sa Sorsogon na asikasuhin na ang kanilang akreditasyon.

Ayon kay Ma. Libertad M. Dometita, project coordinator on Good Governance Project ng IRDF, isa sa ipinatutupad nila ngayon sa Sorsogon ay ang Participatory Governance Project kung saan ang pinaka-malaking bahagi nito ay ang bigyang kapasidad ang iba’t-ibang CSOs lalo na ang mga POs upang mas maging epektibo at mahusay sa pakikilahok sa pamahalaan. Ang mga ganitong proyekto ang magsisiguro na malinis, sapat at legal ang hangarin at gawain ng mga CSOs.

Maging ang iba’-tibang sangay ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture  (DA) ay naglahad ng instensyong paigtingin ang akreditasyon at monitoring sa mga NGOs.

Matatandaang may panawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) base sa inilabas nitong Memorandum Circular 2013-70 noong Hulyo 24, 2013 na gawin na ang akreditasyon ng mga CSOs at malagay na sa pwesto ang mga mapipili para sa mga Local Special Bodies.

Base sa nasabing Memorandum Circular, naatasan ang mga Local Government Unit (LGUs) na tapusin ang prosesyo ng akreditasyon sa loob ng Agosto at mabuo ang lahat ng Local Special Bodies bago matapos ang Setyembre.

Ito ay mandato ng Local Government Code upang mapalakas ang partisipayon ng CSOs sa mga proseso ng pamamahala. Dapat may representasyon ang mga CSOs na hindi bababa sa 25 porsyento ng Local Development Council.

Ayon sa IRDF, mas marami ang matitinong NGOs na dalisay ang gawain upang pagsilbihan ang mahihirap na Pilipino. Hindi sila dapat na paparusahan dahil sa baluktot na gawain ng iilan at pekeng NGOs.  Hindi ang sektor ng NGOs ang dapat na higpitan kundi ang proseso ng pagbibigay ng pondo mula man ito sa pork barrel o sa regular na pondong national o local na pamahalaan. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)

Wednesday, August 28, 2013

DAR, nagpatutupad na ng rationalization program

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 28 (PIA) – Matapos ipalabas nitong Huwebes, Agosto 22, 2013 ng punong tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR)  ang Partial List of Designation and Assignments of Third Level Officials sa bisa ng Special Order No. 478, napag-alaman nilang marami ang mga naging pagbabago sa kanilang ahensya.

Ito ang ipinaabot ni DAR Sorsogon public information officer Alura A. Jaso kung saan sa ngayon ay patuloy umano ang pagpapatupad ng kanilang ahensya ng Rationalization kung kaya’t may ilang mga posisyong nabago na ang pangalan, tulad ng Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) na sa ngayon ay tinatawag na nilang Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO).

Aniya, hindi lamang pangalan ng posisyon ang nabago kundi maging ang mga humahawak ng posisyon sa loob ng ahensya ay nabago rin.

Sa probinsya ng Sorsogon, ang dating hepe sa Operation Division ng DAR na si Ginoong Felix E. Fruto, ay siya na ngayong designadong OIC PARPO II habang ang dating hepe naman sa Support Services Division na si Ginang Lucia S. Vitug, ang siya na ngayong designadong OIC PARPO I.

Sa Provincial Agrarian Reform Adjudication (PARAD) Office, nananatili ang pagiging PARAD Officer ni Atty. Raddy Tolentino. Habang sa DAR Regional Office V naman, si Dir. Luis B. Bueno, Jr. na ang bag-ong designadong OIC Director IV.

Ayon pa kay Jaso, sa mga susunod na araw ay aabangan din ang pag-upo sa pwesto ng bagong Division Chief sa mga nabakanteng pwesto, pati na rin ang pagkakaroon ng bagong posisyon ng iba pang mga manggagawa sa DAR. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)

Araw ng mga Bayani tampok sa paglulunsad ng "Kaya Natin Youth Movement" sa Daet

DAET, Camarines Norte, August 28 (PIA) – Tampok sa Araw ng mga Bayani ang paglulunsad ng “Kaya Natin Youth Movement” noong Lunes  (Agosto 26) sa pangunguna ng pamahalaang bayan ng Daet na isinagawa sa Heritage Center dito.

Sinabi ni Mayor Tito Sarion na napakahalaga ng araw ng mga bayani dahil may mga pagkilos na isinasagawa kaugnay ng pagtanggal ng “pork barrel” o pondo para sa mga programa at proyekto na ibinabahagi sa mga halal ng bayan.

Kaugnay nito isinagawa ang “Photo-Essay Competition on Everyday Filipino Heroes” na may temang “We need to make heroes of ourselves” na sinalihan ng mga mag-aaral sa kolehiyo dito.

Ipinakita ng mga mag-aaral ang ibat-ibang mukha na sumasalamin sa pagiging bayani sa pamamagitan ng mga larawan ng mga kalahok na kinabibilangan ng inang nag-aaruga ng may kapansanang anak, guro na matiyang nagtuturo sa mga may kapansanan, amang naghahanapbuhay sa pangunguha ng basura at pangingisda; kasama rin ang mga pare, madre, lingkod bayan, sundalo, negosyante at iba pa na tumutulong sa kapwa tao.

Ayon sa kanya ang pagdalo ng mga kabataan sa paglulunsad ay nagkaroon ng kaliwanagan kung ano ang “Kaya Natin Movement” na nagsusulong ng maayos na pamamalakad o “good governance.”

Sinabi niya na ang pagsusulong ng maayos na pamamalakad sa gobyerno ay patuloy na proseso kung saan maraming dapat baguhin at gawin sa anumang ginagampanan na propesyon.

Ayon sa kanya malaki ang kanyang pasasalamat at isa siya sa napili ngayong taon bilang Kaya Natin Champions na isang malaking hamon sa kanyang panunungkulan bilang alkalde ng bayan.

Hinikayat rin niya ang mga lider na kabataan na sumali sa “Kaya Natin Movement” upang makatulong sa pagsusulong ng maayos pamamalakad na maaring masimulan sa kani-kanilang paaralan.

Tinalakay naman ni Prof. Rex Bernardo, consultant ng lokal na pamahalaan dito, ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at iba pang uri ng “pork barrel” at siya rin ang nanguna upang maging matagumpay ang naturang paligsahan.

Naging tagapagsalita rin si Jonas Soltes ang kinatawan ni Cong. Leni Robredo ng ikatlong distrito ng Camarines Sur kung saan tinalakay niya ang naging buhay ng yumaong Jesse Robredo, dating alkalde ng Naga City,Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at isa sa nagtatag ng “Kaya Natin Movement”.

Nagkaroon rin ng video presentation ng “Kaya Natin Movement” sa naturang paglulunsad.

Bilang pakikiisa sa isinagawang kampanya kontra “pork barrel” nagkaroon ng pagkuha ng larawan ng mga kalahok sa harapan ng unang bantayog ni Dr. Jose Rizal matapos ang naturang paglulunsad. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte).

Pamamahagi ng kagamitan sa eskuwela at feeding program tampok sa ika-73 anibersaryo ng NSO sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Agosto 28 (PIA) -- Naging tampok ang pamamahagi ng kagamitan sa eskulwela at feeding program ng National Statistics Office (NSO) sa Camarines Norte sa mga mag-aaral ng Sta. Elena Day Care Center sa bayan ng Mercedes dito.

Ito ay kaugnay sa selebrasyon ng ika-73 anibersaryo ng NSO sa bansa na ipinagdiwang kamakailan ngayong buwan ng Agosto kung saan tema ng selebrasyon ang “Handog ng NSO: 73 Taong Taos-Pusong Serbisyo sa Mundo”.

Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga papel, crayola, lapis at iba pang kagamitan sa eskuwela kung saan 35 mag-aaral ang tumanggap ng mga naturang kagamitan sa paaralan.

Ito ay karagdagang kagamitan ng mga mag-aaral ngayong buwan at nauna ng naipamahagi ang mga bags noong buwan ng Hunyo ngayong taon.

Ang mga naturang kagamitan ay mula sa kontribusyon ng mga empleyado ng NSO ganundin ang donasyon mula naman sa mga dating empleyado nito.

Ayon sa pahayag ni Statistical Coordination Officer II John Vincent D. Ramorez ng NSO dito, ang pamamahagi ng mga kagamitan sa eskuwela at ang feeding program ay bilang pagtupad sa kanilang Social Responsibility pagdating sa kumunidad.

Samantala, isinagawa naman sa Bagasbas Beach dito ang fun walk at hataw sa bagasbas o aerobics exercise ng sumunod na araw bilang bahagi pa rin ng selebrasyon.

Nakiisa dito ang mga empleyado ng Municipal Civil Registrar ng mga lokal na pamahalaan ganundin ang Census of Agriculture and Fisheries (CAF) at Registry System for Basic Sectors in Agricultural (RSBSA) ng NSO. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)

Paghango sa mga batang may mapanganib na trabaho, gagawing institusyon ng panukalang batas sa Masbate

BY: ERNESTO A. DELGADO

LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 27 (PIA)—Magiging institusyon  sa lalawigan ng Masbate ang pagsusumikap na sagipin ang mga batang maagang nasadlak sa mapanganib na trabaho kapag naipasa ng pamahalaang panlalawigan ang isang ordenansa na nagtatadhana ng programa  sa child labor sa lalawigan.

Ang panukalang lokal na batas na pinamagatang “An Ordinance Defining And Penalizing The Use Of Children In Worst Forms Of Child  Labor, And Providing For A Program For The Prevention And Progressive Elimination Of Hazardous Forms Of  Child Labor In Masbate,”  ay inihain na kahapon sa Sangguniang Panlalawigan kung saan may himig ng pagsang-ayon ang mayorya ng mga kasapi nito.

Sa nakalipas na dalawang taon, tinustusan ng International Labor Organization at pinangunahan ng Department of Labor ang paglaban sa masasamang anyo  ng child labor sa Masbate.

Sa pag-aaral na isinagawa para sa ILO program, maraming mga bata sa Masbate ang maagang tumutulong sa paghahanapbuhay para sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pamamasukan sa konstruksyon, pangingisda sa karagatan, pagpapaalila, pagmimina, pagsasaka, paglalako sa kalsada,   pangangalkal ng basura at pamamalimos sa kalsada.

Ayon kay Carlos Onding ng DOLE sa Masbate, ang mga trabahong ito ay peligroso sa mga bata at balakid sa kanilang  karapatan sa kaligtasan, pag-unlad, paglahok, at  proteksyon.

Ilan sa mga batang manggagawa ang nahango na sa mahirap na kondisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng desenteng trabaho sa kanilang mga magulang at pagkakaloob sa kanila ng gabay .

Sinabi ni Onding na kahit nakakalas na sa programa  sa susunod na buwan ang International Labor Organization, magpapatuloy ang  paghango sa mga batang may peligrosong trabaho  sa Masbate sa tulong ng ordenansang isasabatas ng lokal na pamahalaan. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)




Tuesday, August 27, 2013

Unang internasyunal na pagpupulong sa pagsaliksik sa K12 ginanap sa Bikol

BY: NI JOSEPH JOHN J. PEREZ

LEGAZPI CITY, August 27 (PIA) – Ang mga guro at mananaliksik sa K to 12 curriculum mula sa Pilipinas at ilang bansa ay nagtipon sa unang pagkakataon sa Pilipinas na ginawa sa Rehiyon Bikol para sa tatlong araw na pagpupulong sa Probinsiya ng Albay noong Agosto 20 hanggang 22 sa Oriental Hotel dito.

“Ang internasyunal na pagpulong sa edukasyong K to 12 ay dinaluhan ng ng mananaliksik na mayroong kapuripuring gawain, hamon at naisakatuparan sa edukasyong K to 12 sa buong mundo,” sabi ni Department of Education (DepEd) Bicol information officer Roy Bañas sa isang panayam sa programa sa radyo na Aramon Ta Daw (Ating Alamin) ng Philippine Information Agency (PIA) Bicol.

Sa temang “Charting Innovations in the K to 12 Curriculum for the 21st Century Learning: A Global Perspective,” ang unang internasyunal na pagpupulong sa pagsasaliksik sa edukasyong K to 12  ay itinampok si Dr. Tony Bush ng University of Warwick ng London sa United Kingdom bilang plenary speaker.

Kasama rin bilang tagapagsalita sa plenaryo si  Ginoong Firth McEachern ng Canada, na mother tongue-based multilingual education (MTB-MLE) implementation volunteer at co-facilitator para sa  Ilokano early grade reading assessment sa ilalim ng AUSAID PhilEd Data project.

Ang iba pang tagapagsalita sa plenaryo ay sina Dr. Felicitas Pado at Professor Ma. Hazelle Preclaro-Ontengco ng College of Education ng University of the Philippines, Ms. Laine Velasco, AusAid Support to DepEd Chief and technical adviser, at Dr. Soledad Ulep, director ng UP- NISMED.

Naunang nagpadala ng memorandum si Deped Secretary Bro. Armin Luistro para sa pagsumite ng abstract ng proyektong pananaliksik sa mga rehiyon na iprenesenta sa pagpupulong. “Ang pagpupulong ay naglalayong magkaroon ng patuloy na pag-usap para sa mananaliksik sa edukasyong Pilipino upang maibahagi ang mga gawain sa implementasyon ng K to 12 sa pambansa at internasyunal na tagapakinig,” sabi ni Luistro.

Ang pagpulong ay nagpapakita ng pananaliksik sa curricula ng edukasyon, kasama ang ancillary at support services ng DepEd at ipinaalam sa mga kalahok ang mga bagong pamantayan sa pananaliksik at metodolohiya sa pagpaunlad ng kakayahan ng mga mananaliksik sa boung mundo, dagdag ni Luistro.

Ang pagupulong ay nagtatalakay ng iba-ibang usapin sa implementasyon ng K to 12 sa kindergarten, early childhood care and education, pedagogy, strategies, students’ and teachers’ behavior ,professional learning community access, quality and relevance, partnership, linkages, community involvement, environmental and ecological awareness, disaster risk reduction and management, climate change adaptation/education in emergencies, information and communication technology and computer-based education reading, MTB-MLE and communication arts, school leadership and management, special education and indigenous people education.

“Ang mga kalahok ay umabot sa  1,261 galing sa rehiyon, bansa at ibang bansa,” sabi ni Bañas. Ang pagtitipon ay suportado ng National Educators Academy of the Philippines (NEAP) sa pakikipagtulungan ng Association of DepEd Educators (ADD), Bicol Association of Schools Superintendents (BASS) at DepEd CALABARZON, dagdag ni Bañas. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

DAR-PCA coco seedlings dispersal program ng bansa inilunsad sa Bicol

BY: NI JOSEPH JOHN J. PEREZ

LEGAZPI CITY, August 27 (PIA) – Kilala sa pagkaing may sangkap na niyog at sa tanyag na laing at iba pang ginataang ulam at kakanin,  ang rehiyon Bicol ang magiging sentro ng niyugan ng bansa o Philippine coconut capital sa paglunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR) at ng Philippine Coconut Authority (PCA) ng kauna-unahang pagtutulungan para sa Coconut Seedlings Dispersal Project (CSDP) sa buong bansa ng dalawang ahensiya.

“Ayon sa PCA, ang Bicol ang unang lugar na isinagawa ang pakikipagtulungan sa DAR para sa rehabilitasyon ng niyugan,” sabi ni DAR-Bicol Regional Director Maria Celestina Manlagñit-Tam.

Sa pangunguna ng DAR, ang pagtutulungan ay napagtibay sa  PCA-Bicol sa pamumuno ni Officer-in-charge Eduardo Allorde, ayon kay Tam.

Sa pagsimula ng proyekto, may kabuuang 124,750 seednuts ang inihahanda sa pagtatanim sa 1,098 ektarya na pakikinabangan ng 1,135 agrarian reform beneficiaries  (ARBs) sa probinsiya ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur at Masbate. Ang Catanduanes at Sorsogon ay nasa proseso pa ng paghahanda sa proyekto gaya ng pagsagawa ng pagpupulong at pagtutukoy ng mga lugar at mga benepisyaryo.

Sa Albay, ang natukoy na lugar ng proyekto ay sa Balogo Agrarian Reform Community (ARC) na sakop ang 192 ektarya na pakikinabangan ng 200 ARBs na may kabuuang 20,000 seednuts kung saan ay 7,000 ay naitanim na bilang pilot area ng proyekto.

Ang Dogongan ARC sa Daet, Camarines Norte ay may 19,750 seednuts na itatanim sa  150 ektaryang lupain ng 130 ARBs.

Ang Camarines Sur A ay may 20,000 seednuts na itatanim sa 150 ektarya sa F. Simeon ARC sa munisipyo ng Ragay na may 50 ARBs na makikinabang sa programa. Samantala sa Camarines Sur B, sa Del Pilar ARC ng Garchitorena ang pinakamalaking lugar ng proyekto na may 246 ektarya ng lupain na tataniman ng 45,000 seednuts na may 395 ARBs na benepisyaryo.

Sa Masbate, dalawang ARCS, ang Lantangan sa bayan ng Mandaon at Curvada sa Cataingan ang makikinabang sa proyektong niyugan. Ang Lantangan ARC ay maglalaan ng 216 ektarya para sa proyekto kung saan 216 ARBs ang magtatanim ng 12,000 seednuts. Sa Curvada ARC, 8,000 seednuts ang itatanim sa 144 ektarya na may ARBs na makikinabang dito.

Sa ilalim ng proyekto, magbibigay ang PCA ng mga itatanim gaya ng coconut seednuts, seedlings, tulong teknikal sa pagtayo ng nursery at pamamahala nito, extension services, at regular na pagmanman ng pag-unlad ng proyekto.

Sa kabilang dako, ang DAR ang pipili ng angkop na lugar na puedeng ipatupad ang proyekto sa mga probinsiya ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon.

Ang DAR Bicol din ang pipili ng mga munisipyo at barangay na mayroong Peoples Organizations (PO) na may kakayahan at makakatulong sa pagsasanay at pagpapa-unlad ng kakayahan ng mga benepisyaryong organisasyon.

Ang mga benepisyaryong organisasyon ang magtatrabaho sa pagtayo at pagpapatakbo ng nursery, gagawa ng panuntunan sa pagpili ng mga magsasakang benepisyaryo at sa roll-over scheme, kung saan ibabalik ng DAR Bicol ang kaparehong halaga na natanggap na 100 magandang uri ng seednuts sa bawat ektarya pakatapos ng pitong taon na naitanim ito na ipamamahaging muli sa mga susunod ng mga benepisyaryo, sabi ng DAR Bicol sa Philippine Information Agency (PIA).

“Pinapalakas naming ang produksiyon ng niyog dahilan sa potensyal ng industriya sa malawak na lugarsa Bikol na angkop sa plantasyong niyugan,” sabi ni Tam. (MAL/JJJP--PIA5/Albay)

Seed production area ng DENR ERDS, mahigpit na binabantayan

BY: BENNIE A. RECEBIDO

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 20 (PIA) – Mahigpit na binabantayan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol sa pamamagitan ng Ecosystem Research and Development Service (ERDS) ang kalagayan ng mga bagong tayong Seed Production Areas (SPA) sa Kabikolan.

Ang SPA ang nagsisilbing lugar patubuan ng mga primera klaseng uri ng binhi ng matatas na uri ng punong kahoy.

Ayon kay Bicol regional executive director Gilbert Gonzales, sa pakikipagtulungan ng Ecosystem Research and Development Bureau (ERDB), isinasagawa ng mga tauhan ng ERDS ang mahigpit na pagbabantay upang malaman kung ano na ang nangyari sa mga SPA makalipas ang dalawang linggo matapos na maitayo ito.

Layunin umano ng hakbang na ito na lubos na mabantayan ang prosesong ginagawa sa SPA pati na rin ang mga tinatawag na plus trees o pangunahing uri ng puno ng kahoy na siya ring pagkukunan ng pangunahing uri ng binhi sa mga darating na araw.

Ang mahigpit na pagsubaybay ay upang matiyak rin na mataas ang magiging tsansa na mabubuhay ang mga ito.

Apat na mga SPA site sa buong Kabikulan ang kabilang sa sinusubaybayan at binisita na ng mga taga-ERDS kamakailan lamang. Ito ay ang Damacan, sa Bacacay, Albay; Prieto Diaz sa Sorsogon; Olas sa Lagonoy, Camarines Sur; at Dangan Guisican sa Labo, Camarines Norte.

Kasabay sa ginagawang pagbabantay ay ang pagsasadokumento rin ng mga tauhan ng ERDS ng mga plus trees sa apat na SPA site na ito. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)

Unang internasyunal na pagpupulong sa pagsaliksik sa K12 ginanap sa Bikol

NI JOSEPH JOHN J. PEREZ
       
LEGAZPI CITY, August 27 (PIA) – Ang mga guro at mananaliksik sa K to 12 curriculum mula sa Pilipinas at ilang bansa ay nagtipon sa unang pagkakataon sa Pilipinas na ginawa sa Rehiyon Bikol para sa tatlong araw na pagpupulong sa Probinsiya ng Albay noong Agosto 20 hanggang 22 sa Oriental Hotel dito.

“Ang internasyunal na pagpulong sa edukasyong K to 12 ay dinaluhan ng ng mananaliksik na mayroong kapuripuring gawain, hamon at naisakatuparan sa edukasyong K to 12 sa buong mundo,” sabi ni Department of Education (DepEd) Bicol information officer Roy Bañas sa isang panayam sa programa sa radyo na Aramon Ta Daw (Ating Alamin) ng Philippine Information Agency (PIA) Bicol.

Sa temang “Charting Innovations in the K to 12 Curriculum for the 21st Century Learning: A Global Perspective,” ang unang internasyunal na pagpupulong sa pagsasaliksik sa edukasyong K to 12  ay itinampok si Dr. Tony Bush ng University of Warwick ng London sa United Kingdom bilang plenary speaker.

Kasama rin bilang tagapagsalita sa plenaryo si  Ginoong Firth McEachern ng Canada, na mother tongue-based multilingual education (MTB-MLE) implementation volunteer at co-facilitator para sa  Ilokano early grade reading assessment sa ilalim ng AUSAID PhilEd Data project.

Ang iba pang tagapagsalita sa plenaryo ay sina Dr. Felicitas Pado at Professor Ma. Hazelle Preclaro-Ontengco ng College of Education ng University of the Philippines, Ms. Laine Velasco, AusAid Support to DepEd Chief and technical adviser, at Dr. Soledad Ulep, director ng UP- NISMED.

Naunang nagpadala ng memorandum si Deped Secretary Bro. Armin Luistro para sa pagsumite ng abstract ng proyektong pananaliksik sa mga rehiyon na iprenesenta sa pagpupulong.

 “Ang pagpupulong ay naglalayong magkaroon ng patuloy na pag-usap para sa mananaliksik sa edukasyong Pilipino upang maibahagi ang mga gawain sa implementasyon ng K to 12 sa pambansa at internasyunal na tagapakinig,” sabi ni Luistro.

Ang pagpulong ay nagpapakita ng pananaliksik sa curricula ng edukasyon, kasama ang ancillary at support services ng DepEd at ipinaalam sa mga kalahok ang mga bagong pamantayan sa pananaliksik at metodolohiya sa pagpaunlad ng kakayahan ng mga mananaliksik sa boung mundo, dagdag ni Luistro.

Ang pagupulong ay nagtatalakay ng iba-ibang usapin sa implementasyon ng K to 12 sa kindergarten, early childhood care and education, pedagogy, strategies, students’ and teachers’ behavior ,professional learning community access, quality and relevance, partnership, linkages, community involvement, environmental and ecological awareness, disaster risk reduction and management, climate change adaptation/education in emergencies, information and communication technology and computer-based education reading, MTB-MLE and communication arts, school leadership and management, special education and indigenous people education.

“Ang mga kalahok ay umabot sa  1,261 galing sa rehiyon, bansa at ibang bansa,” sabi ni Bañas. Ang pagtitipon ay suportado ng National Educators Academy of the Philippines (NEAP) sa pakikipagtulungan ng Association of DepEd Educators (ADD), Bicol Association of Schools Superintendents (BASS) at DepEd CALABARZON, dagdag ni Bañas. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)


Thursday, August 22, 2013

20 "Casko" natanggap ng mga mangingisda sa Pto. Diaz, Sorsogon

BY: BENNIE A. RECEBIDO

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 22 (PIA) -- Labis na ikinatuwa ng mga mangingisda sa Barangay Diamante, Prieto Diaz, Sorsogon ang isinagawang pagpapasinaya at pagbibigay kamakailan ng 20 “Casko” o bangkang pangisda kasama ng mga angkla at lubid sa mga kasapi ng Samahan ng Maliliit na Mangingisda sa Diamante (Samamadia)

Ayon sa ilang miyembro ng samahan, matagal na panahon din nilang hinintay ang pagkakataong ito na magkaroon ng sariling bangka, kung kaya’t lubos ang kanilang pasasalamat sa ibinigay na pagkakataong ito.

Naging bahagi din ng ginawang aktibidad na may temang “Proyektong Inaasam, Aming Nakamtan” ang pagbigay ng pagkilala sa mga kasapi at mga indibidwal na nasa likod ng matagumpay at matatag nilang samahan, ang Samamadia.

Inihayag ni Pto. Diaz Mayor Benito Doma na tulad ng mga mangingisda, labis din ang kanyang kasiyahan sa oportunidad na ibinigay sa mga kasapi ng Samamadia na naisakatuparan sa pamamagitan ng KALAHI-CIDDS Program ng Deparment of Social Welfare and Development (DSWD), sa pakikipagtulungan sa
Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon at sa kooperasyon ng LGU-Prieto Diaz, mga opisyal at residente ng Bgy. Diamante.

Hinimok din ni Mayor Doma ang mga mangingisda na gamitin ang anumang biyayang natatanggap sa tamang paraan at gawing daan ito sa pagkamit sa kanilang mga pangarap.

Naging panauhing pandangal naman si Sorsogon provincial administrator Robert Lee Rodrigueza sa nasabing okasyon. Sa mensahe ni Rodrigueza, sinabi nitong marapat lamang na ingatan ng mga ito ang natanggap na “Casco” dahil ito umano ang magsisilbing katulong nila sa pang-araw-araw na paghahanap-buhay.

Tiniyak din ni Rodrigueza, na hindi magsasawa ang pamahalaang probinsyal ng Sorsogon sa pamumuno ni Gov. Raul R. Lee, na magbigay ng tulong sa mga residente ng Pto. Diaz lalo na kung para sa ikakabuti ng mga ito.

Dumalo din sa okasyon ang kinatawan ng DSWD Regional Office V na si Engr. Armand Michael Timplada at nangakong may darating pang karagdagang “Casco” para sa iba pang mga kasapi ng samahan. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)


Monday, August 19, 2013

1M lumahok sa humanitarian mission ng INC sa Albay

BY: SALLY A. ATENTO

LUNGSOD NG LEGAZPI, Agosto 19 (PIA) – Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Albay ang mainit na pagtanggap at suporta sa isinagawang “Lingap sa Mamamayan” humanitarian mission ng Iglesia ni Kristo Agosto 16 sa Riviera Lidong Sto. Domingo dito.

Ayon kay Albay governor Joey Salceda umabot sa tinatayang isang milyong katao mula sa iba’-ibang bahagi ng rehiyon ang dumalo sa nasabing pagtitipon kung saan tampok ang gift giving at medical mission.

Kaugnay nito, nagpalabas ng direktiba ang punong lalawigan sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC), Office of the Civil Defense (OCD) Bicol at lahat ng kinauukulang ahensya upang masiguro ang kaayusan at seguridad ng kaganapan na ito gayundin ng mga mamamayan sa probinsiya.

Una nang kinansela ng gobernador ang pasok sa bayan ng Sto. Domingo at mga baranggay ng Rawis, Bigaa, Arimbay, Bigaa at Padang bandang 7:00 ng umaga subalit bandang 10:00 ay kinansela na ang pasok sa lahat ng paaralan sa probinsiya bunsod ng matinding traffic at kakulangan sa mga pampublikong sasakyan na naupahan na upang sakyan ng mga kalahok sa nasabing pagtitipon.

Halos mapuno ng mga bus, jeep, truck at iba’t-ibang uri ng sasakyan ang mga pangunahing lansangan mula sa una hanggang pangatlong distrito ng Albay lulan di lamang ang mga kalahok kundi rin ang mga mamamayang papasok sa kani-kanilang mga paaralan, opisina at iba’t-ibang gawain

Upang maagapan ang kakulangan ng mga pampublikong sasakyan at matulungan ang mga stranded na pasahero inatasan ni Salceda ang Albay Public Safety and Management Office (APSEMO) at OCD na magsagawa ng Operation Libreng Sakay.

Bahagi nito ang 14 na truck na sinakyan ng mga mamamayan buhat at papunta sa mga lugar na apektado ng traffic at kakulangan ng pampublikong sasakyan. (SAA-PIA5/Albay)

'Anti-epal' campaign ng 4Ps sa papalapit na halalan pambarangay, kasado na

BY: ERNESTO A. DELGADO

LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 19 (PIA) -- Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kampanya laban sa "epal" kamakailan, kaugnay ng nalalapit na pagpili ng mga opisyal sa barangay sa Oktubre.

"Ang mga nagbabayad ng buwis ang dapat papurihan sa pagkakaroon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, kaya ito ang nararapat ipahayag ng mga namumuno sa mga barangay sa papalapit na kampanya sa eleksyon." Ito ang panawagan ni 4Ps Bicol regional coordinator Priscilla Saladaga kasabay ng paglulunsad ng Anti-epal campaign sa Masbate.

Ang "epal" ay slang para sa "mapapel," isang Pilipinong termino para sa mga umaangkin ng pansin at kredito, nagnanakaw ng eksena o mga taong nasasabik na pumapel sa mga bagay na hindi naman sila ang humahawak o nagdidesisyon hindi naman kanila.

Ang termino na nagmula sa lansangan ay naging kawikaan sa mga usapang pulitika lalo na sa unang taon ng administrasyong Aquino nang pasimulan ng Pangulo ang shame campaign laban sa gayong nakakainis na mga opisyal ng pamahalaan.

Ang 4Ps ay programa ng pambansang pamahalaan para paunlarin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa kalusugan at pag-aaral ng mga mahihirap na kabahayan, lalo na ng mga bata na may edad na 0-14 taong gulang.

Ang mga benepisyaryo nito ay pinagkakalooban ng cash grant sa kondisyon na susundin nila ang mga kondisyon ng programa.

Tanging DSWD ang may kapangyarihang maglista at magtanggal ng benepisyaryo na hindi sumusunod sa kondisyon subalit nung 2010 at 2013 elections, may mga pagtatangkang angkinin ang programa upang makuha ang boto ng mga benepisyaryo.

Sinalungat ito ng DSWD sa pamamagitan ng pagsagawa ng "Anti-Epal" campaign tuwing may eleksyon.

Sa mga dumalong pangulo ng liga ng mga barangay, nanawagan si Saladaga na sila ang magsilbing huwaran ng pulitiko na pawang katotohanan ang sinasabi sa botante.

Kung kagandahang asal at katapatan ang makikita sa kasalukuyang nanunungkulan sa barangay, magbabago umano ang isip ng mga nagbabalak gamitin sa electioneering ang flagship poverty alleviation program ng pamahalaan.

Ipinaalala rin ni Saladaga ang patakaran ng ahensya na magliban ang parent leaders kung sila'y sasali sa electioneering.

Paglilinaw ni Saladaga,"Hindi binabakuran ng DSWD ang mga beneficiaries. 4Ps is rights-based program so we encourage them to exercise their right to suffrage as all these rights should go together subalit tungkulin naming ma-insula ang programa sa electioneering."

Sa kanilang tugon, nangako ang mga pangulo ng liga ng mga barangay at 4Ps links sa mga bayan na kanilang itataguyod ang anti-epal campaign. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)


Saturday, August 17, 2013

54 sundalo, pulis sumasailalim sa Small Unit Operation Training

BY: BENILDA A. RECEBIDO

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 17 (PIA) -- Sinimulan na noong ikalawang linggo ng Agosto sa kampo ng 903rd sa Barangay Poblacion bayan ng Castilla, Sorsogon ang unang araw ng Small Unit Operation Training Class-01-13 ng 54 na mga kasapi ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP).

Ayon kay 903rd Brigade commander Joselito E. Kakilala, ang pinagsanib na pagsasanay na ito ng mga sundalo at pulis ay upang mas mahasa pa ang inter-operability o capability ng mga kasapi ng Philippine Army at PNP sa pagsugpo ng mga armadong grupo at masasamang elementong nagdadala ng kaguluhan sa lalawigan ng Sorsogon.

Dagdag pa ni Kakilala na nais nilang palawakin pa nang husto ang nalalaman at kasanayan ng mga sundalo at pulis na palaging nakasuong sa panganib ang mga buhay.

Ito ang kauna-unahang joint training ng Philippine Army at PNP na isinagawa ng 903rd Brigade.

Labing-anim (16) na mga pulis mula sa PNP Sorsogon, 24 na sundalo mula sa 31st Infantry Brigade na nakabase sa Rangas, Juban, at 14 na sundalo mula sa 903rd Brigade ang isinailalim sa pagsasanay.

Bahagi ng pagsasanay ang pagbibigay sa kanila ng refresher lecture na una na nilang pinagdaanan ng mag-umpisa silang pumasok sa ganitong propesyon tulad ng General Information Module, Military Courtesy and Discipline, Bayanihan Best Practices, Individual Skills Development Module, Small Unit Leadership, Troop Leading Procedure, Map Reading at Land Navigation.

Sasailalim din sila sa Squad Tactics, Immediate Action Drill at iba pang Field Training Exercises para mas mapapalim pa ang kanilang kakayahan bilang mga sundalo, lalo na pagdating sa mga combat operation.

Magtatagal ng isang buwan ang Small Unit Operation Training ng mga ito kung saan magiging taga-pagsanay nila dito ang mga batikang instructor ng Scout Rangers at Special Forces mula sa Battalion at 903rd Brigade.

Samantala, nagpaabot din ng mensahe ng inspirasyon si Police Supirentendent Edgar Ardales, Deputy Director ng Police Provincial Office sa mga nagsasanay na pulis at sundalo at sinabi din niyang bahagi lamang ang pagsasanay na ito ng kanilang propesyon na tiyak na makakatulong sa kanila sa lahat ng mga gagawin nilang operasyon. (MAL/BAR/LBJimenez/PIA5)

Friday, August 16, 2013

Galing Mason Award inilunsad

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZP, Agosto 16 (PIA) -- Inilunsad ng Holcim Philippines, Incorporated ang Galing Mason Award para sa taong kasalukuyan upang magbigay pugay sa mga Pilipinong mason na nagpakita ng kakayahan at pagpunyagi sa kanilang gawain at modelong mamamayan sa kanilang pamayanan.

Sa pahayag na inilabas ng Holcim Philippines, bukas na sa mga indibidwal o lehitimong organisasyon na magsumite ng nominasyon para sa mga nagtatrabahong mason na edad 25 taong gulang pataas at nakatira sa kanilang pamayanan sa loob ng isang taon o mahigit. Ang nominado ay dapat nagtataglay ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) Certificate of Masonry.

Kailangang kasabay sa nominasyon ang certificates of good moral character galing sa dalawang lokal na organisasyon at mga kinakailangang mga dokumento na isusumite sa pinakamalapit na opisina ng Tesda. Ang nominasyon ay tatanggapin hanggang Agosto 16, 2013.

Ang mga nominado ay isasailalim sa tatlong baytang na proseso sa pagpili: panlalawigan, pang-rehiyon at pambansa. Ang pangunang tatlong nominado lamang galing sa rehiyon ang lalahok sa pambansang kompetisyon. Ang magwawagi ay pipiliin base sa kaniyang nagawa, kaalamang teknikal at propesyunalismo. Ang seremonya ng paggawad ay nakatalaang gawin sa Oktubre 25 sa New World Hotel sa Makati.

Ang itatangahal na pinakamagaling na mason ay makakatanggap ng halagang P150,000 cash at Mason Statuette na nililok ng tanyag na Paete artist Glen Cabanan. Samantalang ang mga nanalo sa rehiyon ay makakatanggap ng halagang P25,000 cash at ang nagnominang indibidwal o organisasyon na nagpadala ng pinakamaraming nominasyon ay bibigyan ng P15,000.

Ang unang Galing Mason Award noong 2007 ay napanalunan ni Sergio Barliso ng Cebu, ang patimpalak noong 2009 ay pinangunahan ni Rodante Andres ng Capiz at ang mga nanalo noong 2011 ay sina Eduardo Latap ng National Capital Region at Alejandro Tagle ng Cagayan Valley.

“Mahalaga ang papel ng mga mason dahil sa gumagawa sila ng mga estrukturang kinakailangan sa pag-unlad ng ating bansa,” sabi ni Holcim Phils. Sustainable Development Head Michael Cabalda. Marapat lamang na parangalan sila sa paggawa ng kanilang tungkulin ng maayos at pagiging modelo sa kanilang pamayanan, dagdag ni Cabalda. “Inaasahan naming inonomina silang mga organisasyong nakakakilala sa kanila.”

Ang Holcim Galing Mason Award, na ginaganap tuwing dalawang taon, na bahagi ng programa sa corporate social responsibility ng kompanya sa pakikipagtulungan ng Tesda, Philippine Contractors Association ((PCA) at Association of Construction and Informal Workers (ACIW). Ang iba pang aktibidad ay Galing Mason Olympics, tatlong araw na masonry competition at ang Galing Mason Training, pitong araw na pagpapa-unlad ng kakayahan at certification program.

Isinasagawa ng Holcim Philippines ang programang Galing Mason upang makatulong sa pagpapaunlad ng kakayahan at kaalaman ng mga mason sa kanilang gawain at isa-propesyunal ang industriya. Nakapagbigay na ng kasanayan ang kompanya sa mahigit 8,000 na mason sa ilalim ng programa.

Sa karagdagang detalye sa patimpalak, makipag-ugnayan sa Galing Mason Award hotlines mobile numbers 0919-536-7425; 0917-866-4252 at email galingmasonawards@yahoo.com. Ang nomination kits ay makukuha sa Holcim at mga opisina ng TESDA at sa PCA at ACIW chapters sa buong bansa. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

Thursday, August 15, 2013

Pagbabayad ng real property taxes pinalawig sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Agosto 15 (PIA) -- Pinalawig pa hanggang ika-30 ng Disyembre ngayong taon ang pagbabayad ng real property taxes sa lalawigan ng Camarines Norte sa bisa ng Panlalawigang Resolusyon blg. 160-2013 batay sa Panlalawigang Ordinansa blg. 10-13.

Ito ay nagpapalawig sa pagbibigay ng tax relief at condonation sa pagbabayad ng penalties at surcharges para sa mga delinquent real property taxes at ang pagbibigay ng karagdang 10% diskwento para sa mga regular at maagang magbayad ng buwis.

Isinulong ito ng nakaraang pamunuan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) bilang pagsang-ayon na rin nito sa inihaing petisyon ng Provincial Agrarian Reform Coordinating Committee (PARCCOM).

Ito ay upang palawigin ang tax amnesty para sa kapakanan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at iba pang may-ari ng lupain sa lalawigan na pinagtibay kamakailan ni Gobernador Edgardo A. Tallado ang naturang ordinansa ng nakaraang pamunuan ng SP.

Ayon sa petisyon ng PARCCOM , isinagawa umano nila ang pagtaya sa estado ng mga ARBS, lumabas karamihan ay walang indibidwal na Tax Declaration (TD) na siyang basehan sa pagbabayad nila ng real property taxes.

Dahil dito, kailangan ng dagdag na panahon ng Department of Agrarian Reform (DAR) at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang ang mga ARBs ay maisyuhan ng Tax Declaration ng mga kaukulang Assesor’s Office.

Ang mga amnestiyang nakapaloob sa Resolusyon blg. 253-2012 at Panlalawigang Ordinansa blg. 24-12 ay ipatutupad pa rin sa ilalim ng Panlalawigang Ordinansa blg. 10-13 na nag-aatas din sa Provincial Treasurer’s Office (PTO) na patuloy na magsasagawa ng massive awareness drive sa 12 bayan ng lalawigan patungkol sa tax amnesty extension at iba pang kinakailangang aksiyon.

Para sa mga hindi pa nakapagbabayad ng real property taxes ay samantalahin ang nasabing amnestiya at magbayad ng buwis hanggang Disyembre ngayong taon upang maiwasan ang multa at iba pang karagdagang buwis. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte) 

Bawal ang Epal Campaign paiigtingin sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Agosto 15 (PIA) -- Paiigtingin sa lalawigan ng Camarines Norte ang kampanya ng "Bawal ang Epal Dito" sa pamamagitan ng Orientation cum dialogue na isasagawa sa ika-21 ng Agosto ngayong taon sa Wiltan Hotel sa bayan ng Daet.

Pangungunahan ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 5 katuwang ang Liga ng mga Barangay sa lalawigan.

Layunin nito na mas mapaigting ang kampanya kontra-epal at masiguro na mapangalagaan at maproteksiyunan ang karapatan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa rehiyong bikol.

Ganundin ay hindi magamit ang programa nito ng ilang pulitiko lalo na ngayong darating na Syncronized Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na buwan ng Oktubre ngayong taon.

Patuloy na pinaiigting sa buong bansa ang Bawal ang Epal dito ng DWSD upang matiyak na matatamasa ng mga benepisyaryo ng 4Ps ang kanilang karapatan para sa isang malinis at matapat na halalan gayundin ang mapangalagaan ang integridad ng programa nito kasama na ang kaligtasan at kalayaan ng kanilang mga manggagawa.

Ang 4Ps ay isang human development and right based program ng pamahalaang nasyunal na layuning mabawasan ang kahirapan sa bansa at maabot ang Millinium Development Goals (MDG) nito.

At sa ilalim ng programa, ang conditional cash transfer (CCT) ay ibinibigay sa mga mahihirap na pamilya upang matamasa ng kanilang mga anak ang karapatan na magkaroon ng malusog na pangangatawan gayundin ang makapag-aral. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte) 

Provincial Health Summit isasagawa sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Agosto 15 (PIA) -- Ilulunsad sa lalawigan ng Camarines Norte ang unang Provincial Health Summit sa ika-27 ng Agosto ngayong taon ng Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD Bicol).

Katuwang ng DOH-CHD sa naturang gawain ang Department of the Interior and Local Government Regional V (DILG ROV) at ang National Economic Development Authority (NEDA).

Layunin ng summit na makuha ang suporta at pangako ng mga pamahalaang lokal para maisakatuparan ang mga planong pangkalusugan sa rehiyong bikol susog sa programa ng pamahalaang nasyunal.

Kaugnay nito, tatalakayin ang mga hakbangin at pangunahing plano na makakatulong upang mapataas ang antas ng mga nagawang programa, proyekto at aktibidad para maabot ang Millenium Development Goals (MDGs) sa health sector.

Isasagawa ang summit upang ang mga bago at muling nahalal na lokal na opisyal sa rehiyong bikol ay maging pamilyar sa kasalukuyang health agenda ng pamahalaang nasyunal at ang mga implikasyon nito sa kalagayang pangkalusugan sa lokal na antas gayundin sa mga lokal na programa at planong pangkalusugan.

Ang Provincial Health Summit ay isasagawa rin sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate at Sorsogon na tatampukan ng pagpresenta sa regional attainment ng MDGs kumpara sa latest LGU scorecard.

Nakatakda naman na dumalo si Gobernador Edgardo A. Tallado sa naturang summit. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte) 

Pambansang ICT Roadshow, sisimulan sa lungsod ng Naga

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Agosto 15 (PIA) -- Papangunahan ng National Confederation of ICT Councils of the Philippines o NICP ang dalawang araw na Information Communications Technology (ICT) Roadshow simula ngayong araw katuwang ang ilang ahensya ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon.

Napiling ganapin dito sa lungsod ang naturang aktibidad dahil sa pagkakasali ng lungsod ng Naga sa listahan ng 2013 Next Wave Cities in the Philippines.

Ayon kay ICT@Bicol Council chairman E. Daniel de Leon, gaganapin dito ang unang yugto ng pagbisita ng mga pangunahing miyembro at ICT players sa bansa dahil ito ang napagkaisahan ng mga opisyal ng pampubliko at pribadong sektor ng Information Technology-Business Processing Management (IT-BPM).

“Isang malaking karangalan, hindi lamang para sa mga Nagueno kundi na rin sa ating mga Bikolano na tayo mismo ang manguna sa ICT Roadshow. Hindi lahat ng lungsod o lugar ay nabibigyan ng ganitong pambihirang pagkakataon, kaya inaasahan po naming ang suporta ng ating mga kababayan sa aktibidad na ito,” paglalahad ni De leon sa ginawang press conference kanina.

Ang aktibidad ay may temang “Bringing ICT Opportunities to Countryside Filipino Talents,” ay isa ring malaking oportunidad sa mga Bikolano.

Nahahanay na rin ang lungsod bilang isang ICT investment destination and IT-BPM hub dito sa bansa.

Sinabi ni De Leon na tatalakayin din ang pagkakataon na mapalakas ang maliit na negosyo sa pamamagitan ng digital commerce at gawing magtagumpay ito.

Ang iba pang mga lungsod na pupuntahan ng ICT Roadshow ay ang mga lungsod ng ng Baguio (Agosto 22-23), Laoag (Setyembre 5-6), Tacloban (Setyembre 12-13), Butuan (Setyembre 19-20), Puerto Princesa (Oktubre 11-12), Cagayan de Oro (Oktubre 24-25), Tarlac (Nobyembre 7-8), Iloilo (Nobyembre 18-19) at Rizal (Nobyembre 25-26).

Samantala, dahil sa kabilang sa top ten ang lungsod ng Naga sa listahan ng National Competitiveness Council (NCC) at bilang pang siyam na lugar sa mga nangungunang siyudad sa pagiging best in infrastructure at best in transparent LGUs sa buong bansa, nahirang ang lungsod sa mga kasaping next wave cities ng naturang roadshow. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)

DENR Bicol nagsagawa ng pagsasanay sa pangangalaga ng butong pananim

By Sally A. Atento

LUNGSOD NG LEGAZPI, Agosto 15 (PIA) -- Nagsagawa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng pagsasanay mula Hulyo 29 hanggang Agosto 1 ng kasalukuyang taon sa pagtatag at pangangasiwa ng pinagkukunan ng mga butong pananim at magandang uri ng pananim sa rehiyon ng Bicol.

Nabanggit sa nasabing pagsasanay ni DENR Forest Management Bureau director Ricardo Calderon ang pagtatayo ng automated nurseries sa limang pangunahing lugar sa bansa kabilang na ang Bicol National Park sa Sooc, Lupi, Camarines Sur.

Ayon kay DENR director Gilbert Gonzales layunin ng nasabing proyekto at pagsasanay na matiyak ang pagkakaroon ng magandang uri subalit murang mga pananim para sa hinaharap.

Kanya ring tiniyak na mas dadami pa ang pananim sa buong rehiyon kung saan tinatayang sa kasalukuyang taon ay makapagtatanin ng punong kahoy sa 220, 906 ektarya ng lupa at 27, 149 ektarya sa susunod na taon sa ilalim ng National Greening Program (NGP).

Dagdag pa ni Dr. Portia Lapitan, pinuno ng pananaliksik ng DENR, mananatili ang suporta ng kanilang tanggapan sa pagtatayo ng seed production areas at pagpapalago ng individual plus trees. (SAA/PIA5 Albay/DENR5) 

Llagas, tinanghal na outstanding barangay scholar ng Bicol

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LEGAZPI CITY, August 15 (PIA) -- Itinanghal ang barangay nutrition scholar (BNS) mula sa Barangay Sagrada ng Iriga City na 2012 Regional Outstanding Barangay Nutrition Scholar (ROBNS) ng Bikol, ayon sa National Nutrition Council (NNC).

Nakuha ni Jimnah Llagas ang kabuuang grado na 94.54% upang mapanalunan ang patimpalak. Nasa ikalimang taon bilang BNS si Llagas na kumukuha ng kursong edukasyon.
Pumangalawa si Marilou Jimenez ng Barangay Carolina sa Naga City na may gradong 92.5% at pangatlo si Lyra Magracia ng Barangay #34 Orosite, sa lungsod na ito.

Ang  tatlong iskolar ay nagungunang outstanding barangay scholars ng mga nakalipas na taon, subalit sa unang pagkakataon sa loob ng anim na taon, naungusan ng Iriga City ang Naga City sa patimpalak, sabi ng NNC-Bicol sa Philippine Information Agency (PIA).

Ang iba pang mga kalahok sa patimpalak ay sina: Elena Dacillo ng Albay na may gradong 89.66% sa pang-apat na pwesto, Margarita Divinaflor ng Ligao City na nakakuha ng 86.15% sa ika-limang pwesto, Gemma Loveres ng Sorsogon na nakakuha ng 85.15% sa ika-anim na pwesto, Marsha Bondoy ng Tabaco City ikapito sa gradong 84.94%, Preshel Lagat ng Masbate ikawalo sa gradong 82.64%, Imelda Ebona ng Camarines Norte ikasiyam sa gradong 78.75%, Ma. Neil Santelices ng Catanduanes pangsampu sa gradong 78.02% at Girlie Jeresano ng Sorsogon City panglabing-isa sa gradong.

Ang patimplak ngayong taon ay ginawa simula Abril 8 hanggang Hunyo 28 na may pagsusulit noong Hunyo 26 na ginawa sa Legazpi City.

Ayon sa NNC-Bicol, sinuri ang mga kalahok ayon sa kanilang naiambag sa implementasyon ng barangay nutrition program. Ang pagsusuri ng mga kalahok sa patimpalak ay isinabay sa pagsusuri ng nutrisyon sa kanilang lugar, dagdag ng NNC-Bicol.

Ang bawat kalahok ay sinuri ayon sa sumusunod na batayan : performance score na binubuo ng serbisyong pang-nutrisyon, epekto ng programa at kahandaan ng ulat sa kabuuang 50% grado, validation score na binubuo ng pamamahala sa programa, pagsuri ng lugar, pagsusuri ng timbang ng piniling pre-schoolers validation na may 40% grado at pagsusulit na may 10% grado sa kabuuang puntos.

Ang NNC ay may katungkulan na manmanan at suriin ang implementasyon ng programang pang nutrisyon at pagkain ng bansa, ang Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) kasama ang BNS. Batay sa katungkulang ito, ang mga ahensiyang kasapi sa Bicol Regional Nutrition Committee na pinamumunuan ni Director Gloria Balboa ay nagsasagawa ng taunang pagmamanman at pagsusuri sa Local Level Plan Implementation (MELLPI) kasama na ang ROBNS. (JJJP-PIA5/Albay)

Wednesday, August 14, 2013

Masbateno news: Lampas sa 60 na narses san gobierno, tutukduan sa pagbulig sa mga may sakit sa mata kag talenga

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Agosto 14 (PIA) -- Sobra sisenta (60) na narses sa mga pampubliko na eskwelahan kag sentrong panlungsod na pabulungan sa probinsya san Masbate an magatapos yana na Huwebes sa duha kaadlaw na pagtutukdo sa pag-eksamin sa mga sakit sa mata.

Ini na mga narses an magahiwat san eksaminasyon sa mata san mga estudyante kag mga indibidwal na nagaayo san bulig sa mga panlungsod na pabulungan agod macierto an mga may diperinsya sa mata.

Sinabi san lider san mga nagtutukdo na si Mavis Campos san Cataract Foundation Philippine Inc., an may mga katarata na waran pambayad sa operasyon igwa san tsansa na maoperahan san libre sa medical mission na pagahimuon sa Masbate san inda grupo sa maabot na Oktubre.

Segun kan Mavis, an katarata bagan dampog na nagasalipud sa lente san mata kag magiging kawsa san pagdulom sa pangita. Ini an pinaka-ordinaryo na kawsa san pagkabuta.

Sa ospital sa Masbate na naga-opera san katarata, sobra P16,000 an guina sukot sa kada mata na paga-operahan.

Sa karkulasyon lampas sa 25,000 na pumuluyo sa Masbate an igwa san katarata.

Apwera sa pagtutukdo maylabot sa optalmolohiya, tutukduan man an mga narses kun pan-o maibitaran an pagkabungol.

Sinabi ni Mavis an naanadan na paggamit san cotton buds o swab sa paglinis sa talenga an pinaka-ordinaryo na kawsa san hearing loss kay nakasira ini sa ear drum.

An libre na serbisyo san Cataract Foundation Philippines Inc. suportado san Rotary Club of Masbate kag Rotary Club of Canberra san Australia.

Sa pag-urusad san duha na Rotary club kag Cataract Foundation Philippine Inc. may klaro na paglaom kag tsansa na magpawa an pangita kag pagbati san mga nasa peligro na mabuta kag mabungol dahilan san katarata kag dili tama na paggawi sa talenga. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)

Mahigit 60 narses ng pamahalaan, sinanay sa pagsaklolo sa mga may karamdaman sa mata at pandinig


LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 14 (PIA) -- Mahigit 60 narses ng mga pampublikong paaralan at mga pambayang sentro ng kalusugan sa probinsya ng Masbate ang magtatapos ngayong Huwebes sa dalawang araw na pagsasanay sa pagsusuri sa mga sakit sa mata.

Ang mga narses na ito ay magsasagawa ng pagsusuri sa mata ng mga mag-aaral at mga indibidwal na humihingi ng tulong sa mga pambayang sentro ng kalusugan upang matiyak ang may kapansanan sa paningin.

Sinabi ng lider ng mga tagapagsanay na si Mavis Campos ng Cataract Foundation Philippine Inc., ang mga may katarata na walang pambayad sa operasyon ay may pagkakataong maoperahan ng libre sa medical mission na isasagawa sa Masbate ng kanilang grupo sa darating na Oktubre.

Ayon kay Mavis, ang katarata ay parang ulap na tumatakip sa lente ng mata at humahantong sa pagdilim ng paningin. Ito ang pinaka-kariniwang sanhi ng pagkabulag.

Sa ospital sa Masbate na nagtatanggal ng katarata, mahigit P16,000 ang sinisingil nito sa bawat matang ooperahan.

Tinatayang 25,000 mamamayan sa Masbate ang may katarata.

Bukod sa pagsasanay sa optalmolohiya, tinuruan din ang mga narses ng paghadlang sa pagkawala ng pandinig.

Sinabi ni Mavis na ang nakasanayang paggamit ng cotton buds o swab sa paglilinis ng taynga ang umano’y pinaka-karaniwang sanhi ng hearing loss dahil sa nalalagot nito ang ear drum.

Ang libreng serbisyo ng Cataract Foundation Philippine Inc. ay suportado ng Rotary Club of Masbate at Rotary Club of Canberra City ng bansang Australia.

Sa tambalang ito ng Rotary Club at Cataract Foundation Philippines Inc., umaaliwalas ang pag-asa na may pagkakataon pang luminaw ang paningin at pandinig ng mga nanganganib mabulag at mabingi dahil sa katarata at maling kinagawian sa taynga. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)

Tuesday, August 13, 2013

Pambatang aklat tungkol sa people power ilulunsad sa Bicol

EDSA People Power Commission (EPPC)

By Joseph John J. Perez

LEGAZPI CITY, Aug 13 (PIA) -- Muling sinariwa ng mga Bikolano, lalo na ng mga kabataan, ang diwa ng People Power Revolution ng 1986 matapos ilunsad ang aklat pambata na may pamagat na “EDSA” na ginanap sa Bicol University kamakailan.

“Ang aklat pambata ay naglalaman ng mga binahaging karanasan na isinulat hindi lamang para sa mga bata ngunit pati na rin sa mga guro at magulang na kailangang ipamahagi upang maipagpatuloy ang adhikain ng EDSA,” sabi ni EPPC project officer Nenito-Ro Laman.

Ang aklat ay naglalaman ng pagbabalik-tanaw sa pamamagitan ng mga imaheng puti't itim at nagsisilbi ring aklat pambilang (counting book), ayon kay Laman.

Naunang inilunsad noong Hulyo 16 sa Cultural Center of the Philippines (CCP), ang aklat na EDSA ay nagtatampok ng sakripisyo at pagsasalarawan ng katapangan at ideyalismo ng mga Pilipino sa pagsulong ng kalayaan at katarungan ayon sa EPPC sa isang pahayag.

“Naniniwala kami na ang people power revolution ay hindi lamang naganap sa EDSA at Kamaynilaan subalit ang mga probinsiya ay nagbigay ng mahalagang ambag para sa tagumpay nito kung kaya’t nakikipag-ugnayan kami sa mga lalawigan upang ipamahagi itong literatura,” sabi ni Laman sa Philippine Information Agency.

Nagbabalak ring ilunsad ang aklat sa lalawigan ng Sorsogon, kung saan mayroong itong mga mamamayan na nagkaroon ng mahalagang papel sa People Power Revolution gaya ni Senador Grogorio “Gringo” Honasan na galing sa bayan ng Bulan at Philippine Daily Inquirer (PDI) founder Eugenia Duran-Apostol at editor Letty Jimenez-Magsanoc.

Si Sorsogon Bishop Emeritus Jesus Varela naman ay founder ng Good News Sorsogon Foundation, Inc na namamahala ng DZGN-Spirit FM sa ilalim ng Catholic Media Network (CMN) na nagsilbing relay station ng Radyo Veritas sa Rehiyon Bicol noong 1986.

Ang aklat ay isinulat ni Palanca at PBBY Salanga Writer’s Prize awardee Russel Molina na isang tanyag na manunulat ng mga pambatang aklat, iginuhit ni Sergio Bumatay III na kilala sa buong mundo bilang tagaguhit ng pambatang aklat, at inilathala ng Adarna House, Inc. Ang aklat ay mabibili sa mga pangunahing bookstore sabi ni Laman.

Ang EPPC ay nalikha sa pamamagitan ng Executive Order 82 na pinatupad noong 1999 ni dating Pangulo Joseph Ejercito Estrada upang maipagpatuloy ang adhikain at simulain ng 1986 EDSA People Power Revolution.

Kasama sa gawain ng Commission ang pangunahan ang mga aktibidad na magpapalawak ng kamalayan sa mga prinsipyo at pagpapahalaga na nakaugat sa kaparehong adhikain na nagdala ng kalayaan sa mga Pilipino ng nakaraang siglo.

Sa pamamagitan ng taunang pagdiwang tuwing Pebrero 25, pagsagawa ng EDSA symposia sa mga lalawigan, at sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pambatang aklat na EDSA, nais iluklok ng EPPC ang EDSA People Power na patuloy at permanenteng pinagmumulan ng inspirasyon para sa susunod na henerasyon, ayon sa EPPC. (MAL/JJJP-PIA5, Albay) 

Masbateno news: Mga stranded na barko sa Masbate guin pabiyahe na, bagyong Labuyo nagaharayo na

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Agosto 12 (PIA) -- Makaligad an isad kaadlaw na paghulat, guin tugotan na yana na Lunes an mga stranded na sarakyan-pandagat na damo san karga na pasahero sa Masbate Port na magbiyahe kay pahirayo na an bagyong ‘Labuyo.’

Naghatag na san clearance an Philippine Coast Guard sa mga nasambit na sarakyang-pandagat san ibaba na an anunsyo san bagyo sa Masbate kag mga katarakin na probinsya.

Agod maibetaran an remalaso, guin kanselar kahapon san Coast Guard an pagbiyahe san mga barko sa pantalan san Masbate na matabok sa Ticao Pass, Burias Pass at Visayan Sea.

Sa 671 na pasahero na kadamauan taga Masbate nag-uruli na lang sa inda mga balay san makanselar an biyahe.

Segun sa Montenegro Shipping Lines, yana na aga nagtuna na pagbiyahe an inda roll on-roll off ships kag fastcrafts pakadto sa Bicol Mainland.

Guin cierto naman ni Coast Guard commander Domingo Quian na tuna kanina na alas otso y medya san aga, dayun na an operasyon sa mga pantalan san Masbate City, Cataingan kag Aroroy sa Masbate, Pilar sa Sorsogon kag Pio Duran sa Albay.

Sa guihapon, bagaman guin baba na an anunsyo sa bagyo, padayon na guina padumdom san mga otoridad sa mga tagdiotay na sarakyan-pandagat na dili anay mangahas na maglawod dahilan kay padayon na pilegroso an mabalod na sitwasyon para sa inda.

An ika-dose na bagyo na sumulod sa lado san Pilipinas na si Labuyo, guina asahan na maluwas na buwas na aga. (MAL/RAL-PIA5/Masbate) 

Monday, August 12, 2013

12, huli sa pinaigting na laban ng Masbate kontra droga

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 12 (PIA) -- Umabot na sa 12 na drug pushers ang nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency sa magkakahiwalay na entrapment at search and seizure operations sa probinsya ng Masbate sa taong 2013.

Sa report ni Senior Supt. Heriberto Olitoquit, direktor ng PNP sa Masbate, ang pagkaaresto sa 12 ay nagresulta din sa pagkakasamsam ng shabu na tumimbang ng 118.123 gramo at marijuana na nasa dalawang maliit na plastic na supot.

Sa pagtaya ni Olitoquit, ang kumpiskadong shabu ay maibebenta ng pusher sa kabuuang halaga ng P990,196 samantalang ang marijuana ay nagkakahalaga ng P400.

Bukod pa dito ang 181 piraso ng maliliit na plastic na supot na nasamsam sa pinakahuling pares ng drug pusher na nahulog sa kamay ng mga alagad ng batas.

Hindi umano kagyat na natiyak ang timbang ng shabu sa 181 sachets na nasamsam mula sa bahay ng suspek sa bayan ng Monreal sa isla ng Ticao nitong Sabado.

Pinapurihan ni Olitoquit ang mga mamamayan at mga ahensya ng gobyerno na tumulong sa pulisya upang maisagawa ang matagumpay na police operations laban sa mga tulak ng droga.

Nanawagan din ang police official sa mga barangay chairman na makipagtulungan sa kampanya laban sa illegal na droga at magsagawa ng regular na update ang Barangay Anti-Drug Abuse Council sa mga surveillance at buy bust operation sa kani-kanilang lugar.

Samantala, inatasan ni Mayor Rowena Tuason ang Masbate City Anti-Drug Abuse Council na paigtingin ang impormasyon sa mga residente ng Masbate hinggil sa batas kontra droga.

Dapat aniyang maunawaan ng mga residente ang masamang epekto ng droga sa katawan, sa pamilya, mga kaibigan, pinansyal, at ari-arian ng mga taong gumagamit ng droga at maging sa buhay ng ibang tao .

Bilang bahagi ng pagmulat sa mga kabataan lalo na ang mga out-of-school-youth sa salot na droga, ang Special Drug Education Center ay itinatag ng pamahalaang lungsod.

Ang sentro ay dinesenyo para sa mga hindi na nag-aaral at street children, upang mabigyan ang mga ito ng serbisyo at pagsasanay para malbaling ang mga isipan palayo sa mga droga at iba pang mga bisyo. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)

Mga kaswal na empleyado sa Masbate, itatalaga bilang barangay nutrition scholars

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 12 (PIA) -- Upang lubos na mapakinabangan ang kanilang serbisyo at talento, nagpasya ang alkalde ng lungsod ng Masbate na italaga ang ilang kaswal na empleyado sa City Hall ng Masbate bilang barangay nutrition scholars.

Sa pulong noong isang linggo ng city nutrition council, inihayag ni Mayor Rowena Tuason ang naturang balak para sa mga narses na temporaryong naninilbihan sa City Health Office.

Labis na kapaki-pakinabang aniya ang paninilbihan ng mga kaswal na narses kung sila’y makakatulong sa pagsugpo ng malnutrition sa 30 barangay ng lungsod.

Bilang barangay nutrition scholars, sila ay susubaybay sa nutritional status ng mga bata at magsisilbing tulay ng pamayanan sa nutrition program ng gobyerno at iba pang nauugnay sa nutrition.

Natatagpuan at nakikilala ng barangay nutrition scholar ang mga batang malnourished sa pamamagitan ng pagtitimbang sa lahat ng preschoolers at pakikipanayam sa mga ina.

Sa kinalabasan ng 2011 Operation Timbangan, lumitaw na halos 15 porsyento ng 14,774 na preschoolers ang kulang sa timbang. Lumitaw din na may 215 preschoolers o halos dalawang porsyento ng mga tinimbang na preschoolers ang labis sa bigat.

Ang prevalence ng malnutrition sa lungsod ng Masbate ang umano’y pinakamataas sa pitong lungsod sa Bikolandia.

Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, naaantala ang development ng mga malnourished na bata bukod pa sa sila’y ay madaling kapitan ng sakit bilang resulta ng hindi sapat na paggamit ng protina, calories at iba pang nutrients.

Upang masugpo ang malnutrisyon, hinubog ng pamahalaang ang Philippine Plan of Action for Nutrition, ang programa na dadalhin ng barangay nutrition scholar sa mga magulang ng batang kulang sa timbang at labis sa bigat. (MAL/EAD-PIA5 Albay)

Operasyon ng planta ng niyog sa lungsod ng Sorsogon ipapasara na

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 12 (PIA) -- Matapos ang halos apat na buwang pagrereklamo ng mga apektado ng operasyon ng Peter Paul Philippines Corporation, isang planta ng niyog sa Brgy. Cabid-an, lungsod ng Sorsogon, positibo silang makakahinga na rin sila ng maluwag dahilan sa desisyon ni Sorsogon City Mayor Sally A. Lee na tuluyan nang ipasara ito.

Halos ay iisa ang adhikain ng mga taga-lungsod, na maipatigil na ang operasyon ng Peter Paul Phililippines Corp. dahil sa hindi nito pagsunod sa Environmental Compliance Certificate (ECC) na inisyu ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) at sa kawalan nito ng kaukulang mga dokumento at permit mula sa pamahalaang lungsod ng Sorsogon.

Noong Marso 2013 nagsimulang magreklamo ang mga mangingisda dahil sa naganap na fish kill sa isang fish pond at sa mabahong amoy malapit sa planta. Apektado din nito ang ilan pang mga mangingisda sa Sorsogon Bay at maging ang kalapit nitong Retreat House at paaralan ng isang kongregasyon ng mga madre kung saan ilan na rin ang napabalitang sumakit ang ulo, nagsuka at nagkasakit ang mga mag-aaral dahil sa napakabahong amoy na malalanghap mula sa pabrika.

Ayon kay Diocesan Commission Director Fr. Michael Imperial ng Commission on Media for Evangelization ng Diocese of Sorsogon, nagsimula ang problema nang matuklasan ng mga mangingisda ang pangingitim ng mga kanal at ilog na dumadaloy sa Cabid-an River mula sa nasabing planta. Humingi umano ng tulong sa kanila ang mga ito at sa pananaliksik nila, lumabas na ilegal ang operasyon ng planta dahil sa kawalan nito ng kaukulang mga dokumentong kailangan upang makapagtakbo ng multi-milyong proyektong katulad nito. Napag-alaman ding may mga paglabag ang kompanya sa labor practice.

Sa ginawang deliberasyon sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod kamakailan, inirekomenda na rin ng mga kasapi nito sa alkalde ng lungsod na ipatigil ang operasyon ng planta hanggang sa maisumite nito ang lahat ng mga rekisitos na kailangan para sa maayos, malinis at makakalikasang operasyon nito.

Ayon kay Sangguniang Panlungsod Committee on Good Governance Chair Atty. Joven Laura, dahil sa napakaraming paglabag ng kompanya ay dapat lamang na ipasara ito.

Kabilang sa mga naitalang paglabag ay ang mga sumusunod: walang Buisiness Permit mula sa tanggapan ng City Mayor; walang Permit to Operate; walang Wastewater Discharge Permit; temporary lamang ang Sanitary Permit nito na magtatagal hanggang ngayong buwan na lamang ng Agosto; walang Building Permit sa lahat ng mga itinayong istruktura nito pati na ang Waste water Treatment Facility at wala ring Zoning Permit, dagdag pa dito ang paglabag sa halos ay 10 batas sa kalikasan.

Sinabi naman ni Mayor Lee na handa siyang ipatupad anuman ang maging rekomendasyon ng City Council kung kaya’t inihayag niya ang tuluyang pagpapasara simula noong Agosto 7, 2013.

Ang Peter Paul Philippines Corporation ay mayroon ding kahalintulad na planta sa Candelaria, Quezon at target sana ng planta dito sa lungsod ng Sorsogon na makapagproseso ng 145,000 metriko tonelada taon-taon ng sabaw ng buko at iba pang produktong galing sa niyog. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)

Mga barkong istranded sa Masbate, pinapayagan ng maglayag habang lumalayo na si Labuyo

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 12 (PIA) -- Pagkatapos ng paghihintay nang isang buong araw, pinayagan na ngayong Lunes ang mga istranded na sasakyang-dagat na may daan-daang pasahero sa Masbate Port na maglayag na ngayong lumalayo na ang bagyong "Labuyo."

Naglabas ang Philippine Coast Guard ng clearance sa mga naturang sasakyang-dagat pagkaraang ibaba ang babala ng bagyo sa Masbate at mga karatig probinsya.

Upang maiwasan ang sakuna, hindi kahapon nagbigay ng clearance ang Coast Guard sa mga barko sa mga pantalan sa Masbate na tatawid sana ang mga ito sa Ticao Pass, Burias Pass at Visayan Sea.

Pawang tubong Masbate ang 671 pasahero kaya’t nagsiuwi na lamang ang mga ito sa kanilang tahanan.

Ayon sa Montenegro Shipping Lines, ngayong umaga nagsimulang tumawid ang kanilang mga roll on-roll-off ships at fastcrafts patungong Bicol mainland.

Tiniyak ni Coast Guard station commander Domingo Quian na simula kaninang alas otso y media ng umaga, tuloy na ang operasyon sa mga daungan ng lungsod ng Masbate, Cataingan at Aroroy sa Masbate, Pilar sa Sorsogon at Pio Duran sa Albay.

Gayunpaman, bagamat ang babala ng bagyo ay ibinaba na, pinapayuhan pa rin ng mga otoridad ang mga bangka pangisda at iba pang maliliit na sasakyang-dagat na huwag munang mangahas pumalaot dahil nanatili umanong mapanganib sa kanila ang maalong dagat.

Ang pang-12 bagyong pumasok sa teritoryo ng Pilipinas sa taong ito na si Labuyo ay inaasahang lalabas ng bansa bukas ng umaga. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)

Mga magsasaka, mangingisda sa Camarines Norte pinaalalahanan ngayong panahon ng tag-ulan

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Agosto 12 (PIA) -- Pinaalalahanan ngayon ng tanggapang panlalawigan ng agrikultura ang mga magsasaka sa lalawigan ng Camarines Norte upang mapangalagaan ang kanilang mga tanim, sakahan, palaisdaan sa panahon ng tag-ulan.

Ayon sa pahayag ni Integrated Pest Management Manuel del Rosario, Senior Agriculturist ng OPAg ng pamahalaang panlalawigan, iwasan ang mag-spray sa mga pananim kapag maulan ang panahon at malakas ang hangin upang hindi mawala ang bisa ng kemikal na nagpo-protekta dito at pumipigil sa peste at sakit ng tanim.

Pangalagaan ang mga palayan kapag malakas ang ulan at palabasin ang tubig na magsasanhi ng pagtaas nito upang hindi maapektuhan o malunod ang mga tanim na palay lalo na ang mga bagong tanim.

Aniya, laging magmonitor sa presensiya ng daga upang matugunan ng aksiyon para hindi ito dumami sa palayan sa panahon ng pagbubunga ng palay.

Dagdag pa ni del Rosario, ugaliin pa ring gumamit ng mga paraan sa tamang pagtatanim sa pamamagitan ng organikong agrikultura at gumamit lang ng pestisidyo kung kinakailangan kapag mataas na ang populasyon ng insekto at malubha na ang sakit na kumakapit sa tanim.

Ayon naman sa pahayag ni Aqua Culturist Danilo Guevarra, Senior Agriculturist ng OPAg, dapat na paghandaan ng mga mayroong palaisdaan na isaayos o kumpunihin ang mga mahihinang bahagi ng pilapil upang hindi masira ito sanhi sa lakas ng agos ng tubig.

Dagdag pa niya na pataasin ang mga pilapil upang hindi umapaw ang tubig at hindi makawala ang mga alagang isda ganundin ang mga may fish cages na patibayin ang mga poste at ayusin ang mga mahihinang lambat.

Paalala pa rin ni Guevarra makinig pa rin sa mga istasyon ng radyo o manuod sa mga telebisyon para sa ulat ng panahon upang makapaghanda sa mga gagawin kapag mayroong sama ng panahon. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)

DRRM councils nakikipag-ugnayan sa pagkawala ng 8 bangka sakay ang 13 mangingisda sa Cam Norte

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Agosto 12 (PIA) -- Nakikipag-ugnayan na ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Council sa lalawigan kaugnay ng pagkawala ng walong bangka sakay ang 13 mangingisda sa Daet at Mercedes dahil sa bagyong “Labuyo.”

Ayon kay PDRRMO Carlos Galvez unang naitala na nawawala ang siyam na bangka sakay ang 16 na mangingisda kahapon kung saan nasa ilalim ng babala ng bagyo bilang 3 ang lalawigan.

Kaninang umaga napag-alaman na napadpad ang isang bangka sa Catanduanes sakay ang tatlong mangingisdang ligtas at hindi pa naitatala ang mga pangalan.

Aniya sa walong nawawalang bangka, apat ang mula sa Bagasbas ng Daet sakay ang apat na mangingisda samantalang apat ang mula sa Mercedes sakay ang siyam na mangigisda.

Sinabi ni Galvez na may isang bangka sa Mercedes na may sakay na limang mangingisda ang hindi nakapagpaalam o nag-log out sa coast guard.

Sampung pamilya naman ang naitalang nakapag-evacuate o inilikas kahaponsa bayan ng Mercedes.

Wala namang naitatala sa ngayon na naging biktima ng bagyo. Naitaas ang babala ng bagyo bilang 3 kahapon, Agosto 11, ng umaga na agad namang naibaba sa 2 sa hapon at tuluyan nang nawala ang banta ng bagyong “Labuyo” sa lalawigan.

Una rito nagsagawa ng pagpupulong ang mga lokal na konseho ng DRRM upang paghandaan ang bagyong “Labuyo.” (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte).

Mga aktibidad para sa unang anibersaryo ni Robredo, handa na

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Agosto 12 (PIA) -- Pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga para sa pag alala sa unang Anibersaryo ng sa pagkamatay ni dating DILG Secretary Jesse M. Robredo sa darating na Agosto 18.

Ayon kay Allen Reondanga, tagapagsalita ng City Hall, magiging simple lamang ang inihandang programa dito sa lungsod kasabay ng ilan pang aktibidad sa ibang lugar na dadaluhan ni Congresswoman Leni G. Robredo, biyuda ni Robredo.

Orihinal na dalawang araw sana ang gagawing programa sa lungsod subalit nakansela ang aktibidad sa Agosto 17 dahil sa nakatakdang pagbisita ni Congresswoman Robredo sa Masbate kasama ang mga opisyal ng lungsod sa pangunguna ni Alkalde John G. Bongat. Nakatakdang bisitahin ng grupo ang mismong lugar sa Masbate kung saan bumagsak ang sinasakyang eroplano ng yumaong kalihim.

Ang aktibidad sa Agosto 18 dito sa lungsod ng Naga kaugnay ng Jesse M. Robredo Day ay ay sisimulan bandang 5:30 ng umaga sa pamamagitan ng "Tsinelas Walk" mula sa Plaza Quezon hanggang sa Eternal Garden, sa Barangay Balatas, Magsaysay kasunod ang Eucharistic Celebration alas 7:30 ng umaga.

Ang ilan pang aktibidad na nakahanda ay ang: Alay kay Jesse Tree Planting na papangunahan ng Tau Gamma Phi. Ito ay gaganapin sa Isarog Protected Area; Wreath-laying Ceremony; pamamahagi ng mga titulo ng lupa; Disaster Preparedness Lectures at pamamahagi ng tsinelas; Jesse M. Robredo Exhibit; 2nd Discovery Women’s Basketball Invitational at Jesse Mabalos Concert.

Samantala, una ng ginanap nitong Agosto 11 ang Tsinelas Walk for Jesse Robredo sa Quezon City Memorial Circle na pinangunahan ng grupo ng "Kaya Natin" at "Ateneo de Manila University." Isang Jesse Robredo Exhibit din ang magaganap sa Cebu sa Agosto 15 at dalawang araw na Naga Study Visit sa Agosto 15 at 16.

Dagdag pa rito ang Jesse M. Robredo Essay Writing Contest sa pangunguna ng JMR Foundation, Ateneo de Manila University at Kaya Natin na bukas para sa mga estudyante at propesyonal na may 16-23 taong gulang.

Ang mga interesadong lumahok ay sasagutin lamang ang tanong na “How can I live out in my own way the legacy of Jesse M. Robredo?”

Kailangan lamang na orihinal ang pagkagawa sa wikang Ingles na hindi pa nailalathala at may 800 na bilang ng mga salita. Ang mga entries ay dapat ipadala bago dumating ang Setyembre 15, 2013 sa email na jmrfyouth@gmail.com.

Halagang P20,000 ang para sa unang gantimpala, P10,000 para sa ikalawang gantimpala at P5,000 para sa ikatlong gantimpala ang ipamimigay.

Matatandaan na noong Agosto 18, 2012 sumakay si DILG Sec. Jesse M. Robredo sa eroplanong Piper PA-34 Seneca mula sa Cebu City patungo sana sa lungsod ng Naga. Nagpasya ang piloto na mag emergency landing sa Moises R. Espinosa Airport sa lungsod ng Masbate dahil sa naglolokong makina ng eroplano ngunit dito na ito tuluyang bumagsak sa dagat. Kasama ng kalihim sa eroplano ang nakaligtas na si Police Chief Inspector June Paolo Abrazado. Nasawi rin ang dalawang piloto sa naturang aksidente. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)